Walang Plumang ‘Di Makata

Poetry by | March 10, 2013

Tumutula ang isang manunulat
sapagkat may mga salitang
‘di kayang ibakat sa papel.
Mga salitang ‘di kayang ibigkas,
mga damdaming nagpupumiglas
ngunit ayaw ipadama,
ayaw ipaunawa.
Tumutula ang isang tao dahil
ibig niyang ipahiwatig
sa salita ng makata
ang ‘di kayang sabihin ng karaniwang wika.
Mga salitang tanging para sa tula lamang,
mga salitang ubod ng tamis.
Tumutula tayo
sa pait ng ligaya,
sa ligaya ng kamatayan,
at sa kamatayan ng ligaya.
Tumutula ako dahil ako ay umiibig,
umiibig sa aking bayan,
sa kapwa kong kabataan,
sa kapayapaan at tunay na kalayaan.
Umiibig ako sa ‘yo.
Oo, ikaw at wala ng iba.
Tumutula ako para sa mga bayani.
Mga bayaning wala sa perang papel
at sa perang tanso,
mga bayaning ‘di kilala,
sa mga bayaning kumonista,
at sa mga bayaning may burgis na pagkilala.
Tumutula ako
dahil gusto kong tumula,
dahil kailangang tumula,
dahil may nagbabasa ng tula,
dahil may umiibig sa tula,
dahil may pag-ibig sa tula.
Hinahayaan ng tulang lumipad ang makata,
magtampisaw sa dilim
at magbahagi ng liwanag.
Nirerespeto ng tula ang salita,
bagama’t dinudumihan nito ang malinis na wika.
Ito’y tulad ng kaning mainit,
at softdrink na malamig,
Siya ay si Biloy na kulot at Eman na buhay.
Yosing red at pulang mandirigma.
Ang tula’y kawangis ng M-16.
Nakamamatay. Nagbibigay-buhay.
Nakakabitin.


Si Leonelleson, kilala din bilang Oni, ay nagtratrabaho bilang isang Customer Care Specialist. Siya ay nanggaling sa Kiblawan, Davao del Sur.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.