(Nanalo ang sanaysay na ito ng ikatlong gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards ngayong taon.)
Kilala ang bayan ng Maguindanao na isa sa mga tampulan ng gulo o digmaan tulad ng Maguindanao Massacre. Ito ang pagkakakilala ng hindi man lahat ngunit ng karamihan lalo na sa hindi bahagi ng kuwento ng bawat may buhay sa Maguindanao. Mga kuwentong maaaring maunawaan at mas marami ang hindi makakaunawa dahil sa kawalan ng kamalayan sa kanilang bayan. Hindi maiintindihan dahil sa hindi pagkakapantay-pantay ng estado sa lipunan. Hindi mauunawaan dahil sa hindi magkaparehong pananaw sa pananampalataya at paniniwala. Isa sa mga baranggay ng Maguindanao ay ang Kitango, Datu Piang. Ito ang bayang kinamulatan ko, ang bayang humulma sa aking pagkatao. Ang bayang humubog sa aking prinsipyo, pananaw at paniniwala sa buhay. Ang bayang nagbuklod sa aking pamilya. Ang bayang yumapos sa katotohanang sa kabila ng lahat maaari akong mamuhay at magpatuloy sa buhay.
Pitong taong gulang ako nang magsimulang mahubog ang aking pananaw at pagmamahal sa Kitango, Datu Piang, Maguindanao. Wala mang kamuwang-muwang sa tunay na imahe ng buhay. ay patuloy na naglalayag ang aking kamalayan sa aking kapaligiran.
Malaki sa populasyong bumubuo ng Maguindanao ay mga Muslim na Maguindanaoan. Kaya naman ang kultura, tradisyon at paniniwala ng lahat ay nakabatay sa pananampalatayang Islam. Isa sa mga pinakamahalagang araw sa buhay ng bawat mananampalatayang Muslim ay ang pag-aayuno na tinatawag na Saw’m. Kabilang ito sa limang haligi ng pananampalatayang Islam. Hindi ganap ang pagka-Muslim ng sinumang nag-aangking Muslim ang hindi pagsasagawa rito. Ang dakilang buwan na ito ay tinatawag na Ramadhan, buwan ng pag-aayuno, pagsasakripisyo, paghingi ng kapatawaran at paggunita sa Allah. Ang lahat ng mamamayan ng Kitango, Maguindanao, bata man o matanda ay naghahanda at nasasabik sa unang araw ng pag-aayuno. Bilang Muslim, inaasahan na mag-aayuno ang lahat. Ngunit hindi lahat ay kinakailangan o obligadong magsagawa ng pag-aayuno tulad ng mga batang hindi pa umaabot ng pitong taong gulang, matatandang wala ng kakayahan o mahina ang pangangatawanan, mga nagdadalang-tao, nagpapasuso ng sanggol, babaeng may regla at bumibiyahe sa malalayo.
Bilang bata ay hindi ako obligadong mag-ayuno, ngunit bilang paghahanda ay sinanay ako nina A’ma at I’na kahit hindi man ito maisagawa ng buong araw. Dahil nasasabik sa unang araw ay isinama ako ni A’ma sa padiyan upang bumili ng kakailanganin sa unang araw ng pag-aayuno. Habang nakasakay ng bisikleta si A’ma at ako’y nasa kanyang likuran, masaya kong pinagmasdan ang kabuuan ng aking bayang sinilangan. Laking tuwa ko nang makita ng ang aking kapaligiran. Bilang paghahanda, napalibutan ng makukulay na banderitas o pandi ang bawat kalye na tila kumakaway ang matitingkad nitong kulay na pula, dilaw at berde habang hinahampas ng hangin. Hindi rin nakatakas sa aking pandinig ang mga tunog ng kulintang at agong na lalong mas nakapagbibigay buhay at sigla sa lahat. Paminsan-minsan ko lang naririnig ang mga instrumentong ito dahil pinapatugtog lamang ito tuwing may mahahalagang pagdiriwang gaya ng kasal. Kasabay ng bawat ritmo ng tugtog ay ang kagalakan ng bawat isa sa bayan. Halos lahat ay abala at nangingibabaw ang ngiti at tuwa ng bawat imahe ng bawat tao.Ito ay ngiti ng kapayapaang namumutawi sa puso ng bawat Maguindanaoan.
Nang makarating kami ni A’ma sa padiyan ay abalang-abala halos lahat ng may paninda sa pagsasaayos, pagpapanday at pagpapatayo ng barong-barong na paglalagyan ng paninda. Habang hawak-hawak ako ni A’ma ay hindi miaalis sa aking paningin ang mga batang kasing-edad ko na tumutulong sa kanilang mga magulang sa paghahanda. Lalo akong sumaya dahil ramdam ko ang katiwasayan ng pamumuhay naming lahat.
Magdadapit hapon na nang makauwi kami ni A’ma mula sa pamamalengke. Hindi pa man nakaakyat sa hagdanan ay narinig namin ang panawagan ng pagdarasal na tinatawag na bang o adzan. Nang mailagay sa hapag ang mga pinamili ay agad naming tinungo ni A’ma ang balon na pagkukunan ng tubig na panghugas ng katawan bago magdasal. Habang nagdarasal ay abala naman si I’na sa paghahanda ng hapunan. Ginisa na sariwang kangkong na nangingibabaw sa amoy ng tanglad at pritong galunggong ang inihanda ni I’na. Tanging ilaw ng lampara ang siyang nagbibigay liwanag sa aming hapag habang kumakain. Habang ninanamnam ang pagkain ay hindi ko naiwasang titigan ang bawat mukha ng aking mga magulang. Bakas ang katandaan ang kanilang noo. Ang mga mata nila ay kasasalaminan ng katiwasayan ngunit nangingibabaw ang pagkabahala’t pagkatakot ng kahapon. Hindi ko man lubos maunawaan ang mga ito ngunit naniniwala akong may kapayapaan sa bawat ngiti nina A’ma at I’na. Pagkatapos maghapunan ay muli kaming nagdasal para sa I’sa: dasal sa gabi. Nakaugalian na sa aming nayon na bago pa man lumalim ang gabi ay nasa loob na kami ng aming kulambo bilang paghahanda na rin sa unang araw ng pag-aayuno. Masaya ako sa ganitong mga oras dahil alam kong ligtas at panata ang aking kalooban dahil napapagitnaan ako ng pagmamahal nina A’ma at I’na.
Nagising ako sa mainit na dampi ng kamay ni I’na bilang hudyat na ng pagkain. Kahit hirap at pilit na iminulat ang mga mata ay masigla akong bumangon. Agad tinungo ang bangang may tubig at naghilamos. Habang kumakain ay pilit na niyayapos ng antok ang aking balintataw kahit mabilis ang bawat pagsubo. Kinakailangang bago pa man sumapit ang adzan sa pagdarasal ng Sub’h, dasal sa madaling araw, ay tapos na kaming kumain. Nangangahulugang hindi na kami maaari pang kumain at uminom ng anuman hangga’t hindi sumasapit ang adzan sa pagdarasal ng Maghrib, pagdarasal sa gabi. Pagkatapos kumain ay hindi na muna kami natulog upang magdasal sa umaga. Muli kaming bumalik sa aming higaan at natulog.
Sa buong araw ng pag-aayuno, maliban sa pagdarasal ng Duh’r; ang dasal sa tanghali, As’r; dasal sa hapon ay kinakailangang laging gunitain ang Allah gaya ng paulit-ulit na pagsambit sa Allahuakbar; dakila ang Allah, Subhanallah; sambahin ang Allah, Alhamdulillah; ang pasasalamat ay sa Allah, at La Ilaha Illa Allah; walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah. Hindi rin dapat kaligtaan ang pagbabasa ng banal na kasulatan ng Allah ang Qur’an. Ang banal na kasulatang ito ay ibinaba sa pamamagitan ni Anghel Gabriel sa sugo na si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Naniniwala kami na ang bawat titik ng salita na nababasa sa aklat ay katumbas ng sampung mabuting gantimpala. Maliban sa hindi maaaring pagkain at pag-inom ng anuman ay hindi rin pinapahintulutang magtalik ang mag-asawa. Ang mga maliit na kasalanan gaya ng pagsisinungaling ay binibgyang pansin din.
Dinadalaw man ng pagkagutom at pagkauhaw ay pilit ko itong nilalabanan. Minsan ay hinayaan ko na lamang ang aking sarili na dalawin ng antok upang hindi mabatid ang pagsasakripisyong dinaranas sa buong maghapon. Ramdam ko ang katahimikang bumabalot sa buong pamayanan dahil sa panatang ginagawa. Walang ingay. Tanging langitngit lamang ng kawayan at lagaslas ng tubig ang siyang yumayakap sa aking pandinig. Sinyales ng katahimikan at kapayapaang namumutawi sa aming bayan.
Pagkatapos magdasal ng As’r ay inaanyaya ako ni A’ma na sumama sa padiyan. May kahinaan mang dinaranas ay sumama na rin ako. Muli ko na namang naulinigan ang bawat ritmo ng kulintang at agong habang papunta sa padiyan. Napawi ang aking panghihina nang masilayan ko ang kasiyahang taglay ng aming bayan. Nadatnan namin ni A’ma ang padiyan na halos hindi mahulugan ng karayom sa dami ng tao. Bata at matanda, babae at lalaki ay abala sa pamimili ng mga ihahanda para sa buka o iftar. Nakikipagsiksikan si A’ma na bumili ng mga sariwang isda gaya ng tilapia, hito, hipon, at iba pang uri ng isda na karaniwang matatagpuan sa ilog ng Maguindanao. Hindi rin nakawala sa aking paningin ang pangkat ng mga matatandang lalaki na abala sa pamimili ng tabako. Nakita ko si A’ma na nakisali na rin at marahang itinaas ang isang hibla ng tabako. Mababakas sa mukha niya ang pagkasabik sa paghithit ng tabako. Kasabay nang pag-angat niya ng tabako ang akmang lalanghapin na sana nito ang halimuyak ng tabako ngunit agad na rin niya itong inilayo sa kanyang ilong dahil bawal ang kusang pag-amoy sa anumang bagay na makakapaghatid ng tukso, na maaaring maging dahilan ng kawalang-balido ng pag-aayuno. Habang namimili ay binigyan ako ni A’ma ng limang piso upang bumili ng bloke ng yelo. Kung may mabenta man sa lahat ay yaon ang yelo na halos pinag-aagawan ang lahat. Ilang minuto rin akong nakipagsiksikan makakuha lang ng yelo, pampatid sa uhaw. Nang pauwi ay huminto kami upang bumili ng mga kakanin. Hindi kompleto ang handaan kapag walang kakanin ng Maguindanoan gaya ng dudol; gawa sa katas ng niyog at pulang bigas, inti na yari sa katas ng niyog at bigas na kulay dalandan, plil na hinulma galing sa dinurog na hinog na saging, at tinadtag na gawa sa harina na hinulma na parang bihon. Ang mga kakaning ito ay tatak ng aking bayan. Magdapit hapon na nang makauwi kami ni A’ma sa bahay.
Bang! Bang! Boooom! Bang! Ang mga tunog na gumising sa amin nang madaling araw bago pa man sumapit ang Saw’m. Mga tunog na kailanman ay hindi ko pa narinig. Mga tunog na gumimbal sa katahimikan ng buong bayan. Napatakbo si A’ma sa labas ng bahay at tinawag ang kapitbahay. Ilang beses nagtawag si A’ma ngunit mga putok lamang ng nagsasalubungang bala ang bumalot sa aming pandinig. Mas lalo pang lumakas ang putukan. Napagapang si A’ma palapit sa amin ni I’na na nagyakapan sa isang sulok ng bahay. Gumagapang kami nang biglang mabuwal ang haligi na aming kinalagyan. Natagpuan namin ang aming nagimbal na kaluluwa sa banggerahan. Nakita ko si I’na, namumutawi sa kanyang mga mata ang pagkabahala at takot habang mahigpit niya akong niyayakap. Tanging Allahuakbar, Subhanallah, at Astaghfirullah ang mga katagang nasabi ni I’na. Niyugyog ng ingay ng malalaking sasakyan na may lulang mga sundalo ang aming bahay. Balot na rin ng alikabok ang labas ng aming bahay. Bilang ko na rin ang mga butas sa bawat bubong at haligi ng bahay na dala ng nagsisulputang bala. Sa mga butas ko rin naaninag ang silahis ng araw, ngunit mahapdi sa paningin. Umaga na pala…
La Ilaha Illa Allah! Alhamdulillah! Dalawang salita na nakapagpanatag sa aming kalooban nang sambitin ni A’ma. Narinig namin ang sigaw ng isang lalaki na ceasefire. Hudyat na panandaliang tumigil ang labanan at putukan. Nagmadali kaming lumisan sa bahay sa takot na maabutan kami ng kasunod na bakbakan. Tinunton naming tatlo ang mabato at maalikabok na daan patungong bayan. Habang naglalakad ay natanto ko ang malaking pagbabago sa kapaligiran. Kay tahimik. Wala na ang tugtog ng kulintang at agong. Tanging alingawngaw na lamang ng putukan sa may ‘di kalayuan ang nakisabay sa pintig ng aking puso na nagbigay buhay sa aking pandinig. Doon ko rin lamang napagtanto, na ang tanging dala ko ay ang sambayangan o sajadah na karpet na ginagamit sa pagdarasal maliban sa suot kong luma at punit-punit na damit. Magkahawak kamay naming tinunton ang daan patungo sa padiyan.
Pagdating namin sa padiyan, akala ko ay araw ng pamamalengke. Doon pala nagtipon-tipon ang mga taong apektado ng bakbakan. Isa sa ipinagtataka ko ay tila walang naganap na kaguluhan sa bawat reaksiyon ng bawat isa. Hindi kasasalaminan ng pagkabahala at pangamba, ngunit hindi ako, hindi ang musmos na katulad ko.
Ilang oras lang mula nang lisanin namin ang bahay ay muling sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF laban sa mga sundalo ng pamahalaan. Hindi ko man naiintindihan ang dahilan ng hidwaang ng dalawang grupong iyon, alam kong marami ang apektadong mamamayan. Sa araw na iyon ay hindi ako nakapag-ayuno ngunit hindi sina A’ma at I’na. Ipinagpatuloy nila ang pag-aayuno kahit hindi sila kumain sa madaling araw, hangga’t kaya nila ay maaaring ipagpatuloy ang pag-aayuno.
Nanatili at pinagpahinga ako nina A’ma at I’na sa isang barong-barong sa padiyan. Ilang araw din kaming nanatili sa padiyan. Minsan ay natutulog sa mga paaralang nagsisilbing kanlungan namin. Kapag ceasefire naman ay paisa-isang kinukuha ni A’ma ang gamit namin sa bahay. Minsan pa ay naisipan kong maglakad-lakad sa padiyan. Pinagmasdan ko ang kapaligiran ng aking kinagisnang bayan. Tanging buntong hininga ko na lamang ang aking naririnig habang pilit na bumubulong ang mga putok galing sa kabilang bayan. Tanging alikabok na amoy pulbura ang aking nalalanghap at hindi na ang iba’t ibang amoy ng mga kakanin. Wala na rin ang mga nakikipagsikikang mamimili, tanging nakaharang na lamang na mga sasakyang pandigma ang nakatambay sa bawat kanto. Tanging wasak na mga kawayan ang kumakaway at hindi na ng mga makukulay na mga bandila. Mga anino at imahe na lamang ng kahapong matiwasay ang siyang yumayapos sa aking isipan. Ngunit mas natatakot ako sa kaisipang ang imahe na iyon ay mananatiling imahe na lamang at hindi sa reyalidad.
Kasabay nang putukang nagaganap sa may ‘di kalayuan ay naukit sa aking isipan ang pangyayaring yun. Isa lamang ang aking napagtanto sa pagkakataong yun, maaari pala kaming mabuhay sa bayang binabalot ng gulo. Nabubuhay sa musika ng mga bala, humihinga sa usok ng pulbura. Patuloy na mamayagpag ang katiwasayan ng buhay sa kabila ng suliraning kinakaharap ng aming bayan. Patuloy sa paglalayag ang bawat mumunting pangarap ng mga Maguindanaoan sa kabila ng katotohanang kay hirap abutin ang paghahangad namin ng kapayapaan.
Wala man kamuwang-muwang sa lahat ng kaganapan ay batid kong hindi ito tama, na hindi ito ang hinahangad ng bawat isa. Ang kaganapang ito ang magpapatibay at lililok ng aking pagkatao. Ang kaganapan sa aking bayang sinilangan ang siyang huhulma sa aking kinabukasan. Ang bawat putok ng bala ang siyang tutugtog habang tutuntunin ko ang daan tungo sa hinaharap. Ang amoy at hamog ng pulbura ang siyang magbibigay anyo sa aking mga pangarap. Ang kislap at tilamsik ng bawat bala ang siyang iilaw sa aking landas, sa aming bayan.
Simula pa lamang ang lahat ng masalimuot na kaganapan tungo sa pagbubuo ng sampung titik ng salitang kapayapaan. Umaasa akong sa bawat titik ng salitang ito ay hindi tunog ng baril ang maririnig kundi ritmo ng kulintang at agong, na tanda ng minimithing kapayapaan. Darating ang panahon na ang bawat mamamayan ng Maguindanao ay magtitipon-tipon muli sa padiyan, hindi dahil kami ay nagsilikas kundi dahil ipinagdiriwang namin ang salitang kapayapaan. Umaasa ako na ang bawat banderitas na nasa gilid ng daan ay patuloy na tatayo at maiwawagayway na kailanman ay hindi kukupas ang matitingkad nitong kulay, tanda ng aming pagkakakilanlan at hindi ng kasarinlan.
Samakatuwid, ang bayang aking kinalakhan at kinamulatan ay hindi naghihingalo. Ang bayan ko ay dinapuan lamang ng matinding sakit na hanggang ngayon ay hinahanapan ng panlunas. Hangga’t tumitibok ang puso ng mamamayan ng aking bayan ay patuloy itong hihinga at hindi hahayaang tuluyang malason ng pulbura ng digmaan. Hangga’t umuusbong ang mapa ng Maguindanao sa rehiyon ng ARMM, magpapatuloy na makikilala at tatatak ang pangalan nito dahil may buhay at mabubuhay kami sa kabila ng suliraning kinakaharap.
Mubarak M. Tahir is a Maguindanaoan born in Kitango, Datu Piang, Maguindanao. He finished his bachelor’s degree in Filipino at Mindanao State University-Marawi City. He is currently teaching at Philippine Science High School Southern Mindanao Campus and taking up his MAEd in Teaching Filipino at the University of Mindanao, Davao City. He is a fellow to 9th Davao Writers Workshop held at Ponce Suites this year.