Nadaanan ko ang dati nating
Tinatambayang kainan.
Napatigil ako.
Hinanap ko ng tingin kung saan
Tayo madalas pumuwesto;
Sa gilid ng pintuang
Dinadaluyan ng ating pinagsaluhan,
Nariyan pa rin.
Sa lugar na ito kita unang Nakitang ngumiti.
Mga ngiting para sa akin lang
At inangkin ko ito na para bang
Ang lahat ng mga bagay sa mundo
Ay umiikot lamang
Sa maliit nating binuong espasyo.
Palagian nating kasama sa pagdiriwang
Ang dalawang mainit na tasa ng kape
Isang platito ng pancake at
At mga daliri nating magkakapit.
Nasa harap kita
Kaharap mo rin ako.
Marami tayong natuklasan
Habang nakaupo
At ninamnam ang katihimikan
Ng bawat isa.
Para bang ang pag-iral ng oras ay kay bilis
Pero tiyak alam nating pareho
Na sa pagitan nitong
Mabilis na takbo
Ay siya namang kaybagal
Nating pagtanggap
Na maghihiwalay rin tayo
Matapos ang lahat-lahat.
Umaasang babalik muli
Dito sa ating dineklarang puwesto:
Ang ikaw at ako.
Ubos na ang pancake
Malamig na ang tasa ng kape
At ako nandito pa rin
Nakakulong sa espaysong
Binuo natin
Na ngayo’y pilit kong
Malimutan sa tuwing ako’y mapapadaan.
Raymond Ybanez was a fellow for fiction at the 1st CDO Writing Clinic and the 10th Palihang Rogelio Sicat. He is also a candidate member of the Kataga – Online, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas. He’s currently a member of NAGMAC ( Nagkahiusang Magsusulat sa Cagayan de Oro).