Liham at Laya

Poetry by , | July 2, 2017

Tayo ka sa kama, hanapin muli ang nagpalimot sa sakit
napagod na ang utak sa pagpipilit
kunin sa kusina, may tabletang sayo’y magpapapikit
“Puro ka pasakit,” sabi ng ama mong malupit

Isang oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
titig ka sa pader, tingnan ang salitang sinulat ng iyong mga kuko
natuyo na ang dugo sa mga marka nito
hawakan ang mga ukit, basahin muli kung anong sinulat mo
“Tanga, bobo, ipokrito…” naluma na ng bandalismo

Dalawang oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
kuha ka ng papel, isipin kung anong isusulat
nainip na ang mga salitang ‘di mo naisulat
tasahan na ang lapis, siguraduhin ang huling salita ay babakat
“’Di mo ako kilala,” ang mga unang salitang dapat bumuklat

Tatlong oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
patawarin mo ang iyong ina, siyang nagsabing mag-ingat ka
napaos na ang paalala n’yang ‘di mo naalala
mahalin mo na siya, kahit ilang oras na lang ang natitira
“Pero alam mo kung ano ang kaya ko,” nasira na mga tinago mo sa kanya

Apat na oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
imikan mo na ang iyong ama, siyang dating may humahagupit na suntok
ngunit nanlambot na ang braso, mga buto’y marupok
kamustahin mo na siya, baka sa wakas ngiti niya’y sa’yo pumatok
“Alam kong ‘di ko kayang mag-isa,” naluha ka na sa ala-alang minamasahe niya ang iyong batok

Limang oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
labanan mo ang antok, mundo’y siguradong iikot’ikot
ngunit ang mata mo’y mabigat, pilit mong kinukusot
mamaya ka na pumikit, madumi pa ang iyong suot
“Pero alam kong kinaya ko nang wala ka,” nasulat mo sa papel mong gusot-gusot

Anim na oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
sabihan ang iyong kapatid, huwag makalimot sa isa’t isa
nasanay na siyang wala ka, natutulog nang mag-isa sa kama
ipaalalang h’wag gumaya, baka matulad sa’yong pinipilit mag-isa
“Uuwi pa ba ako?” laging tanong sa sariling nagsasawa na

Pitong oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
pakinggan ang ‘yong tagapayo, siyang payong mo sa gitna ng ulan
siyang magsasabing kaya mo, pansamantalang kandungan
halukayin sa isip kung paano ka titigan nang ‘di tinitingnan
“Hindi mo ‘ ko naiintindihan,” hindi kailanman

Walong oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
isauli ang sapatos ng kaibigan, kumupas man ang kulay
nariyan man siya’y nag-iisa ka sa buhay
maging taingang-kawali sa mga salaysay
“Kasama ka sa lagi at hindi,” iluluwa ang sikretong ‘di dadalhin sa hukay

Siyam na oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
tawagan ang iyong dating kasintahan, boses niyang inaasam marinig maghapon
napagod na ang araw, peklat na ang sugat noon
tanungin mo siya, kailan siya nakaahon
“Alam kong naduwag ako noon,” pinutol mo ang linyang sa iyo’y lalong magbabaon

Sampung oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
tanggalin ang takip, mawawala na rin ang hinagpis
asul ang kulay ng ninanais
ibuka ang palad, ibuhos ang tamis
“Hindi na ako mamanhid sa sakit,” isang tuldok at bitawan ang lapis

Labing-isang oras na
ngunit hindi ka pa nagbago
isilid sa puting sobre, halik ang ipansiil
malaking halaga ang siningil
yakapin ang dilim, aninong ‘di masupil
“Nais ko lang maging malaya,” linamnam sa huling butil

Labing-dalawang oras na
ngunit hindi ka pa nagbago.


Al Lorgentina Gallardo is a Bachelor Of Science In Accounting Technology student at Ateneo de Davao University, born and raised at Toril, Davao City. Neal Andrei A. Lalusin is a Bachelor In Business Teacher Education student at Polytechnic University of the Philippines, born and raised at Alaminos, Laguna. They are two kids estranged by seas, dialects and cultures brought together by life, pain and friendship.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.