1984
Pauwi na ang magkapatid na Jenilyn at Baloy mula sa kanilang pinapasukang mababang paaralan sa Mudon sa South Sepaka sa bayan ng Sultan Kudarat. Si Jenilyn ay walong taong gulang samantalang si Baloy ay sampung taong gulang. Nakahiligan ng magkapatid na sabay umalis ng bahay nang alas singko ng madaling araw kasama ng kanilang tatay. Ngunit noong araw ay dalawa silang nagtungo sa paaralan. Binabagtas ang malayo at bako-bakong daan patungo sa destinasyon. Madadaanan pa nila ang malapad na ilog at ang dalawang daanan – ang daang papunta sa kanila pauwi at ang daan patungo sa tirahan ng sinasabing bugtot.
Sinasabi ng mga matatanda at mga nakaaalam ng kuwento ng bugtot, ito ay isang matandang babaeng kuba noon na mapangahas na tumira sa kalasangan doon malapit sa nagtataasang mga damong kogon at kawayanan, sa kabilang lupa ng ilog at hindi kailanman natagpuan ang tiyak na tinatahanan nito maliban sa malaking kamalig na abot- tanaw kahit pa’y ito’y may kalayuan. Ayon pa sa karamihan, kadalasang nakayuko itong lumalakad at may itim na delargo, palaging may hawak na pinuti o maliit na kutsilyo o di kaya karit, na paningit ng mga prutas kapag hindi maabot. May dala din itong sako na pinaghihinalaang dito inilalagay ang mga bagay na kaniyang nakukuha gamit ang pinuti o ang karit. At kung ano pa ang mas nakakakabang katangian ng matanda ay di umano’y nananampot ito ng mga mapangahas na tumungo sa lugar, sa mismong daanan mula sa punong daan.
Subalit may mga nagsasabing, ito ay panakot lamang sa mga batang pumupunta sa lasang o sa masukal na gubat upang magliwaliw o di kaya ay kumuha ng mga prutas at gulay.
Alas tres y medya nang sila’y lumisan sa paaralan. Maulan ang hapong yaon at walang dalang payong ang dalawa. Pinagtiyagaan nilang gawing panangga ang kanilang kustal na nilalagyan ng kanilang gamit sa paaralan. Nagmamadali ang magkapatid paramakauwi nang maaga sa kanilang bahay.
“Neng, ‘di bala dire daw padulong tung balay ka bugtot nga gabitbit-bitbit sang karit kag sako,” pag-uusisa ni Jenelyn sa kaniyang ate.
“Ambot gani ah. Tuod daw to siya haw? Daw himu-himu lang man ‘to nga istorya-istorya nanday, Tatay kag Nanay! Pati ka da…” pagtugon ni Baloy kay Jenilyn. “Kapila dun ta ja ka panaw, kag waay man nagatuhaw nga bugtot nga nagadala sang karit…” pagdagdag ni Baloy.
Sa isipan nilang dalawa ay magkahalong panginginig ng katawan at pagkatakot. Malamig ang bawat pagpatak ng ulan sa katawan ng magkapatid; samantalang sa bawat paghakbang ay singtaas ng mga halamang kogon ang nananalaytay na kaba sa kanila.
“Jing, dasiga ang paglakat … para kauli ta dayon,” hikayat ni Baloy sa kaniyang kapatid. Bakas sa bawat tikang nila ang kanilang paglasak sa maputik na daan.
Patuloy sa paglalakad ang magkapatid. Kahit pa nasambit ni Baloy ang kaniyang pagtaliwas sa kuwento-kuwento at pagtatanong ni Jenilyn tungkol sa pag-iiral ng bugtot ay kakikitaan pa rin ito ng pagkatakot. Nadaraanan na nila ang lugar patungong kalasangan. Nababanaag na nila ang malaking puno ng mangga na abot sa kabilang bahagi ng ilog ang mga sanga nito. Samantalang tila hihiga naman ang mga kogon. Mas dumagdag ang pangamba ng dalawang magkapatid nang kumulog ang langit.
“Neng, hindi man bala tuod ang storya nanday tatay kag nanay ‘di ba kag katig-a gid sang hawid mo sa akon?” batyag ni Jenilyn dahil sa mahigpit na hawid ni Baloy sa kaniyang kamay habang patuloy sa paglakad sa mga sandaling yaon.
“Hindi ko bala sagad sang ka pamangkot, kag magahod… batian mo man ang huni ka agagangis nga ina? Dakpun ka gid sanâ karon kay damu ka it ginawakal,” pagtakot ni Baloy sa kaniya.
Tatlong hakbang bawat segundo. Basang-basa na ng mag-ate ngunit padayon sila sa pag matulin na paglalakad.
Isang nakaririmdim na palahaw ang nangibabaw mula sa pinanggalingan. Hindi na nakayanang lumingon ng dalawa. Hindi rin nila alam kung sino ang gumawa ng nakakikilabot na sigaw na yaon. Nagtriple ang hakbang ng dalawang bata. Hawak-hawak sa kamay nang mahigpit ni Baloy ang kaniyang kapatid.
Sa pagmamadali at pagkatakot ay napadiretso sila sa ibang daanan. Hindi na nag-aatubili nang bumalik ang dalawa baka sila’y dakpin o hindi kaya ay habulin hanggang sa makuha sila nito. Maririnig pa rin ang alunig ng sigaw ng nakatatakot na tinig na yaon. Sa halip, dumaan ang dalawa sa ilog na sa panahong yaon unti-unti na ring tumataas ang ilog na napalilibutan rin ng mga halamang kogon. Wala nang ingay ngunit nababanaag pa rin ang kamalig ng hinihinalaang tahanan ng matandang bugtot…
Mag-aalas sais na. Bahagyang tumahan ang ulan at naging maruming asul na ang kalangitan nang makarating ang dalawa sa kanilang tahanan. Nagtatakang nag- aalala ang kanilang Tatay Bo-ok at Nanay Nene sa kanilang sinapit at ganoon ang pagtambad nila sa pintuan.
“Susmaryosep, Dios ko! Naano kamo duha? Ha, Neneng kag Jing-jing. Ngaa nagkarabasa tinyo duha? Way niyo ja gidara ya kapote? Aysus!…” pag-aalangang mga tanong ng Nanay Nene sa kanila. Nagpaliwanag ang dalawa ng kanilang karanasan at pagkatapos ay nagsipaghanda na para sa hapunan.
Mainit-init pa ang inihandang kaldo ng tatay Bu-ok sa kanila. Ito ang inihahanda ng tatay nila sa tuwing malamig at maulan ang panahon.
Magpapatak na ang alas siyete. Tanging ang kinki lamang ang nagpapailaw sa buong paligid ng tanan ng pamilya. Naghahanda na sila para makinig ng kuwentong kababalaghan at katatakutan sa radyo. “Malamig nga kagab-ihon sa inyo mga abyan! Subong ng gab-i ipadayon naton ng isturya nga may tigulo nga ‘Tiniente Gimo’…”
2021
Mag-aalas diyes na ng gabi. Tatlong dekada na at pitong taon na ang nakaliligad ng pangyayaring yaon at sariwa pa sa alaala ang mga nangyari. Gising pa ang lahat at nagkakasiyahan sa labas. Habang ako sa loob ay mag-iisip kung paano kapag nakuha sila Jenilyn at Baloy nang maulang hapong yaon, at dinala sa kamalig at doon pagpiyestahan ng bugtot at gamit ang kaniyang matalim na pinuti ay nilasog-lasog na ang kanilang katawan at ginawang hapunan. Pero totoo nga bang bugtot ang sumigaw? At ang kamalig? Marahil, konsepto lamang ang bugtot na ito. Hindi natin alam.
At marahil, wala ako ngayon. Wala ang maikling kuwentong ito; walang isusulat na kuwentong ganito.
Ang pag-iiral ng bugtot sa paniniwala ng taga-Mudon ay talamak at naituring na suliranin sa bawat pumuluyo ng bayan sa mga panahong ito at umiiral sa isipan ng mga tao lalong-lalo na sa pamilya ng dalawang magkapatid. Totoo man o hindi ang kuwento ng bugtot, wala nang higit na mas nakahihindik pa sa personal na karanasang ito ni Jenilyn, ang aking ina.
***
Si Ralph G. Bansawan ay estudyante mula sa Notre Dame of Marbel University at nasa ikaapat na taon. Siya ay ipinanganak sa lungsod ng Koronadal.