Almusal ni Gabriela at ng mga Kababaihang Hanggang Ngayon ay Hinahanap pa

Fiction by | January 12, 2026

Noong dekada sitenta, ang almusal ni Gabriela ay walang iba kundi itong tatlo: pastil na may matigas pang bigas, tinapay na umuusok sa init na para bang sigarilyo, at kapeng itim na itim na pilit pinapatamis ng gobyerno gamit ang propagandang pasista sa dila ng mga tao. Ito ang kanyang mga pantawid-gutom sa panahong mas pamilyar pang pag-usapan sa hapag kainan ang mga kasamahan niyang isa-isang nawawala kesa sa pagkaing nakahanda.

Paano nga ba sisimulan ni Gabriela ang araw niya? Paano nga ba kung sa lansangang kay tagal niyang pinainit gamit ang bukal niyang pagkilos para maihain ito sa lahat ay mayroon pa ring kumakalat na mga matitigas na butil na may dalang armas? Saan niya ilalagay ang inaasam-asam na pastil at katarungan kung walang espasyong hindi nilapastangan ng mga berdeng butil na ito? Paano niya nga ba simulan araw niya, kung iniisip niyang mas mabuti pang may bangkay siyang maibalot sa dahon ng saging kesa habang buhay siyang maghanap ng mga nawawala niyang kasamahan na hindi naman kinikilala ng mga gobyernong talaan?

Masarap ang pastil, oo, pero mas masarap ang buhay na kung saan ay hindi ka dinidikta ng sistemang mas piliin pang pumatay kesa umamin ng sala. Masarap din ang tinapay.

Mas masarap talaga ang tinapay pag ibinabahagi, at siyempre kung mainit pa. Sa kabilang kanto bumibili ng tinapay si Gabriela. Lumalakad siya sa panaderya na sa isip niya sa pagbalik niya ay mauuwian pa siyang pamilya. Matuwa siyang nakadating sa panaderya, matuwa din ang panadera na nakadating siya na hindi hinaras at pinagpyestahan. Madalas na kasi sa bayan nilang may mga sundalong hindi ginagamit ang mga babae para makipag-usap lang.

Noong umuwi na si Gabriela, hawak hawak ang papel na supot na may munting usok, napansin niya ang lamesa ay napuno lamang ng kahungkahan. Ayun pala, inakusahan na ang kanyang asawa bilang isang rebelde. Hinanap siya ni Gabriela. Hinanap at hinanap hanggang hindi na mainit ang tinapay. Malipas pa ng ilang taon mapagtanto ni Gabriela na hindi na maibabalik ang kanyang asawa, at hinding hindi na magagalaw ang tinapay sa lamesa.

Mayroon pa namang kape. Gusto ni Gabriela ng kapeng maitim. Maitim-itim para hindi mawala sa isipan niya ang pait ng buhay na kanilang dinadanas sa pamamahala ni marcos. Isang wilig ng gutom, isang kutsara ng korapsyon, at dalawang dekadang pag-aabuso ng mga karapatang pantao at kalayaan. Minsan, ang tubig niya ay ang dugong hindi dapat inalay ng kanyang mga kasamahan. Ito ang tinitimpla ni Gabriela tuwing umaga sa kanyang munting tinitirahan. Nilulunok niya ito araw araw sa pag-aasam na mapapawi nito ang kanyang gutom pero mas lalong sumasakit ang kanyang tiyan. Patuloy itong kumukulo sa gutom para sa hustisya, at uhaw na uhaw na rin siya para sa rebolusyong magbabago sa landas ng bansa niya.

Hindi dito nagtatapos ang almusal ni Gabriela. Ang iba nga, hindi na talaga nakakapag almusal. Maaaring sila ay dinakip, inaresto, hinaras, hinubad, o pinatay. Ang pinakamasaklap, sa sobrang daming kababaihang binaboy sa panahong batas militar ay hindi na sila kinikilala at sinasali sa bilang. Madalas sila ay kinakalimutan nalang. Kahit maging numero nalang ay pinagkait pa sa kanila.

Mahirap na silang mapangalanan at mahirap na ring sikmurahin ang almusal. Kahit na sa panahon ngayon ay mas nakahanda at mas may laman na ang lamesa, mas mabuti pang pag usapan natin sila. Sila na mga babaeng Mindanao, mga babaeng Gabriela, mga babaeng hanggang ngayon ay hinahanap pa.

Mahirap na, isang marcos ba naman ulit ang padre de pamilya.

Iha, mag-aalmusal ka pa ba?


Henri Marie C. Belimac is a budding writer and filmmaker from General Santos City with a father from Glan, Sarangani and a mother from Tantangan, South Cotabato. She was a fellow for the 21st Ateneo National Writers Workshop, and Film Development Council of the Philippines x Filipino Screenwriters Guild Screenwriting Workshop – Davao Leg. She is also currently a student of BA English (Creative Writing) at UP Mindanao, and she believes that the arts should always serve the people.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.