Alas singko ng umaga’y gising na ang diwa ko upang maghanda sa pagpasok ko sa paaralan. Lumabas muna ako upang umigib ng tubig. Maya-maya’y batid ko ang pag-dampi ng malamig na hangin sa nanginginig kong katawan. Bigla kong napansin ang mukha ni Juanito na naka dungaw na naman sa bintana ng kanilang payak na barong-barong. Nakatulala na naman si Juanito na tila nililipad ng hangin ang isipan.
Ilang segundo ang nakalipas ng makita ang tanawing yaon ay biglang nilamon ang katahimikan ng isang sigaw. “JUANITO!” Si Aling Letty na naman ito, ang nanay ni Juanito, na tila ba’y umiiyak na tinatawag ang kanyang anak. Biglang isinara ni Juanito ang bintana at madalian siyang tumakbo patungo sa kanyang ina. Ako nama’y binalot ng katanungan ngunit nagpatuloy na lamang sa aking ginagawa at itinuon ang pag-iisip sa paghahanda patungong paaralan.
Pangkaraniwan na lamang para sa akin ang tanawing ito. Nag iisa na naman si Juanito na nakaupo sa bandang likod ng silid-aralan. Madungis ang kanyang mukha, na tila baga ni-isang patak ng tubig ay di dumampi sa kanyang balat. Mawawari din ang kahirapan sa kanyang suot, isang kupas at siraing maong na pinarisan pa ng gula-gulanit na maduming polo. Idagdag pa ang sapatos nyang tila dinaanan ng giyera sa dami ng sira. Iba ang tingin sa kanya ng mga kaklase ko, kaya nilalayuan siya nila. Ngunit tila naman alam ni Juanito ang nangyayari sa kanyang paligid kaya siya din man ay lumalayo. Hindi na lamang siya umiimik ni nakikipaghalubilo sa iba pa naming mga kaklase. Ngunit sa kabila ng ganitong itsura ni Juanito ay masipag pa rin siyang nag-aaral. Sabay sa pagpanaw ng umuugong na hiyawan at halakhakan ay pumasok na nga ang aming guro, at gayo’y nag umpisa na ang aming klase.
Mahabang oras ng pagkakaupo ang makalipas nang biglang tumunog ang ugong ng kasiyahan. “Teng…teng..teng” alingawngaw ng batingaw na nagsasabing oras na ng tanghalian. Agad ay nagsilabasan na ang aming mga kaklase at naiwan kaming dalawa ni Juanito sa loob ng silid-aralan. Napansin kong tila walang planong lumabas si Juanito sa loob ng silid-aralan. Nilakasan ko na ang aking loob para lumapit sa kanya at magtanong. “Juanito dito ka ba kakain?” Tila nagulat si Juanito sa tanong ko. Iling lamang galing sa kanya ang natanggap kong sagot. “Ahh… siguro sa labas ka kakain, ako dito lang ako kakain ngayon eh.” Ngunit umiling pa rin si Juanito na tila baga’y naninibago sa nangyayari. “Hindi ako kakain,” ang sabi ni Juanito, na ikinagulat ko. “Bakit? Wala ka bang baon?” Yumuko lamang si Juanito at di na umiimik. Bigla kong napansin na tila baga nanghihina ang katawan ni Juanito. Mababakat sa kanyang malakalansay na katawan ang sobrang kapayatan at sa hapo niyang mukha ang kapaguran at kawalang pag-asa. “Tara, salo na lang tayo dito sa pagkain ko,” ayayang sambit ko sa kay Juanito na nung una’y umaayaw pa. Ngunit dala na rin siguro ng matinding pagkagutom at sa kakulitan ko na rin siguro sa pagpipilit sa kanya ay pumayag na rin siya. Sabay kaming nagsalo ni Juanito sa dala kong pagkain.
Sa tinagal-tagal na ng panahon ng paglipat nila Juanito malapit sa bahay namin ay sa oras na yun ko lamang siya nakausap. Noon pa lang nakibahagi si Juanito ng tungkul sa kanyang sarili. Sa pag-uusap naming yun, nalaman ko na iniwan pala sina Juanito ng kanyang ama at huminto na sa pagtatrabaho ang kanyang ina. Si Juanito na lamang ang nag aasikaso at nagpapaaral sa kanyang sarili dahil di na kaya ng kanyang ina ang asikasuhin siya.
Maghapon na lamang daw itong naka tunganga, tumatawa at umiiyak na tila ba’y nawala na sa kaniyang katinuan. Nabigla ako sa mga sumunod pang eksena. Biglang napahagulgol si Juanito sa harapan ko at inilabas ang lahat ng kanyang sama ng loob. Iyak lamang siya ng iyak na tila baga napakasama ng ginawa ng mundo sa kanya. At sa di ko inakala, pati ako pala’y tumutulo na rin ang mga luha. Maya-maya’y pinagaan ko ang damdamin ni Juanito. Nilapitan ko siya at pinahiran ko ang mga luhang tumutulo sa kanyang mga mata.
Ng di malaunan ay tinanong ko bigla si Juanito “Bakit araw-araw na lang kitang nakikitang naka-tingin sa labas ng iyong bintana Juanito? Ano ba ang tinitingnan mo?” Biglang tumingin sa akin si Juanito, tumayo siya at humarap sa labas ng bintana ng silid-aralan “Nananaginip ako, nananaginip akong lahat ng ito ay di totoo!” Muli ay binalot ng katahimikan ang paligid. Unti unting naglakad na si Juanito pabalik sa kanyang upuan at di na ulit pa kumibo. Nawasak lamang ang alingawngaw ng katahimikan ng muli na naming dumating ang aming mga kaklase. Hindi ko namalayan na tapos na pala ang oras ng tanghalian, agad ay inayos ko na ang aking sarili upang maghanda sa pag-uumpisa ng pang-hapon naming klase.
Natapos na ang klase at naghahanda na ako upang umuwi. Tumingin ako sa upuan ni Juanito pero wala na siya doon. Di ko namalayang umalis na pala siya. Ngunit sa pagtingin ko ay meron akong nakita, isang lukot na papel sa upuan ni Juanito. Agad-agad ay nilapitan ko ito upang tingnan. Pag bukas ko ng papel ay bumungad sa akin ang salitang “SALAMAT” gamit ang pulang tintang ka kulay ng dugo. Napagtanto kong gustong magpasalamat si Juanito sa akin ngunit nahihiya lamang siyang sabihin ito.
Naglalakad na ako pauwi ng madaanan ko ang bahay nila Juanito. Ang tanging narinig ko lamang ay ang katahimikan ng paligid. Nakita kong walang ilaw ang nakabukas at nakasarado na lahat ng bintana pati na din ang pinto. Animo’y isang bahay na wala ni-isang taong nakatira. Biglang namutawi sa isip ko ang nakasulat sa papel kanina. Maya-maya’y nagpatuloy na ako sa aking pag lalakad.
Alas singko ng umaga nagising ako sa pagkakatulog ng nakarinig ako ng isang sigaw. “JUANNITTOOOO!” sigaw ni Aling Letty kasabay ang napakalalim na iyak. Isang iyak ng magulang ang namutawi sa hangin. Agad ay tumayo ako sa pagkakahiga at dali-daling bumaba upang tingnan kung ano ang nangyayari. Tumakbo ako papunta sa mataong bahay nila Juanito. Sa pagtakbo ko ay nakasalubong ko sila nanay na pauwi na galing sa bahay nila Juanito. Napakunot ang noo ko ng makita kong tumutulo ang luha ng aking ina. “Anong nangyari, inay” tanong ko kay nanay. Ngunit luha lamang ang naisagot sa akin ng aking mahal na ina. Nagpatuloy ako sa pag lalakad, at sumiksik sa mga taong naka palibot sa bahay nila Juanito. Nang pag silip ko ay bumungad sa akin ang bukas na bintana. Ngunit kaibayo noon na makikita mong nakadungaw si Juanito. Ang nakita ko ay sadyang kay saklap. Nakabitin si Juanito, wala nang buhay. Itinali niya ang kanyang sarili at nagpa-tiwakal upang matakasan ang labis na hirap ng buhay. Ang bintanang nagsilbing pintuan niya upang takasan ang kahirapan, ngayon ay naging saksi sa kanyang pag panaw.
—
Si Cess Karlo V. Noquira ay nag-aaral sa University of Southeastern Philippines, 4th year AB-Literature.