Ano bang dapat mong gawin kapag na-realize mong ayaw mo na sa galaw ng buhay mo?
‘Yung tipong wala ka nang pag-asang baguhin ang ni katiting sa buhay mo. Naipit ka na kasi sa pang habang-buhay na pagkakataon. Maiisip mo rin na wala ka namang lakas ng loob para gumawa ng kahit na anong bagay para isalba yung sarili mo. Kahit na ang mga pangarap mong binuo ng matagal ay nawalan na rin ng saysay upang ipagpatuloy. Ngayon, hahayaan mo na lang ba ang sarili mong malunod sa madilim na kawalan o pipiliin mo pa ring gumising?
“HOY, BABOY! GUMISING KA NA! ”
Ang ingay na naman! Sa totoo’y kanina pa ‘ko gising at kanina ko pa tinitiis na huwag pakinggan ang boses niya. Paano, eh ang lambot ng higaan at ang sarap yakapin ng unan. Gayunpaman, manaka-naka kong pinunasan ang bibig kong may bakas ng natuyong laway.
Teka, ang sakit ng ulo ko. Kung ‘di naman kasi nagyaya ng inuman yung mga pinsan ko kagabi, di sana sasakit tong ulo ko na para bang tinadyakan ng sampung kabayo. Nasusuka ako.
“DI KA BA TALAGA BABANGON?!”
Tantsa ko’y pang limang kurot na siguro ‘yun ni ate L. Pinilit ko nang bumangon para tumahimik na siya. Masisisi mo ba ako? ‘Eh Sabado kaya ngayon! Pero kelangan ko paring pilitin ang sarili ko na pumasok ng paaralan dahil sa isang subject.
“T_NG-INA! TINGNAN MO NGA YANG LINTIK NA ORASAN!
Naramdaman kong nanlamig ang buo kong katawan nang tingnan ko ang orasan: kinse minutos na lang bago mag 7:30. Kung mamalasin ako, pang pito ko na ‘tong absent. Isa nalang at ga-gradweyt na ako ng maaga sa subject na ‘to.
Kung magkataon nga, yari talaga ako kay ate. Ayoko pa namang dumagdag sa mga iisipin niya. Alam kong pagod na siya.
Nakakabagot talagang pumasok sa klaseng naka iskedyul tuwing weekends. Bukod sa wala naman itong kasali sa QPI(marking system ng paaralan ko), andaming dapat isaulo at dalhin sa klase, May mga tone-toneladang paperworks at reporting pa. Nakakaasar! Idagdag mo pa sa listahan ang mga batas na kelangan daw pag-aralan. Forty pages LANG DAW yun.
“Christina Moreto?”
Naghahabol pa ako ng hininga pagkadating ko sa klasrum. Tyempong pangalan ko na yung tinatawag ni Ate K. Mabuti nga at maganda ang mood ni ate K at ‘di siya nagalit. Kadalasan kasi, tinitingnan niya ng may pamatay na “the look” yung mga latecomers.
Siguro’y na-appreciate niya ang ginawa kong lipad-takbo, ‘eh di ko na nga nadamang sumasayad pa pala ‘yung mga paa ko sa kalye. Obvious naman siguro iyon sa timba-timba kong pawis.
Ganito ang kadalasang eksena tuwing Sabado kasama ng dalawang student facilitators. Mabuti na lang at medyo kyut yung isang naka-assign na faci. Engineering daw si kuya, kaya lang graduating na. ‘Yung pangalawang faci ay si ate K, yung kanina ko pa sinasabi, psychology ang kurso niya. Tingin ko medyo masungit si ate K, pero okay lang, di naman kasi ako sinisita pag umiidlip ako sa klase.
Actually, marami-rami na akong nagawang offense sa klase kong iyon. Sa dami ba naman ng kailangan dalhin! Isa pa, di ko naman talaga madadala ang nametag ko kasi nga nawala ko iyon tatlong araw matapos nilang ibigay, at saka, di ako nag pu-puting t-shirt dahil iisang white t-shirt lang yung meron ako(Peksman! Naiwan ko talaga ‘yung iba!).
Pero kahit na ganu’n, nakukunsyensya rin naman ako. Biruin mo, effort kaya yun para sa mga student facilitator! Kelangan nilang maghanda ng visual aids, pakulo, at tone-toneladang pasensya para sa mga pasaway at may mga short-attention span na estudyan–.
“Tina!”
Lumingon ako sa kaliwa at nakita ko si Zee.
“Ano?“
“Anong nangyari sa iyo? Dalawang araw kang wala,ah.”
Naku. Heto na naman tayo. Magtatanong na naman sila kung anong nangyari sa akin at kung saan ako nanggaling tapos ako, ‘di na naman ako iimik at pasimpleng ngingiti sabay sabing:
“Magagalit na naman yang si ate. Mamaya na tayo mag-usap.”
Nakakapagod rin naman pala itong ganito ‘no? Pinipilit mong baguhin ang ruta ng buhay mo pero wala pa ring nangyayari. ‘Yung parang nagiging walang kabuluhang cycle na yung nangyayari sa’yo. Paulit-ulit na lang.
Idagdag mo pa ang walang katapusang katanungang isinasambulat sa iyo ng mga bagay-bagay araw-araw. Kung tutuusin naman kasi, kung mamamatay tayo, ‘yun na ‘yun. Wala na talaga, end of show.
‘Yung tipong para saan pa ang lahat ng pinaghirapan mo? Lahat ng nangyari sa buhay mo walang kwenta. Tapos lahat ng taong nakakasalubong mo at nakikilala, di mo ‘rin naman sila makakasama ng matagal.So bakit mo pa pag-aaksayahan ng panahong kilalanin silang mabuti? Ano ba ‘to? Nasasanay na yata akong iwan.
P_ksyet. Ayoko na nito. Ang drama ‘ko na. Naalala ko tuloy si Arman.
Si Arman ‘yung kaklase kasi ‘ko nu’ng grade five. Makulet na kaibigan pero kadalasan tahimik. Nagkakausap lang kami ng mahaba-haba kapag di ‘ko napapanood yu’ng episode ng Naruto nung isang araw. Wala masyadong kaibigan si Arman, sakitin kasi at parating umaa-absent. Kahit na ganu’n siya, tinuring ko siyang kaibigan. Kaya lang, gaya rin ng mga nauna kong kaibigan, nang-iwan rin siya bigla.
Okay. Balik tayo sa klase ko. Nagsasalita pa si Ate K.
“Di ko na kayo tuturuan ng pagse-segregate ng basura. Alam kong alam niyo na iyon. Ang point ko lang, itapon niyo naman yung mga basura niyo ng maayos. Kaya nga nilagay ang label na biodegradable at non-biodegrable di ba?”
Eto na talaga. Makikinig na ako kay Ate K. Last na talaga ‘to.
“Teka, napansin niyo ba ‘yang green na bin katabi ng dalawang non-biodegradable at biodegradable bin?”
Sumagot kami ng oo.
“’Eh alam niyo ba kung paano nagkaroon ng ganyang bin dito?”
“Bakit po? Ano po bang history ng green bin na ‘yan?” tanong ko.
“Nagsimula kasi ‘yung proyektong ‘yun dahil sa isang bata. Kung di ako nagkakamali, Chrystal ang pangalan niya; nag-iisang anak ng isang janitor natin dito. Noong nakaraang taon lang, napag-alamang may leukemia si Chrystal.” Sabi ni Ate K.
“At ‘yun nga, dahil tinuturing nang parte ng unibersidad ang pamilya nila Chrystal, napagdesisyunan na tutulong ang unibersidad sa pagbabayad ng mga gastusin at pagpapagamot ni Chrystal sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga plastik na bote. Kaya ayun, maraming green bins ang inilagay sa iba’t-ibang sulok ng unibersidad. Ang ganda ngang isipin na maraming estudyante ang tumulong, kahit na yung iba, ‘di naman alam ‘yung tungkol sa proyekto. Maraming bote ng mineral water, ice tea, buko juice at iba’t-ibang plastik ang naipon para lang masagip yung bata. Napahanga nga talaga ako nu’n, sa tuwing maiisip ko nga ‘yun, napapangiti ako.”
“Ate K, ano po ba ang nangyari kay Chrystal?” Tanong ng isa kong kaklase.
“Nagbunga naman ‘yung pagtulong ng unibersidad, sa awa ng diyos ay naka-iskedyul na noon si Chrystal sa kanyang huling chemotherapy. Pagkatapos daw nu’n ay maituturing na magaling na magaling na daw siya. Makakabalik na siya sa pag-aaral at makakapaglaro gaya ng mga ka-edad niya.” Patuloy ni ate K.
Huminto siya bigla na para bang naghahanap ng bwelo.
“‘Nung araw bago mag-Sendong, naka-iskedyul na ang huling chemotherapy ni Chrystal.”
Hinawakan ni Ate K ang kaliwa niyang braso at tumingin sa sahig habang nagsasalita.
“Noong araw ‘ring iyon, pumunta sila sa office upang magpasalamat. Tuwang-tuwa pa nga si Chrystal at panay ngiti at pasalamat sa amin. ‘Dun ko nga na-realize kung gaano kahalaga ‘yung pagtulong sa kapwa. Masarap kasi sa pakiramdam kahit na kung paminsan-minsan ay nakakapagod. Pero pagkatapos rin ng araw na ‘yun, tila naman nawala ang lahat kay Chrystal.”
“Ganito raw kasi ‘yung nangyari nung kasagsagan ng bagyo: nang napansin ng ama ni Chrystal na di na kakayanin ng bahay nila ang rumaragasang baha, minabuti niyang itakbo palabas ang asawa niya at si Chrystal. Sa kasamaang palad, naabutan pa ‘rin sila ng baha. Habang nakalublob sa tubig at hawak-hawak sa magkabilang kamay ang kanyang asawa at si Chrystal, may sumalpok na malaking kahoy kay Mang Cardo, dahil rin dito,nawalan siya ng malay at nabitawan niya ang mga kamay ng dalawang babae sa buhay niya,” pagpapatuloy ni Ate K.
“Nagising siyang putikan at buhay subalit nagising rin siyang nag-iisa.Tumayo at tumakbo siya para hanapin ang ang mag-ina niya. Sa awa ng diyos ay nakita niya ang asawa niya at sinimulan nilang hanapin si Chrystal. Ngunit ang paghahahanap ay ‘di natapos hanggang ngayon. Hanggang sa pinutol na ng unibersidad ang budget na nakalaan para sa huling chemo ni Chrystal.”
Limang buwan na kasi at di pa nakikita si Chrystal.
Limang buwan na sana’y inilaan ni Chrystal sa pagbabalik eskwela.
Limang buwan na sana’y narasan niyang maglaro, tumawa, magsulat, magbasa at mag-aral.
Limang buwan…
Nakaka-guilty na wala akong ginawa sa kasagsagan ng bagyo. Bukod kasi sa mga pagkaing may matataas na kolesterol at mga bote na nilunod ako sa kalasingan, wala na akong ibang pinagtuunan ng pansin. Pero noong araw matapos ang Sendong, habang sumasakay ako ng traysikel, napansin ko na maraming tao ang may maputik na paa, binti,pantalon, shorts, t-shirt, kamay,mukha at buhok.
Sa totoo’y sanay na akong makakita ng putik; kapag umuulan kasi, nagmimistulang paliguan ng kalabaw ang paaralan ko sa hayskul. Pero ‘di ko masyadong iniinda ang putik, pagkauwi naman kasi, nahuhugasan at bumamalik naman sa dati ang mga sapatos ko. Maputik ang paa ng mga naging katabi ko, nguit tila mahirap ng tanggalin ang totoong kinapitan nito.
Hindi ko alam kung anong nangyari matapos i-share ni ate K ang kwento ni Chrystal. Tumayo bigla lahat ng balahibo ko sa katawan. ‘Yung feeling na parang mapapatunganga ka na lang sa sulok at mapapaisip ng malalim. Napaisip ako kung nasaan na ba talaga si Chrystal. Ginusto ko at binulong ko sa sarili ko na sana okay lang siya.
Kapareho ni Chrystal si Arman. Namatay siya nung araw na una ko siyang nakita sa labas ng paaralan.Sa pagkakatanda ko’y Sabado rin iyon. May pagkalaki-laking ngiti pa nga siya nang nakita ko. Tinanong niya pa kung saan kami papunta ng tiyahin ko at kumaway nung sinabi niyang mauuna na siya.
Nalunod. Nalunod daw si Arman dahil tinulak ng isang batang babaeng di naman niya kilala.
May mga katanungan akong naisip matapos kong nalaman na patay na si Chrystal at si Arman: Anong gagawin nila ngayon? Bakit ganoon? Di man lang nila naramdaman ang saya ng pag-gradweyt sa elementarya, kapag sinasabitan ng medalya, o kahit ang sakit ng mabigo sa mga patimpalak, o kaya’y mabigo sa pag-ibig.
Ano kaya kung ako na lang yung nalunod at namatay? Mas magagamit kaya ni Arman o ni Chrystal ang iilang taon na meron ako? Makakahanap ba sila ng daan paahon sa madilim na kawalan?
Ano kaya?
L_che. Gusto kong sumuka. Ang sakit na talaga ng ulo ko.
Di naman siguro masama kung aayusin ko na ang pag-aaral ko.
Marami pa pala akong gustong gawin.
—
Zarah studies at Xavier University – Ateneo de Cagayan