Natagpuan ko na lang ang sarili
na tinatanggal ang alikabok na nanikit
sa librong ilang taon
din hindi nabubuksan.
Ilang paglaglag pa ng mga dahon
bago tuluyang magpalit ang panahon.
Naroon tayo, nakatitig sa paglubog ng araw,
sinusuko ang mga sarili sa dahilan.
Para tayong mga batang naghahagilap
ng mga salita.
Kung ang pagbitaw ay paglaya
sa sarili na tila nakulong ka
ng mahabang panahon sa akin,
napamalas ng aking malambot
na rehas ang hindi pagkakakulong sa iyo
bagkus pagkanlong.
Sa pagitan ng paghawak at pagbitaw,
nanatili akong hati sa gitna, pilit inaalala
kung sino sa ating dalawa ang huling umayaw
hanggang sa ang pagtitig na lang ang natira.
Raymond Ybañez is a resident of Tagoloan, Misamis Oriental. He was a fellow of the 10th Palihang Rogelio Sicat and 7th Angono National Summer Writers Workshop.