Isang pangkaraniwang gabi, ilang taon ang lilipas, hihiga siya sa kama at saka haharap sa puting dingding na kinulayan ng alikabok at dumi ng insekto, at pagkatapos, dahan-dahan niyang yayakapin ng mahigpit na mahigpit ang unan, pagdidikitin ang kaliwa at kanang paa, at saka bubuntung-hininga. Alam niya sa sariling hindi ito ang huling beses na mararamdaman niya ang pag-iisa, marahil bukas, sa susunod na araw, sa susunod na linggo, sa susunod na taon, at hanggang sa susunod pang limang taon, hihiga ulit siya sa kama, haharap sa puting dingding, yayakapin ang unan, pagdidikitin ang kaliwa at kanang paa, bubuntung-hininga, at saka mararamdaman ulit ang paglukob ng pag-iisa at kalungkutan. Ilang saglit pa, ibabaling niya ang tingin sa kisame, at pagkatapos, bahagyang babalik sa naunang direksyon nang pagharap sa dingding, muli niyang ipipikit ang mga mata, itatago ang lahat, ang lahat-lahat sa dilim: mukha, pagnanasa, at katawan.
20 Nobyembre 2019
Salit-salitan ang sigaw ng mga demonstrador sa Central Park sa Hong Kong nang bumaba sila sa sinasakyang taxi upang hanapin ang kinontratang tour guide na maglilibot sa kanila sa mga attractions sa lugar. Sa hindi kalayuan sa estasyon ng MTR, nasulyapan niya ang isang lalaking tila pamilyar at hindi pamilyar sa kanya. Nasa 5’6” ang taas, kayumanggi ang kulay, may pagka-singkit ang mga mata, at katamtaman ang pangangatawan. May pagkakatulad ang hitsura ng lalaking demonstrador kay T— kahit na halos dalawang taon na silang hindi nagkikita matapos tuldukan ang hindi malamang ugnayan. Mag-boyfriend, magkarelasyon, mag-uyab, mentor-mentee relationship, bestfriends, friends with benefits, o mga tao na pinagbuklod ng pangungulila at pagkatapos ay nagkapalagayan ng loob na humantong sa tila direktang ugnayan ng kani-kanilang mga pagnanasa at pagkatapos ay maaari nang magpanggap bilang mga estrangherong walang panunugutan sa isa’t isa.
Dati niyang estudyante si T— sa isang GE subject kung saan propesyonal naman ang kanilang relasyon. Kung tutuusi’y nagsimula naman talaga silang mag-usap at lumabas-labas pagkatapos ng semestre kung kailan nawala na sa kanila ang bagahe nang pagkikita araw-araw bilang teacher at estudyante. Tahimik lamang si T— ngunit sumusundot-sundot ang pagkapilyo sa tuwing silang dalawa na lamang ang magkasama.
“Nasaan ka?”
“Nasa puso mo!”
“Magkikita ba tayo mamaya?”
“Kung kakantahan mo ‘ko ng ‘Photograph’ ni Ed Sheeran.”
Natutuwa siya dahil tinuturuan siya ni T— ng mga bagay na hindi masyadong pamilyar sa kanya tulad ng “slr” bilang “sorry late reply” at ng “huehuehue” at iba-iba pang emoji at memes na patok na patok sa Generation Z. Hindi lamang siya sigurado kung natutuwa rin si T— sa tuwing pipilitin niya itong manood ng mga pelikula ni Lino Brocka tulad ng Insiang, Bayan Ko: Kapit sa Patalim, at Orapronobis. Sa tuwina’y nahuhuli na lamang niyang humihikab si T— at tila walang gana na tinatapos na lamang ang pinapanood. Kung minsan, pakiramdam niya’y napipilitan lang din si T— na makinig kay Alanis Morisette dahil hindi raw nito masakyan ang angst. Kung sa bagay, lumabas ang album ni Alanis na Supposed Former Infatuation Junkie sa taon kung kailan pa lamang siya isinilang.
Hinahatak na siya ng nanay at ate niya papunta sa meeting place kasama ang tour guide ngunit hindi maalis ang tingin niya sa lalaking demonstrador. Hindi niya maalis sa isip kung kumusta na kaya si T—? Halos dalawang taon na silang walang komunikasyon at halos wala nang balita kung nasaan ito. Matapos ang seryosong pagsasagutan sa text message bunga na rin ng nagpatong-patong na hindi pagkakaunawaan sa kung bakit hindi agad nakakapagreply sa text, bakit hindi pwedeng pumunta sa matao na lugar kung saan marami sa kanilang makakakita, kung bakit mas maiging huwag silang magpansinan sa unibersidad sa tuwing magkakasalubong, nauwi rin sa pag-aaway ang lahat. Hindi na niya sinubukang tawagan pa si T—, nabalitaan na lamang niyang tuluyan na itong umalis sa unibersidad. Tahimik ang kanilang paghihiwalay, kung paghihiwalay nga bang matatawag iyon.
Ngunit hindi si T— ang lalaking nasa demonstrasyon sa Central Park. Bagama’t nagkakatulad ang kanilang pisikal na anyo, malayong-malayo na si T— ang lalaking iyon. Hinahabol-habol ng sulyap niya ang lalaking demonstrador, ngunit sa dagat ng mga banyaga at nang hindi niya maintindihang lingguwahe, naglaho sa paningin niya ang lalaking kamukha ni T—. Sa isip-isip niya, kung nakikipaglaban para sa awtonomiya ang mga demonstrador sa Hong Kong upang tuluyang makapagsarili mula sa China at hindi na humantong sa tuluyan nitong pagguho bilang isang bansa, bakit nga ba pinipili natin ang lumimot?
“Have you seen Wong Kar-wai’s 2046?” wika ng kanilang tour guide habang binabagtas ang daan tungo sa Pottinger Street o Stone Slabs Street, isa sa pinakamatandang kalye sa Central Park na ipinangalan sa kolonisador na si Henry Pottinger.
“Yes. I loved it to bits.”
“What will happen to Hong Kong in 2046? Are we going to forget all our cultures?
Traditions? Beliefs? And memories?”
Tumango-tango lamang ang nanay at ate niya habang naisip niyang tama ang tanong ng kanilang tour guide, kaya nga bang kitlin ang alaala?
21 November 2019
May demonstrasyon sa mga lansangan ng Hong Kong habang buhay na buhay ang Disneyland. Sabi nga, “it’s the most magical place on Earth.” Bawal ang malungkot, bawal ang umiiyak, at bawal ang demonstrasyon sa loob ng theme park. Animo’y mayroong bula na nagtataklob sa Disneyland upang magkaroon ito ng ibang kondisyon at karanasan na hiwalay sa realidad ng protesta sa buong bansa. Hindi ito ang unang beses na nakarating siya sa Hong Kong Disneyland. Mayo 2012 nang una siyang pumunta dito kasama ang ibang mga kaibigan. Kaka-resign lamang niya sa trabaho bilang writer / producer sa isa sa pinakamalaking TV station sa buong Pilipinas.
Tandang-tanda pa niya kung ano ang naganap noong 2012 bago magsara ang Hong Kong Disneyland, nagkaroon ng fireworks habang tumugtog ang lahat ng Disney movie theme songs. May hatid na lungkot para sa kanya ang mumunting liwanag na kumikislap sa langit at pagkatapos ay maglalaho bago pa man tuluyang marating ang kalupaan. Sinasabayan pa ng mga melodiya ng awiting nangako ng “happily ever after” at masayang wakas para sa lahat ng naratibong nagtatampok ng tunggalian at pagsubok. Natatandaan niyang pinahid ang mga luha sa mata habang matiim na kinikimkim ang pagkalito at poot sa isang mundong bilanggo sa pangakong ligayang hatid ng kapitalismo at konsumerismo.
Maging ang pagnanasa sa katawan at puso’y unti-unti ring ginugumon ng nakakawengwang na kontradiksyon at sistema ng daigdig.
22 November 2019
Nang magpasya siyang makipagkita sa kwarto ng kausap niya sa isang dating site, magkahalong kaba at takot ang naramdaman niya. Narito siya sa isang banyagang bansa, isang banyagang siyudad, at makikipagniig sa isa ring banyagang hindi niya kilala. Iniisip niya, kung mayroong mangyayari sa kanyang masama, walang kaalam-alam ang kanyang nanay at ate na natutulog sa kanilang hotel. Ngunit hindi siya nagpapigil at nakipagkita pa rin sa banyagang ka-chat.
Mabait si M—, ang Swiss na nagtatrabaho sa isang train company sa Switzerland, na nakasama niya sa buong gabi ng 22 Nobyembre. Sa loob ng kwarto ni M— kung saan kita ang bay na nasa pagitan ng Tsim Sha Tsui at Central Park, may gaan ang pakiramdam niya. Matapos makita ang lalaking demonstrador na kamukha ni T— noong isang araw, naglaho din ang nagsasanga-sangang trapiko sa kanyang sariling utak at sentido. Tila may mga ulap na pumapawi sa kanyang bigat upang tuluyang magpaubaya.
Sa halos apat na oras nang pananatili niya sa kwarto ni M—, ilang beses silang nakipagniig sa isa’t isa, iba-ibang posisyon, iba-ibang paraan ng pagyakap, iba-ibang pagkilala at paglikha ng mapa sa katawan, sa bahaging ito nagsisimula ang pagnanasa at sa bahaging ito naman nagtatapos, at sa bahaging ito maaaring makabuo ng konstelasyon hinggil sa mga hindi malimot na sapin-saping pag-ibig at pagtangis. Ilang minuto ring nakatulog si M— na humahagok habang siya’y nakatingala sa kisame at iniisip ang katatapos lamang na paglalakbay sa Bukidnon. Sadyang mahaba ang mga daanang walang pangalan dito, matarik ang sagradong banging dinaraanan, at taimtim ang mga pagmumuni-muni. Sadyang punum-puno ng trapiko ang daigdig na ito maging sa paglikha ng metapora’t talinghaga.
Noong gabing iyon, sa huling beses nang pagniniig nila ni M— bago niya tuluyang nilisan ang kwarto, naalala niya si T— na dalawang taon na niyang hindi nakakausap. Kumusta na kayo ito? Iniisip niya kung galit pa rin ba ito sa kanya dahil sa nagkakaiba nilang perspektibo at pananaw na maaaring hatid ng distansya sa edad at karanasan? Naalala rin niya ang naka-date niyang aktibista at guro ng panitikan na si S— na matapos magdinner, manood ng A Quiet Place, at maglunch ay hindi na ulit nagparamdam. Nagkikita na lamang sila sa Twitter at ilang mobilisasyon ngunit animo’y mga estrangherong walang kasaysayan at nakaraan. Nagbalik din sa alaala niya si R— na matapos ang ilang linggong pag-uusap sa isang dating site ay dinala rin niya sa kanyang kuwarto, at ilang linggo pa ang lilipas, malalaman na lamang niyang mayroon na pala itong ibang dine-date. At hindi rin nawala sa kanyang alaala si J— at ang pagkaubos ng lahat ng pakiramdam hanggang sa wala nang matirang emosyon para rito. Higit dito, naalala rin niya ang lahat ng tambak na trabaho na kinakailangan niyang gawin at ang lahat ng mga tao na kailangan niyang pakisamahan bilang bahagi ng collegiality. Naalala rin niya ang kabulukan ng gobyerno ng pinanggalingan niyang bansa. Ngunit sa piling ni M—, sa matitimpi at mararahas na halik, at sa mahihigpit na yakap, natuklasan niyang walang ligtas sa mga kontradiskyon.
Bago siya matulog sa kanilang kwarto kasama ang nanay at ate niya, pinagdugtong niya ang magkabila niyang palad at hinayaan ang mga daliring magkiskisan sa isang siksik na sandali, habang ang palad, taimtim na nananalangin, tulad ng lumalaylay na trintas sa tali ng sapatos, dumadampi sa lupa nang marahang-marahan, walang tunog, walang yabag.
Sa labas ng hotel, naroon ang liwanag ng matatayog na gusali. At naisip niya: marahil, nagsimula ang daigdig sa isang mahabang-mahabang paghikab na tutuloy sa pagtunton sa kalahati at umpisa kung saan nagsisimula ang pagnanasa ng katawan—sa bibig na ginagamit sa paghalik, sa dibdib kung saan tumitibok ang puso, o sa nunal sa talampakan na malimit dumampi sa bawat kalye at lunan na tinatayuan nito.
23 November 2019
Nagising siya sa araw na ito mula sa isang panaginip. Lumiham siya sa isang lumang inibig kahit na kung tutuusi’y naglaho na ang lahat ng emosyon na maaari niyang ibigay sa taong ito. Tandang-tanda pa niya ang nilalaman ng liham:
Minamahal na J,
Kumusta ka? Hangad ko ang lahat ng kaligayahan mo na maaaring ibigay ng daigdig. Noong isang araw, nagtungo ako sa Isla ng Samal na paborito nating pinupuntahan.
Habang nakatayo sa pantalan sa harapan ng barko, napagtanto ko, mahirap makipagbuno sa mga tradisyon at talinghaga ng paglisan at pagbabalik sa imahinasyon ng isang daigdig na hindi mo kailanman mawawari ang galaw at ang timbang.
Nakalimot na ako.
At hinayaan ko nang ang mga alon ang lumimot ng mga natitira pang alaala para sa atin.
Nagmamahal,
J
Sa huling gabi nila sa Hong Kong, nagpaalam siya sa nanay at ate niyang maglalakad-lakad lamang at kukuha ng retrato sa Avenue of Stars. Pinayagan naman siya basta’t bumalik lamang ng maaga. Pinadala rin sa kanya ang handy phone mula sa tinutuluyang hotel na maaari niyang magamit kung sakali man na maligaw siya.
Ang totoo’y makikipagkita siyang muli kay M—. Nagplano na silang maglakad-lakad sa anino ng matatayog na gusali, magtago sa madidilim na bahagi nito, salatin ang sulok ng siyudad, at muling bagtasin ang katawan ng bawat isa. Sa Avenue of Stars, isang lalaki ang nadaanan nilang umaawit ng kanta mula sa isang pelikula tungkol sa wagas na pag-ibig sa gitna ng nagbabago-bagong daigdig. Tell me something, boy, are you happy in this modern world? Or do you need more? Is there something else you’re searching for? Pilit inaabot ng lalaking umaawit ang nota ng kanta kahit na tila hirap na hirap siyang abutin ito. Ngumiti lamang silang dalawa at saka nagpatuloy sa paglalakad. Walang hanggang paglalakbay ang pagnanasa.
Habang nakatingala sa langit at pinagmamasdan ang matatayog na gusali. Dumampi ang labi ni M— sa kanyang labi. Gaano nga ba ang distansya ng kanilang labi sa nalalabing panahon nang pagsasama? Sa susunod na araw, babalik na sila sa kani-kanilang buhay. Distansya. Ang pagnanasa ay isang distansya.
Niyakap niya si M— kahit medyo nahihiya itong makita ng ibang tao. Ngunit naalala niya ang nabasa sa isang nobela ilang araw na ang nakalilipas: “[T]he magic of someone new never lasts long enough. We only want those we can’t have. It’s those we lost or who never knew we existed who leave their mark.”
Pabalik sa tinutuluyang hotel, naalala niya ang demonstrador na kamukha ni T—, ginagambala rin siya ng isang panaginip tungkol sa liham. Ngunit naisip niya, bahagi ang lahat ng ito ng mga luma at naglahong alaala at pananalig sa mundo, sa sarili, at sa katawan. Nang malapit na sila sa hotel, nadinig na lamang niya si M— na umaawit ng isang lumang kanta sa Pranses tungkol sa pag-ibig na mayroong liriko tulad nito:
Quand il me prend dans ses bras,
Qu’il me parle tout bas,
Je vois la vie en rose.
Isang pangkaraniwang gabi, ilang taon ang lilipas, hihiga siya sa kama at saka haharap sa puting dingding na kinulayan ng alikabok at dumi ng insekto, at pagkatapos, dahan-dahan niyang yayakapin ng mahigpit na mahigpit ang unan, pagdidikitin ang kaliwa at kanang paa, at saka bubuntung-hininga. Alam niya sa sariling hindi ito ang huling beses na mararamdaman niya ang pag-iisa, marahil bukas, sa susunod na araw, sa susunod na linggo, sa susunod na taon, at hanggang sa susunod pang limang taon, hihiga ulit siya sa kama, haharap sa puting dingding, yayakapin ang unan, pagdidikitin ang kaliwa at kanang paa, bubuntung-hininga, at saka mararamdaman ulit ang paglukob ng pag-iisa at kalungkutan. Ilang saglit pa, ibabaling niya ang tingin sa kisame, at pagkatapos, bahagyang babalik sa naunang direksyon nang pagharap sa dingding, muli niyang ipipikit ang mga mata, itatago ang lahat, ang lahat-lahat sa dilim: mukha, pagnanasa, at katawan.
Si Jay Jomar F. Quintos ay isang manunulat at guro ng panitikan sa Unibersidad ng Pilipinas Mindanao.