Lubos akong nagagalak na maibahagi sa malaking hanay sa akademya ang aking sariling persepsyon tungkol sa panitikang Mindanao. Nararapat lamang na ipamulat sa mga mag-aaral at guro ang kamalayang malimit na nauunawan ng madla. Ito ay bilang tugon at pagsalungat sa kadalasang maling perspektibong hatid ng panggagaway ng midya. Nais kong ikwento ang pinagmulan o “hugot” ng aking mga nakakathang tula – ang aking paglalayong isalamin ang Mindanawong pagsusulat, partikular na ang panitikan ng Bangsamoro.
Itinuturing kong isang malaking misyon ang pagsusulat. Ang paghahabi ng mga salita upang mabuo ang mga tula ay tila naging aking paraan sa pagdiskarga ng mga pasaning matagal nang nailagak sa aking mga balikat. Hindi naging mahirap sa akin ang pag-angkin ng naturang gampanin sa mahigit na apat (4) na taon nang pagsusulat. Bagama’t musmos pa sa larangan at tila hindi pa lubos na maitumpak ang tamang pagsukat o pagputol ng mga linya, tamang pagpili ng mga salitang gagamitin, tamang paggamit ng wika, at iba pang teknikal na aspeto ng paggawa ng tula, malinaw na sa akin na mayroong mga kwentong kailangang ipaabot sa madla, mga kwentong tila naghihintay lamang na ilarawan sa pamamagitan ng mga salita at ito ang kwento ng Bangsamoro. Ito ay isang bagay at kasanayang hinding-hindi maituturo ng kahit na sinong magagaling at nauna sa larangan ng panitikan. Mananatili itong likas at pambihirang kayamanan ng isang manunulat. Magiging makatwiran kung aking iuugnay ang paksa sa aking mga tulang nabubuo sa kamalayang aking namulatan.
Mula nung aking kabataan, hindi lingid sa akin ang komplikasyon ng pamumuhay ng isang Moro o Muslim sa kanyang sariling lugar lalo na sa mga panahong mainit ang digmaan. Buwan ng Mayo taong 2000, ako’y pitong taong gulang pa lamang, nang magdeklara ang administrasyong Estrada ng todong-digma o all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front o MILF. Sa mga panahong iyon, bagama’t hindi pa gaanong malinaw sa akin ang krisis, tandang-tanda ko naman ang mga gabing habang ako’y nag-aabang sa paborito kong palabas na pambata, na ang laman ng mga balita sa telebisyon ay mga sundalong nakikipagdigma.
Inaaliw ko na lamang ang sarili sa paglalaro ng laruang baril na binigay ng aking ama, at tulad ng mga napapanood sa telebisyon, masigla kong ginagaya ang mga sundalong nakatutok ang mga riple sa dakong di ko naman naaaninag ang punterya. Minsan nama’y nakikipaglaro ako sa sariling haraya, binabato ang isang lapirot na papel, na tila baga ito’y isang granadang pinapasabog ng mga sundalo. Sa mga sandaling ‘yun, hinihiling ko na sana’y nasa bahay lang ang aking ama’t nakikipaglaro sa akin. Ngunit ilang gabi siyang hindi umuuwi.
“Siya’y nagtatago,” simpleng sambit ng aking ina. Ngunit hindi niya ipinaliwanag kung bakit. Marahil, at ako’y sumasang-ayon, ay di ko din naman maiintindihan ang dahilan. Kinalaunan ko na lamang nalaman na pinaghahanap pala ang aking ama, dahilang siya’y nagkaroon ng partisipasyon sa grupong MILF, bilang provincial political chairman ng Davao del Norte at naging aktibo sa pag-oorganisa ng mga militanteng Moro sa lalawigan ng Davao.
Nakauwi sa bahay ang aking ama matapos na opisyal na itinigil ng administrasyong Estrada ang todong-digma. Maayos naman ang kanyang kalagayan. Walang sugat na natamo, walang senyales ng kapahamakan. Ngunit kabaliktaran ang nangyari sa Pilipinas, partikular na ang ilang lugar sa Mindanao.
Inihayag ni Lualhati Abreu, ang awtor ng aklat na “Bangsamoro sa Malapitan: Pagpupunyagi sa Sariling-Pagpapasya,” ang pinsala at pagkawala na dinanas ng bansa matapos ang kampanyang todong-digma. Sabi niya tungkol sa nasabing digma ng administrasyong Estrada:
“Isang biktima sa saklaw ng Camp Abubakar ang naglahad ng pambobomba ng 105mm howitzer at panununog ng kanyang mga pananim para lamang magkaroon ng mas masaklaw na visibility ang mga sundalo.
Sa isang bayang saklaw rin ng nabanggit na kampo, isang matandang lalaking biktima ang labis na nagdalamhati hindi lamang sa pagkasira ng kanyang niyugan, abakahan, at kapehan. Ang pagkawala ng isang malaking maletang padala ng kanyang anak mula abrod ang iniyakan niya nang husto. May laman iyong mga karpet, regalo at isang Koran na may ginintuang pabalat.”
Ito ay iilan lamang sa mga halimbawa ng panliligalig at pagpapahirap na natural nang nararansan, lalo na ng mga sibilyan, sa gitna ng digmaan. Sa kabilang dako naman, buong akala ng iilang Pilipino na ang tagumpay ng pangulong Estrada at sundalo ay tagumpay ng buong bansa. Ngunit sa kasamaang palad, hindi ganoon ang nangyari. Ang mga talaang ipinahayag ni Abreu ay manipestasyon ng labis na pagwawaldas na maaring o di kaya’y tiyak, na nakaapekto sa ekonomiya ng bansa. Inilahad ni Abreu:
“Hindi biro ang winaldas na pera ng gobyerno sa walang taros na pambobomba – na sisimulan sa umaga pagsilay pa lamang ng araw hanggang bago mananghalian, at uulitin sa hapon hanggang sa pagtatakipsilim – araw-araw mula Abril 16 hanggang Hulyo 10, 2000. Batay sa mga sasakyang pang himpapawid at bombang ginamit, ang pambobomba ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P14.6M sa isang araw.
Idagdag dito ang fuel cost ng mga sasakyang panghimpapawid; badyet sa mga bala ng M16, bala ng grenade launcher, gasolina ng mga armored personnel carrier; gastos sa naval operations sa pagdadala ng mga tauhan at kagamitang militar; pagmamantini ng mga HQ; sahod ng mga sundalo; per diem ng mga opsiyal at iba pang overhead expenses. Tinataya… na hindi bababa sa P50M ang gastos sa isang araw… Aabot kada buwan sa P7.5B… sa mahigit sa dalawang buwang todong-digma noong 2000.”
At higit sa lahat, higit pa sa ibang mga suliraning umiral bunga ng pakikipagdigma, ay ang ulyaw ng bangungot – ang pighati ng mga kaanak ng libo-libong mga buhay na hindi na kailanman maibabalik; kabataang Moro, mga kababaihan, at mga inosenteng sibilyan na pinagmalupitan, inabuso’t dinamay. Mga Morong nawalan ng kabuhayan, nawalan ng kamag-anak, at nawalan ng moral. Libo-libong pamilya ang nakipagsiksikan sa evacuation centers, naghihintay lamang ng rasyon ng pagkaing ibibigay, kasabay ng paghihintay na sana’y matapos na ang digmaan.
Habang sa Camp Abubakar, masayang tsumitsibog ng lechong baboy at tumatagay ng alak si Erap Estrada kasama ang kanyang mga sundalo sa loob ng moske, pinagpupunit ang mga pahina ng Qur’an, at nagsasaya sa pag-aakalang nakamit nila ang totoong tagumpay.
Malaki ang naging papel ng mga pangyayaring yaon sa poetikong aking pinanghahawakan sa kasalukuyan. Ang mga pangyayaring ito ang naghubog sa aking pananaw. At tingin ko’y nararapat lamang na malaman at mailahad sa karamihan ang mga kwentong nakakabit na sa kasaysayan. Ako’y naniniwala na ang paglalahad na ito’y pinakamainam na gawin, hindi ng kung sinuman, kundi ng isang indibidwal na kayang makita at makadama ng totoong hinaing at pagpupunyagi ng buong sambayanang Moro. At batid ko, sapat na ang katotohanang taas-noo kong kinikilala ang aking pagkatao bilang isang Moro upang mapabilang sa mga tagapagtaguyod nitong dakilang layunin.
Gayunpaman, di ako nakaiwas sa mga pagsubok ng pagsusulat sa naturang paksa. Ilan sa mga hamong kailangang daigin ay ang alinlangan sa sariling husay, pagkatanggap ng mga tao sa naturang paksa, o di kaya’y pagiging iba sa umuusbong na tema ng romantikong pag-ibig lalo na sa kabataang madla.
Nung minsa’y nakasali ako sa isang palihan, kagyat akong tinanong ng isang fellow, matapos mainit na talakayin ang aking tulang may kinalaman sa BBL, kung bakit ba ako nagsusulat tungkol sa Bangsamoro. Di ba daw masyadong mabigat para sa isang tulad kong nagsisimula pa lang sa pagsusulat ang mga paksang ginagamit ko sa aking mga tula. Di ako nakakibo. Ang mga tanong na ‘yun ay patuloy na umalingawngaw sa aking isipan hanggang sa pag-uwi. Baka nga may punto siya. Baka nga ako’y nakabilanggo o di kaya’y ipinagsisiksikan lamang ang sarili sa anyo ng paksa na marahil nga naman ay ‘di nararapat sa akin.
Tadhana na din siguro na ako’y manatili sa temang aking nakasanayan. Bagama’t nakapagsulat ako ng mga tulang walang kinalaman sa Bangsamoro, hindi malugod ang aking naramdaman. Tila ba ay niloloko ko ang aking sarili, at kahangalan na talikuran ang pagsusulat tungkol sa Bangsamoro, kahangalan na talikuran ang pagsusulat tungkol sa sariling tahanan.
Sa kasalukuyan, malimit o di kaya’y hindi kailanman natin naririnig at natatalakay sa ordinaryong leksyon sa silid-aralan ang panitikang Bangsamoro. Mainam na lang kung sa ating syllabus o lesson plan, nababanggit o nasasali natin ang mga kwento ni Ibrahim Jubaira, mga tula ng magkapatid na Mehol at Sain Sadain, o di kaya’y dula ni Guttierez Mangansakan. Ngunit sa kabuuan, hindi maitatangging kasabay ng pagpupunyagi ng Bangsamoro sa sariling-pagpapasya ang pakikibaka ng panitikang Bangsamoro sa suliranin ng pagiging mardyinalisado sa larangan.
Patuloy na magsusulat ang mga manunulat hindi lamang dahil ito’y isang obligasyon, kundi ito’y bugso na kailangang bigyan ng pansin at aksyon. Hindi kinakailangang bayaran o swelduhan ang isang manunulat sa anumang obra na kanyang ginawa. Ngunit tayo bilang mga guro, mananatiling tungkulin ang pagpapalaganap ng katotohanan at kamalayan sa ating mga mag-aaral. Nararapat lang na ipamulat natin sa ating mga mag-aaral ang kompletong kasaysayan, kalakip ng wasto at responsableng pananaw ukol sa mga isyung kinakaharap.
Hindi ko nais na mag-iwan ng impresyon ng kasakiman o masyadong pagpapahalaga sa sariling dangal at kung ano ang ipinaglalaban. Ang layunin ko lang na kahit papaano’y maiangat ang antas ng panitikan ng Bangsamoro mula sa kailaliman. Hindi ito kailangan ng lubos na atraksyon, kundi taos-pusong pagtanggap at sapat na pagkilala lamang.
Sa kabuuan, marapat nating intindihin na ang panitikan ng Mindanao ay hindi makapagbibigay ng agad na kalutasan sa anumang suliranin ng Mindanao o ng buong bansa. Hindi ito makapipigil sa pagdanak ng dugo sa tuwing may pambobomba o digmaang nagaganap sa kagubatan. Ngunit maari itong magsilbing lunas na maghihilom sa sugat ng puso. Hindi man ito ang direktang magbibigay ng kapayapaang matagal nang hinahangad, ngunit sapat na ito upang makapagbigay ng kaginhawahan sa damdaming puno na ng hapis.
Mohammad Nassefh Macla is a Kaagan-Bangsamoro native from Panabo City, Davao del Norte. He has read this essay during the Philippine PEN Literature-Teaching Workshop at the Ateneo de Davao University, Taboan 2016 at the Central Mindanao University in Bukidnon, and Ilhanay 2016 – the first literary festival of North Davao Colleges in Panabo City, Davao del Norte.