Ang Manggagamot

Fiction by | April 15, 2012

Sa loob ng silid gamutan ni Manong Jose, na kung saan naliliwanagan lang ito ng iilang kandila at maliliit na ilaw.

“Anong maitutulong ko sa’yo, iha?” tanong ni Jose sa dalaga niyang pasyente.

“Ano kasi, Manong, ilang linggo na ‘tong tiyan ko na sumasakit. Tapos nung pinatingnan ko po ito sa doktor, eh wala naman daw silang nakikitang masama sa’king tiyan—ayon sa kanilang pagsusuri. Pinainom lang nila ako ng gamot na pampaalis daw ng sakit, pero hanggang ngayon hindi pa rin natatanggal ang sakit. Naabala na tuloy ang trabaho ko. Ilang araw na akong hindi pumapasok dahil dito,” salaysay ng dalaga kay Jose.

Kaagad hinawakan ni Jose ang tiyan ng dalaga matapos niyang marinig ang sinasasbi nito.

“Saan ka pala pumunta nung araw nay un bago sumakit ang iyong tiyan, iha?” tanong ni Jose.

“Ano po, nung araw na bago sumakit ang tiyan ko ay pumunta kami sa isang barangay sa Samal. May bagong resort kasi na binuksan dun, eh,” sagot ng dalaga.

“May nakain ka ba o may nainom sa lugar na iyon?”

“Parang meron yata? Tama! Naalala ko, may isang lalake na nag-alok sa akin ng tubig nun. Nagrereklamo kasi ako sa mga kasama ko nung araw na yun. Kasi wala man lang sa amin ang nakadala ng tubig na maiinom. Eh, ang mahal pa naman ng mineral water doon. Tapos may isang lalakeng nag-magandang loob sa akin at inabutan ako ng isang basong tubig. Tinanggap ko naman dahil una uhaw na uhaw na talaga ako nung panahong iyon at hindi pa kami nakapasok sa resort. Pangalawa, sino ba naman ako para tanggihan ang isang tao na nagpapakita sa akin ng kabutihan?”

“Nagtiwala ka naman agad?” sambit ni Jose.

“Oo naman, Manong! Sino ba naman ang hindi magtitiwala sa lalakeng iyon na bukod sa kabutihan na kanyang ipinakita ay may hitsura pa? Kahit sinong babae naman ay talagang magtitiwala sa kanya.” Kinkilig, habang sinasalaysay ito ng dalaga.

“Kaya naman pala! Nahuli ng lalakeng iyon ang iyong kahinaan. Buti hindi ka ginamitan ng hipnotismo o di kaya’y pina-inom ka ng gayuma?” napabulalas si Jose sa dalaga.

“Grabe ka naman, Manong! May gumagamit pa pala niyan ngayon?” biro ng dalaga kay Jose.

“Hay naku, kayo talagang mga bata kayo. Alam niyo ba na may mga tao pa rin sa panahong ito na ang tanging hangad ay sirain lang ang kanyang kapwa! Pero dahil sa modernong panahon, hindi na ito masyadong pinapansin ng karamihan ngayon.”

“Manong, hindi naman yan kaila sa panahon ngayon. Kahit nga ang mga artista ay nagsisiraan, sa harap pa mismo ng maraming tao.” Mariing isinagot ng dalaga kay Jose. Pagkatapos ay bahagya itong tumalikod at tumawa ng papigil.

“Hindi yan ang ibig kong sabihin!” sigaw ni Jose sa dalaga. Nagsimula na siyang mairita dito dahil sa mga pabirong hirit ng dalaga.

Nabigla ang dalaga sa biglang pagsigaw ni Jose.

“Galit po kayo, Manong?” Tanong ng dalaga, habang inilapit niya ang kanyang mukha sa mukha ni Jose.

“Hindi naman! Pero kung hindi mo lang naman seseryosohin ang mga sinasabi ko sa’yo, mabuti pang umalis ka na ngayon dito. Dahil hindi ka rin naman gagaling kung ganayan ang asta mo,” sagot ni Jose sa dalaga habang magkasalubong ang kanyang kilay at boses niya ay tumataas. “At isa pa bakit ka naman pumunta dito sa’kin? Tingin ko hindi ka naman naniniwala sa ganitong uri ng gamutan.”

“Sa totoo lang po, Manong, ay pinilit lang ako ng aking kaibigan na magpatingin sa ganitong uri ng gamutan. Wala rin namang mawawala kung magpapatingin ako dito, sabi niya.” Marahan na isinagot ng dalaga kay Jose.

“Ngayon alam ko na! Mabuti pa siguro, iha ay umuwi ka na lang sa inyo. Hindi ka rin naman gagaling. Alam mo kasi, hindi ang kakayahan ng manggagamot ang siyang nagpapagaling sa kanyang pasiyente kundi ang paniniwala nila mismo ang isa siyang nakakapag-pagaling sa kanila,” sermon ni Jose sa dalaga, habang tinitingnan niya ito ng mabuti sa mata.

“Pasensya ka na, Manong. Hindi ko naman talaga intensyon na pikunin kayo. Pero desperado lang talaga ako sa aking kalagayan ngayon. Tingin ko kasi parang wala ng lunas ang sakit ko. Kundi lang naikwento ng aking kaibigan pagpagaling niyo sa kanya, hindi sana ako nagbakasakali ditto,” nakayukong tugon ng dalaga na waring kinakausap ang sahig.

“Bakit ano ba ang naging sakit ng kaibigan mo? At paano ko siya napagaling?” nagka-interes si Jose sa narinig niya sa dalaga.

“Ano, bata pa raw siya nun nung muntik na siyang kunin ng isang Inang Engkanto. Napatay niya raw kasi ang anak nito habang nagpapahinga ang mga ito sa isang puno ng Talisay. Ito naman daw grupo ng aking kaibigan naglalaro sila nun – ginagaya nila ang mga Power Rangers. Naghahampas-hampas sila sa puno ng Talisay. Ginawa nilang halimaw na kalaban ang puno. Pero hindi niya namalayan na isang bahagi ng puno nakanyang hinampas ay nandun pala yung batang engkanto nagpahinga. Patuloy lang siya sa kanyang paghampas gamit ang kanyang pat-pat na hindi niya namalayan na tinamaan na pala niya ang engkanto. Hanggang sa napatay niya ito. Akala ko nga gumagawa lang siya ng kwento sa amin. Pero nung minsang bumisita ako sa kanilang bahay ikinwento rin ito ng kanyang kapatid at ng kanyang Mama. Kaya naniwala na ako.”

“Anong pangalan ng ina ng kaibigan mo?” tanong ni Jose na may konting galak sa kanyang mata.

“Teresita po. Tapos ang pangalan po ng anak niya ay Randy na kaibigan ko.”

“Ah, anak ni Teresita pala ang kaibigan mo,” sambit ni Jose.

“Kilala niyo po sila, Manong?”

“Oo naman! Barkada ko yang Ina ni Randy noong kabataan namin.”

“Kaya pala inirekomenda ka nila sa akin,” sambit ng dalaga, na medyo nakapanatag sa loob ni Jose.

“Alam mo, iha. Hindi lang naman ang kakayahan ko ang nagpagaling kay Randy noon. Ang paniniwala at pagmamahal ng kanyang ina ang siyang nagpagaling sa kanya.” Pangiting salayasay ni Jose. Pinahiran niya ng langis ang tiyan ng dalaga at pagkatapos ay dinasalan niya ito. “Kaya ikaw, dapat magtiwala ka sa iyong paniniwala. Gagaling ka kung buo ang iyong tiwala.”

Habang nag-uusap sina Jose at ang dalaga niyang pasiyente ay pumasok ang isang matipuno at makisig na lalake sa loob ng gamutan. Lumapit ito kay Jose at tinalikuran niya ang pasiyente nito.

“Mano po, itay,” bati ng lalake kay Jose. Sa pagharap niya sa pinto kung saan nasa likod lang ito ng upuan ng pasiyente, nabigla ang dalaga sa kanyang nakita.

“Ikaw!” pabulong na sambit ng dalaga habang nilalapitan niya ito. Agad namang tumalikod ang lalake na humarap sa kanyang Ama.

“Kilala mo ba ang anak ko, iha?” tanong ni Jose sa dalaga.

“Manong, siya po yung lalake na sinabi ko nag-alok ng tubig sa’kin sa Samal.” Mangiyak na sambit ng dalaga kay Jose.

“Sigurado ka ba, iha?” panigurong tanong ni Jose.

“Opo, manong siya ho ‘yon.”

Pinaharap ni Jose ang kanyang anak sa dalaga at tinanong. “Ginamit mo na naman ba ‘yan sa iyong kalokohan ha, Jessie?” Sigaw ni Jose sa kanya. Nanlilisik ang mata sa galit. Tumayo ito at tumabi sa bandang kaliwa nito.

“Itay, hindi ko naman po sinasadya yun,” pautal na sagot nito sa kanyang tatay.

“Anong hindi sinasadya?” sinigawan ang tenga ng anak. “Hindi mo ba alam kung gaano kalaking abala ang ginawa mo sa kanya?” Ang dalaga naman ay napakalagkit ng titig sa binatang anak ni Jose.

“Bakit ho ba, ‘tay? Tumalab ba sa kanya ang gayuma?” tanong ng binata sa kanyang tatay na parang walang pagsisi sa kanyang ginawa.

“Anong gayuma ang sinasabi mo diyan? Lason ang napainom mo sa kanya! Gung-gung ka talagang bata ka!” Halos maubusan na ng hangin sa kakasigaw sa kanyang anak si Jose.

“Ano, lason?” Nabigla ang binata sa kanyang narinig. “Hindi naman yun ang gusto kong ipainom sa kanya, ‘tay!” katwiran ni Jessie.

“Kung hindi lason ang gusto mong ipainom, ano naman pala ‘yon dapat?”

Agad namang singot ni Jessie, “Gayuma po, ‘tay.”

“Hala! Bakit mo naman akong gusto gayumahin?” Tanong ng dalaga na may tonong kalandian.

“Kasi Miss, matagal na akong may gusto sa iyo kaya lang hindi mo ako pinapansin. Parati kitang inaabangan sa dinadaanan mo pauwi sa inyo. Tapos parati din kitang inaabangan sa sakayan ng jeep. Kaso wala talaga akong lakas ng loob para kausapin ka. Doon lang talaga sa resort ako nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ka. Pero hindi rin naman ako makaporma dahil sa iyong kasama.” Litanya ng binata sa kanya.

“Ikaw naman. Hindi mo naman ako kailangan na gayumahin, kasi sa titig mo lang nung araw na iyon ay nagayuma mo na ako. Oo nga pala, ako nga pala si Bianca. Ikaw, ano pangalan mo?”

“Ako nga pala si Jessie.”

“Manong Jose, ayos lang ba sa inyo kung lalabas kami ngayon ng anak mo?”

Tanging pagtango lang ang naitugon ni Jose kay Bianca. Hindi siya makapaniwala sa mga pangyayari na kanyang pinagdaanan sa araw na iyon. Hindi niya malaman kung magagalit siya sa kanyang anak o hindi dahil gumamit ito ng ipinagbabawal niyang pamamaraan sa paninira ng tao. Sa kanyang reaksyon, malamang hindi rin niya alam ang kasagutan.


Armando Fenequito, Jr, is a junior literature major at the University of Southeastern Philippines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.