“Ang bayan ng gulo at dahas…” ganito kung ilarawan ng iilan ang bayan ng Maguindanao. Marahil ito ang larawang nakikita lamang ng hubad na paningin ng iilan ngunit hindi ng kanilang malawak at mapag-unawang kaisipan at karanasan. Marahil ganito kung ilarawan ng mga taong hindi alam ang aking kuwento, hindi dinanas ang aking paglalayag bilang Maguindanaoan, at hindi kilala ang aking pagkakakilanlan bilang Muslim at bilang Pilipino.
Isa sa mga barangay ng Maguindanao ang Kitango, Datu Piang. Bayang aking sinilangan, kinamulatan, at kinalakhan. Ito ang bayang itinuturing kong paraiso. Bayang sinisidlan ko ng bawat kamalayang tangan-tangan ko tungo sa pagbubuo ng aking pagkatao at pangarap sa buhay. Ang bayang lagi nang laman ng dyaryo at balita. Bayang tinatakpan ng bawat hibla ng masalimuot na kaganapan sa hindi maintindihang kadahilanan. Bayang magpahanggang ngayon ay pilit kong iwinawagayway ang bawat matiytingkad nitong kuwento. Ito ang bayan kong pilit na pinapatugtog ang bawat ritmo ng kulintang at agong sa ihip ng simoy ng kapayapaan. Kinamulatan ko ang aking bayan bilang isang pook ng kasaganaan, kasayahan, katiwasayan, at kapayapaan. Ngunit sa biglang ilap ay tila isang panaginip lamang ang mga sandaling iyon dahil sa kinalulugmukang gulo ng aking bayang sinilangan.
Buwan ng Ramadhan noon nang una kong masaksihan at maranasan ang paghiyaw, pagsasaklolo, at pagwawala ng aking bayan. Wala man akong kamuwang-muwang ay alam at ramdam kong hindi ito ang aking kinagisnang bayan. Ginulantang kami ng isang kahindik-hindik na bakbakan ng Moro Islamic Libreration Front o MILF at ng sundalo ng pamahalaan sa kalagitnaan ng pagdaraos ng pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan. Buwang walang sinuman na mag-aakalang may magaganap na gulo dahil ang buwan na ito ay buwan ng kapayapaan. Natagpuan na lamang ng aking magulang ang aming mga sarili mula sa pagkakaipit sa bakbakan. Nang magkaroon ng tigil-putukan ay tinahak naming ang daan patungo sa bayan.
Ang dating makukulay na bandilang nakatayo sa bawat gilid nd daan ay natumba ay natabunan ng putik, ang iba ay butas-butas pa hatid ng bala. Ang luntiang palayan at sakahan ngayon ay nababalot na ng hamog ng pulbura. Ang ritmo ng kulintang at agong tuwing hapon ay napalitan na ng tunog ng iba’t ibang uri ng baril, bomba, at kanyon. Ang tahanan ng pamilya ay tanging anino na lamang ng kasiyahan ang maaaninag sa bawat bintana nitong wasak na. Ang masayang pamilihan ay ngayon ay tila isang abandonadong pook at tanging bulong na lamang ng tawanan ang maririnig. Kay laki ng ipinagbago ng aking bayan.
Ang mga pangyayaring ito ay maituturing kong identidad ng aking bayan at pagkakalinlan ng aking pagkatao. Husgahan man ng iilan, hindi man maunawaan ng nakararami ay magpapatuloy na makikilala at maitatala ang Maguindanao sa kasaysayan at mapa ng Pilipinas. Ang kaganapang ito ay patuloy na maririnig at ipaparinig ko sa lahat upang magkaroon ng bukas na kamalayan ang bawat isa sa aking bayang pagkakalinlan. Na ang bayan ko ay isinilang nang may sariling kultura, tradisyon, at buhay.
Ang bayan ko’y nalugmok lamang sa gulo at dahas, ngunit hindi nawalan identidad, at iyon ang salitang SAKI.
—
MUBARAK M. TAHIR is a pure-blooded Maguindanoan born in Kitango, Datu Piang, Maguindanao on December 25, 1991. He finished his bachelor’s degree in Filipino at Mindanao State University, Marawi City. He is currently teaching at Philippine Science High School southern Mindanao Campus.