Bulawan

Poetry by | March 5, 2022

Ganito ko lagi sinasariwa ang alahas ni Mamang kapag nasa lungsod siya:
Kumikinang ito nang maringal kapag nakapulupot sa kaniyang leeg tuwing may piging;
Kung may seremonya ng pag-iisandibdib; kung may pagbinyag na makabig;
Kung may kainan sa nagmamagarang restoran; kahit pa aniya’y sa pagsisiping,
Supling niya kung ituring ang hardin ng bulawan sa kinang ng kaniyang tagóng daing.
Ikinalulugod niya kapag naglalandas ang paningin ng mga dayo sa kaniyang tinghas
Habang pumapasok sa kaniyang pag-uulinig ang matarling na bulong ng paghanga.
Nasok ang matitinis na nagsasagutang usapan ang ipinupukol ukol sa kaniyang lawas,
Tinititigan siya nang maigi mula sa hédres niyang anyong bagwis hanggang may ekstraksiyon
Ng kung anong pilit ipasiwalat at ipalabas ng madla na bulawan sa mina ng kaniyang katawan.


Si Adrian Medina Pregonir ay nagsusulat sa wikang Filipino at Hiligaynon mula sa Banga, South Cotabato. Siya ay Fellow sa Davao Writers Workshop, Palihang Rogelio Sicat, TAHAD Hiligaynon CNF Workshop, San Agustin Writers Workshop at Kahirupan Bantugan sa Pagsulat sa Kinaray-a.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.