Paruparo sa Konsepto ng Pag-Ibig

Poetry by | December 15, 2019

Bawat awit ay may kasagutan
sa mga tanong na ano at bakit
na isang paghuhusga sa subok
ng bait, sa pait, sa antas
ng panganib, sa pagsipat
ng mga kalawang sa daliri ng tiyempo.
Ang pag-init sa pagtapik
sa braso ng lamig ay hudyat
ng paghimok sa baywang ng daig.
Sumasalikop ang mga ugat
nito sa pinulbuhang rabaw tulad
ng abo sa puwit ng kawali.

Kakaiba ito dahil naninimbang
ang mga gilid at dulo nito sa
haplos ng daliri. At tulad ng pinakintab
na dyamante ay isang alipato
na masigla pa sa gusgusing kabayo.
Ang pagaspas ay isang kawalan sa eksena
ng pagdadalamhati sa tuwing mapuputol
ang gula-gulanit na salita at sinumpaan sa
dakilang pag-ibig.

Ito ang paglipad ng kulay sa
gitna ng lito, ng lipos, ng ingay.
Bawat lipad sa lilim ng panganod
ay pagtuklas na tumatama sa
pananagutan ng paningin at kalayaan.
Konsepto ito ng pag-ibig
na sumanib at tumugon sa hahakbangin:
tukuyin ang bingit, awitin ang awit,
pitasin ang bunga,
sagutin ang ‘ano at bakit’.


Adrian Pete Medina Pregonir is from Banga National High School, South Cotabato. He won the Sulat SOX Short Story Writing Competition and the third prize for the Kabataan Sanaysay category of the Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature in 2019.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.