Tinapay Republic

Nonfiction by | April 6, 2014

Tayong mga Pilipino ay napakapanatiko sa tinapay. Tinapay sa almusal, tinapay bago mag-almusal, tinapay pagkatapos mag-jogging bago mag-almusal, tinapay sa meryenda bago mananghalian, at para sa mga walang pera, yung tipong mga taong mga pobreng tinapay sa lipunan, ito na din ang pananghalian. Sa mga medyo mayaman, ito ang minsang panghimagas, lalagyan ng medyo mahal na asukal at tada! Ang tig-singkong pandesal at tigkinse na ang isang kusing na piraso.

Nasubukan mo na bang ipalaman ang ice cream sa tinapay? Palagi yan sa piging ng mga pobreng tinapay sa lipunan. Kung walang ice cream ay yung bihon o kung nakakaluwag ay ang walang kamatayang spaghetti.

Grabe andami na nating naimbento mula sa tinapay. Mula sa pagsawsaw nito sa tradisyunal na kape hanggang pagsawsaw nito sa coke at kung minsan sa juice hanggang sa pinalamanan ito ng peanut butter, cheese shizz at kapwa nito tinapay na nagkukunwaring keso o tsokolate.

Pero hinding hindi mawawala ang walang kakupas kupas na tinapay sa hapon. Hindi pwede mawala ang tinapay sa balkonahe mula alas tres hanggang sa pag-uwi ng tatay mula sa construction o di kaya’y yung mga tatay na nagpa-aircon sa opisina buong araw at napagkatuwaan ang hapit na palda ng kanyang sekretarya at iba pang mga bagay sa loob nito. Andya-dyan palagi ang simbolo ng pagmamahal ni Inay sa mga hamak na pandesal na sinadya niyang bilhin sa pinakamalapit na panaderya sa ilalim ng galit na araw sa tanghali.

Kung pwede lang sana ay tumakbo ang tinapay bilang mayor sa pook natin siguradong landslide yan. “Tyak yun!” na parang E-heads ang pagkasabi sa hulihang parte ng talumpati tungkol kay Punk Zappa sa album nilang cassette tape ang pagka-produce. Tyak maraming mga intelektwal na tao ang mapapngiti kung mayroong poster sa kung saang panaderya na nagsasabi, “Tinapay party list, isawsaw sa kongreso!” o “Tinapay for President, ang simbolo ng ating pagka-Pilipino.” At sa kanyang speech ay sasabihin nyang, “Tayong lahat ay mga uri ng tinapay. Tinapay ka, tinapay ako. Tsong tinapay ka. Tinapay din yang syota mo!”

Tama. Tinapay tayong lahat. SImulat sapul na tayo’s mga harina pa lamang na makailang ulit hinampas hampas sa matigas sa sementong lamesa at sinahugan ng pawis ng nag-iisa nating panadero; ang kung sino mang diyos na pinaniniwalaan mo, ang ating mga kapalaran ay dahan dahan nang natitimpla. Maswerte ka kung napagtripan ka ng panadero na gawin kang mahal na tinapay, yung tipong napaulanan ng asukal at keso. Hindi atin ang desisyon kung anong klaseng harina tayo bago isalang sa pugon. Pero isipin n’yo to, hindi lahat ng matamis na tinapay ay matamis na harina. Dahil syempre naman, ang tinapay ay tinapay lang hanggang mapaliguan ng asukal o kung ano pang ulam o panghimagas.

Da best pa rin ang plain old pandesal. Meron kasing mga sakto ang harina at asin at pawis ng panadero. Yun ang mga mas mswerteng tinapay, mas masarap kaysa sa mga bobong tinapay na siguro ay isa sa mga barkada mo ngayon. Alam mo ba na ang asin ay epektibong nakakapalakas ng tamis? Ganyan tayo dapat. Sa bawat butil ng asukal ay may karampatang asin na mas mabuting nanggagaling sa pawis, di lang ng panadero kundi sayo rin.

Kanina pa ako hindi nagsasalita ng diretso at nagmamaangang magaling. Siguro naman siguro ay nakuha mo na ang gusto kong sabihin. Kung hindi, isa kang bobong tinapay. Ang gusto ko lang namang ipaabot ay kung paano tayong mga Pilipino ay nagiging mga tao sa mga maliliit na bagay sa ating kultura. Isipin mo to, ang pan de Cocong kinain ko kanina, ang syang lakas ko ngayon para maisulat ko tong walang kwentang sanaysay. Hindi kasali dyan ang diabetes na makukuha ko sa hinaharap dahil sa sobra sobrang carbohydrates na isinusubo sa atin ng ating kultura ng pagkain.

Pero hindi tayo ang nag-imbento ng tinapay. Hindi. Ang mga kung sino mang mga mananakop ang nagturo sa atin n’yan. Ginawa ba nila tayong mga tinapay? Pwede mong sabihin yan dahil sila ang nagturo sa ating makuntento sa tinapay sa ating pagkukumbaba sa loob ng ilang taon habang ginawa nila tayong mga panghimagas ng kanilang pagyaman. Pero pagkatapos ng ilang sangdaang taon sa maiinit na pugon, maraming mga matatapang na mga tinapay ang isinilang. At simula noon, dahil sa kalayaan tinamasa, marami nang klaseng mga tinapay ang isinilang; mga mayayaman na tinapay, mga mahihirap na mga tinapay, mga bobong tinapay, mga masunuring tinapay, mga rebeldeng tinapay na kalaban ng mga politikong tinapay, etc.

Mahalin mo ang pagiging tinapay mo. Ito tayo, ganito tayo, kultura natin to. Tandaan mo: Ang hindi marunong magmahal sa pandesal ay sosyal.


Darylle “darsi” Rubino is a graduate of Bachelor of Arts in English (Creative Writing) from the University of the Philippines Mindanao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.