Ako si Trapo Ko. Gwapito III.
Kumakanditado bilang gobernador ng Probinsya Gwapito del Sur, anak ng dating Congressman. Dating Mayor rin ng aming munisipyo, matapos mapalitan ng aking nakakatandang kapatid. Tumigil lang ako saglit sa politika dahil nagkastroke ako, pero sa awa ng Diyos pinagaling niya ako. Alam niyang kailangan ko pang maglingkod sa masa, at ngayon nagkalakas ng loob akong kumandidato dahil sa tiwala na binigay sa akin ng mga tao.
Noong nakaraang taon, nagpaparamdam na ako (wag kang maiingay ha?) sa gilid ng mga kalye. Naglalagay ng mga tarpaulin na bumabati ng “Happy Graduation” sa mga nagtatapos, “Maligayang Pasko” naman noong Disyembre. Katabi nga ng mga tarpaulin ko ang mukha din ng asawa ni Senador Villar. Napapakinggan din ako sa lahat ng estasyon ng radyo sa probinsya. Sabi nila premature campaign ang ginagawa ko pero wala namang masama sa bumabati at sa nagpaparamdam. Bakit, may nakakaalam ba? Wala naman akong nilalabag na batas ng COMELEC. Masaya na ako na kahit sa ganyang mga paraan lamang ay mapasaya ko ang mga tao sa pamamagitan ng pagbati sa kanila.
Noong isang buwan nag organisa ako ng libreng gamutan at tuli sa lahat. May kasali pang libreng dalawang kilong bigas at tatlong lata ng sardinas. Nag-abot rin ako ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo. Pinangako ko sa kanila na kapag ako’y kakandidato at mananalo sa halalan, marami akong gagawing proyekto para sa mahihirap. Tutulungan ko silang maka-ahon sa kahirapan. Dadalhin ko sila sa tuwid na daan.. Matatapos na rin ang kalsada na proyekto ko upang makadaan na ng maayos at ligtas ang mga motorista. May pangalan ko pa nga sa gilid ng kalsada: DONATED BY: TRAPO GWAPITO III.
Noong kasagsagan ng pagpaparehistro para sa eleksyon, may inaabot akong pagkain sa mga taong pumipila sa COMELEC. Kawawa nama sila, mahaba ang pila. Mainit diba? Kaya ‘yun, nagbigay din ako ng envelop na may lamang papel. Pera yun. Ang pinakamaliit na naibigay ko ay 100php. Natuwa din ang mga kabataan sa ginawa ko dahil natutulungan daw sila. Kahit sa ganong paraan daw, may nakukuha sila nang walang hirap.
Sa makatuwid galing ako sa mayamang pamilya pero nangingibawbaw pa rin yung interes ko para sa tao. Isa kami sa pinakamalaking nagmamay-ari ng kalupaan sa Mindanao. “Landlord” ang tawag sa amin (hindi ko na sabihin kung ilang hektarya, baka mabuko pa ng DAR). Binili na ng lolo ko sa mga nitibo (IPs) ang lupa sa presyong sampung daang libo.
Nasa angkan at dugo na namin ang pamumulitiko. Dating Congressman ang Lolo ko. Tumigil na siya sa pulitika dahil sa edad. Pumalit sa kanya ang tito ko, at ngayon kakandidato siya muli bilang congressman. Vice-mayor din ang asawa ko at matatapos na din ang termino niya at papalit sa kanya ang kapatid kong si Epal Gwapito pagkaMayor. Kakandidato din na pagkakonsehal ang isang anak at ang tita ko. Barangay Chairman ang isang tito ko at nanalo ang anak niya bilang SK Chairman. Isang buong dynasty ang nagsisilbi sa bayan. Naging tradisyon na sa pamilya ang pagpasok sa politika. Kalabanin man ito ni Senador Mirriam Defensor-Santiago, nakasanayan na ito sa Pilipinas. Kahit nga ang mga Cojuangco-Aquino.
Nagakapag-aral ako sa mamahalin at magandang paaralan simula elementary hanggang kolehiyo. Subalit hindi ako nakatapos ng kolehiyo. Hindi naman ito balakid para paglingkuran ko ang mga tao. Ang mahalaga ay bang tunay na serbisyo na kinakailangan ng mga tao. Bukal sa loob kong huminto sa pag aaral dahil nararamdaman kong oras na para pumasok sa pulitika. Alam kong kailangan na ang isang katulad ko para maglingkod sa mga tao. Alam ko naman na dito rin ang landas ko sa pamumulitiko. Wala namang batas na nagbabawal sa pagtakbo ng mga hindi nakatapos. Kahit nga “no read, no write ka pa” pwedeng kang tumakbo bilang presidente. May iilan ngang senador na hindi marunong mag ingles at copy paste ang mga sinasabi sa kamara. Alam ko namang alam niyo kung sino ang tinutukoy ko. May iilan ding senador na katagal tagal na sa senado ay wala pang naisasabatas. Pero hindi yan ang pinupunto ko. Ang sa akin ang kapangyarihan at kaban ang mahalaga. Hindi na yan uso sa mga politiko, karamihan sa amin may mga personal na pakay. Nagpapabango lang ako sa publiko para botohin.
Kasagsagan na pala ng kampanya. Kumakalat na ang mga posters, flyers, tarpaulin, at iba pa. Nagsisimula na ding mangampanya ang mga tatakbo gamit ang iba’t ibang stratehiya ng mga politiko. May iilang politikong ginagamit ang media para sa pangangampanya. Nagsilabasan na ang mga proyekto, mga donasyon, at mga programa para kunin ang tiwala ng masa. Gaya ko, epektibo talaga ito.
At syempre, ang dating gawi. Mamimigay ako ng pera sa darating na eleksyon. Maghahakot ng mga taong galing sa ibang lugar para makaboto. At ang paborito kong buhayin ang mga patay para makaboto. Titiyakin kong ako ang mananalo.
Muli, Halalan2013 na ngayong Mayo 10. Botohin na ang mga karapat-dapat sa posisyon. Gamitin ang karapatang bomoto at makapili. At pinapangako ko ang kaginhawaan sa buhay at paglutas ng kahirapan sa ating probinsya.
Wag kaligtaang markahan ang bilog na hugis itlog ni Trapo Gwapito III. Para sa tunay at tuwid na serbisyo!
—
Si Reemar B. Alonsagay ay isang Psychology Student sa Mindanao State University, Marawi City.