—Madalíng isísi ang sála sa ibá,
Mahírap pigílin ang luhà sa matá.
Ang sayá sa malî ay sadyâ ng tadhanà.
Ang lumbáy sa hulí ay gantí ng gabà.—
Madalíng iwaksí ang saríling sála,
Isísi sa ibá ang pasáng parúsa.
Ngúnit káhit tákas ang pípi’t may bátik,
Ang puwáng ng luhà’y sa púso’y didikít.
Tahímik ang gabíng wáring saksí,
Sa sálin ng tínig na pílit itinatanggí.
Tinutuyót ng kirót ang dáting ligáya,
Sa dúlo ng landás, ang lúnos ay nakaambá.
Sa báwat hakbáng, bigát ay bumabága
Sa lílim ng dúngis, sa tákot nagdurúsa.
Ang paít ng líhim na lumubóg sa dilím
Isinuko ng aníno sa taghóy ng hángin.
Kung síno man ang magtakíp sa saríli ng tábing,
Ay siyáng lalapítán ng hungkág na lambíng.
Kung ang paglímot ma’y madalíng gawín,
Ang kamalayán nama’y hindî nakikimkím.
Ang hinanakít sa ibáy wáring bagyó,
Ngúnit ang lúnas ay nása saríling pusò.
Sa pusò ay matútuklasán ang layà,
Ang hímig ng pagpapatáwad ay simulâ.
Ngúnit bágo mapanátag ang kaluluwá,
Dúsa’t tanikalá’y kailángang makawalâ.
Sa balintatáw ng púsong sugatán,
Ang síning ng pagtanggáp ang magpapatáhan.
Kayâ sa báwat pílat na iniíwan ng súgat,
Pagsílang ng liwánag sa dilím ang katapát.
At ang púsong batíkan ng dúsa at gapì,
Ay tahánan ng tahímik na pagkilála sa saríli.
Kung sasápit mang mulî ang mga sandalî,
Pipikít nang tahímik sa lambóng ng gabí.
At kung ang lúhang pinígil ay magbabalík sa dúlo,
Tatanggapín ng pusò ang saríling delúbyo.
Si Gine Mae L. Lagnason ay isang full-time faculty member sa Central Mindanao University. Natamo niya ang digring masterado sa Philippine Studies in Language, Culture, and Media sa De La Salle University-Manila taong 2019. Aktibo siyang nakikilahok sa iba’t ibang gawain at kumperensiyang nagtataguyod sa pagpapalawig ng diskurso sa wika, kultura, panitikan, midya, at edukasyon. Natamo niya ang parangal na 2022 Gawad Rolando S. Tinio sa Tagasalin o ang NCCA Translator’s Prize ng National Commission for Culture and the Arts para sa kategoryang nobela.