Pasubali Sa Isang Kaibigan

Poetry by | December 23, 2018

Minsan na tayong namuhay
sa isang lipunang takot at dahas
ang pinairal ng mga namumuno.
Sa nayon at syudad sumambulat
ang libu-libong puso’t bungong
tanging hangad ay magpanday
nang maaliwalas na pangarap
para sa liping biyaya ay salat.
Ngunit gaya nilang naninindigan
at kumakalinga sa kapwa
di tayo natinag sa lakas at sandata
ng mga berdugong walang kaluluwa.
Tuwi-tuwi na, pinanghihinaan tayo ng loob
subali’t kailanma’y di natin isinuko
ang tangan-tangang idealismo
at higit sa lahat wala tayong
ipinagkanulong mga tao.
Nabuhay tayo sa taimtim na pananalig
at pagpapalaganap ng ating pinakabuod—
Hindi, hindi nauutas ng bala
ang masalimuot nating problema.


Si Edgar Bacong ay awtor ng Habagat at Niyebe, isang kalipunan ng mga tulang Filipino at Cebuano na nilathala ng Tuluyang Pinoy Zurich at Mindanews noong 2005. Ilan sa kanyang mga akda ay mababasa sa mga antolohiyang Ani ng Cultural Center of the Philippines, Obverse 2 ng Pinoypoets at The Best of Dagmay 2007 to 2009. Si G. Bacong ay tubong Dabaw at nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Sociology sa Ateneo de Davao University. Dahil sa pag-ibig ay nilisan niya ang bayang kinalakhan at kasalukuyang naninirahan sa Zurich, Switzerland.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.