Tauhan:
Ming – Isang 2nd year student ng Kolehiyo de San Ignacio. Siya ang babaeng bida ng kwento. Sikat na estudyante dahil sa ganda at talino. Si Berto ang matalik niyang kaibigan.
Berto – Isang 2nd year student ng Kolehiyo de San Ignacio. Siya ang lalakeng bida ng kwento. Isang simpleng musikero. Matalik na kaibigan niya si Ming. Ngunit…
Direk – Ang director ng dulang pinaghahandaan ng dramatics club.
Mga props people – Ang mga gumagawa ng props para sa dulang magaganap.
Eksena: Ang mga miyembro ng dramatics club ay naghahanda para sa isang dula na gaganapin sa ika-14 ng Pebrero. Sila, ang mga miyembro at ang director, ay nasa loob ng auditorium. Ang stage ay di pa gaanong napaganda. Merong mga estudyante na gumagawa ng props. Sa gitna ng stage, ay mayroong babaeng nakatayo at handang mag emote
Narrator: Ang pag-ibig ay mahahalintulad sa kamatayan;
Wala itong pinipiling oras ni kung sino ang matatamaan.
Tulad na lamang ng kwento ngayon.
Isang linggo, bago sasapit ang araw ng mga puso,
sa Kolehiyo de San Ignacio,
ang mga estudyanteng kabilang sa Socio-Teatro,
ang dramatics club ng paaralan,
ay naghahanda para sa “Dula ng Pag-ibig”,
ang taunang palabas na ginaganap tuwing ika-14 ng Pebrero.
Ming: Sina Adan at Eba,
Samson at Delaila,
Malakas at Maganda,
Haring Dabid at Batsheba,
At marami pang iba. (freeze)
Narrator: Siya si Ming, ang shining star ng dramatics club.
Nasa ikalawang taon pa lang siya sa kursong AB-English
ngunit head-over-heels na ang mga lalake sa kanya.
Maliban sa pagiging main attraction ng teatro, kasing talino niya ang mga taong tulad ni George Y. Zara at Paulo C. Campos;
kasing ganda niya ang diyosang si Aphrodite;
at kasing bait siya ni Santino.
Ming: Ang mga taong ‘to…
Direk: CUT !!
Ming: Bakit po Direk? (nagtataka)
May mali po ba ako?
Direk: Wala naman darling.
May ipapasok lang ako sa scene na ito.
(tatayo sa upuan si Direk)
Berto!
Halika rito!
Berto: Opo Direk?
Direk: Ikaw ang magsasabi ng linyang ito.
Makakasama mo riyan ang pinakamamahal ko na starlet.
Kaya PAG-BU-TI-HAN MO!!
Getch?!
Berto: O… (nanginginig ang boses)
Y…
Direk: Berto?!
Berto: Yes Direk!
[aakyat si Berto sa stage]
Ming: Oy Berto!
[kakaway si Berto, tapos freeze]
Narrator: Siya naman si Berto.
Kung titingna’y isang simpleng mag-aaral sa paaralan.
Hindi naman maihahalintulad kina Coco Martin o Gerald Anderson ang kanyang mukha
Pero, kahit na ‘di gaanong gwapo si Berto, may tinataglay siyang alas.
Siya ay isang magaling na musikero.
Para sa karamihan, siya ay maaaring nagmana kina Ryan Cayabyab at Wally Gonzales
dahil sa galing niyang magsulat ng kanta at tumugtog ng gitara.
Para sa mga magtatanong kung magkakilala ba sina Ming at Berto,
Oo, magkakilala sila mula pa nung unang taon sa kolehiyo.
Pala-kaibigan si Berto ngunit paminsan ay nauutal pa rin siya kapag si Ming ang kausap.
Berto: Hi Ming.
Ikaw pala ang lead role?
Ming: Hindi Bert… (sarcastic)
Hindi…
Ako yung gumagawa ng props…
Berto: Sabi ko nga eh…
Direk: O,
A day before Valentines day magaganap ang grand rehearsal natin.
Kaya husayan niyo ang pag-ensayo!
At ang props ha dapat maganda at kumpleto na!
Lahat: Opo Direk!
Narrator: Lumipas ang oras.
Nag-ensayo ng mga linya sina Ming at Berto.
Ang araw ng grand rehearsal ay dumating.
[Si Direk ay abala sa huling paghahanda ng props team]
[Sina Ming at Berto ay nag-uusap habang nakaupo sa gilid ng stage]
Berto: Ming, naaalala mo pa ba nung nagkakilala tayo?
Ming: Syempre naman!
Sino ba naman ang makakalimot nun?
‘Wag mong sabihing nakalimutan mo na
Eh magkatabi lang tayo nun, ‘di ba?
Berto: Hoy, ‘di pa ako uliyanin no.
Tandang-tanda ko pa nga ang unang sinabi ko sa ‘yo.
“Hi” ‘di ba?
Ming: Naku naman… (pangutyang tono)
Matanda ka na nga…
Hindi ‘yon ang sinabi mo.
Berto: Ha?
Hindi ba?
Eh ano?
Ming: Eh di…
“Low”
Hahahaha!
Berto: Low?
Ha?
…
Ahh…..
Nakakatawa…
Talaga…
Ming: Ikaw naman,
Tampo agad?
Para ka naming bata eh…
Ngumiti ka na.
Please? (sabay ngiti)
Berto: Hay naku…
Pasalamat ka’t gusto ko lang na mapasaya ka.
Ming: I know. (ngiti)
Berto: Siya nga pala.
Meron akong mahalagang bagay na sasabihin sayo Ming.
Ming: Ano yun?
Berto: Yang…
Gus…
Direk: O,
Places na everyone!
Ming, Berto!
Tayo na!
Ming: Opo Direk! [tatayo si Ming]
Berto: Pero Ming.
Ming: Mamya mo na lang sabihin. (ngiti)
Direk: Ok.
Lights, camera, action!
[spotlight sa kaliwa ng stage – kay Ming]
Ming: Sina Adan at Eba,
Samson at Delaila,
Malakas at Maganda,
Haring Dabid at Batsheba,
At marami pang iba.
[spotlight sa kanan ng stage – kay Berto]
[Si Berto ay nakatingin lang sa naka-“freeze frame” na Ming]
Berto: A…
Ang mga…
Direk: CUT!
BERTO, ANO BA YAN?!
WAG KANG TUMUNGANGA DIYAN!
FROM THE TOP!
[Si Ming ay magbibigay ng isang “anong nangyari sa ‘yo?” na
ekspresyon ng mukha kay Berto]
Direk: LIGHTS, CAMERA, ACTION!
Ming: Sina Adan at Eba,
Samson at Delaila,
Malakas at Maganda,
Haring Dabid at Bathsheba.
[Si Berto ay nakatingin pa rin kay Ming habang nagsasalita ito]
Berto: Ang mga taong ‘to
Ay naging bihag
Sa patibong
Ng pagma…
Direk: CUT!
BERTO, ANG MGA MANUNOOD AY ‘DI LANG SI MING!
HULING BESES MO NA YUN!
SA SUSUNOD NA MAGKAMALI KA AY TANGGAL KA NA!
[Si Ming ay magmumukhang dismayado pero ‘di siya lilingon kay
Berto]
Direk: LIGHTS, CAMERA, ACTION!
Ming: Sina Adan at Eba,
Samson at Delaila,
Malakas at Maganda,
Haring Dabid at Bathsheba,
At marami pang iba.
Berto: Ang mga…
Taong ‘to…
Direk: Berto………. (galit na nagtitimpi)
Berto: Pagmamahal…
Direk: BERTO! (galit)
Berto: MING, MAHAL KITA!
MATAGAL KO NANG TINATAGO ‘TO
PERO OO, MAHAL KITA!
…
(freeze)
[Lahat ng tao ay tila nakakita ng multo, lalung-lalo na si Ming]
Narrator: Malalim at mabilis ang paghinga ni Berto.
‘Di niya alam kung tama ba ang nagawa niya o hindi.
Si Ming din ay hindi nakapagsalita, ni nakapagpakita ng emosyon.
Narrator: Bago ang araw ng mga puso,
Isang pagtatapat ang naganap.
Bilang kaibigan,
Tatanggihan kaya o tatanggapin?
Bago ang “Dula ng Pag-ibig,”
may biniktima ng pagmamahal.
Pano na ang bukas?
[Aalis si Berto sa stage habang lahat ay naka freeze]
(sasara ang kurtina)
(wakas)