(kina Archie at Joey)
Walang makasaysayang edipisyo ng syudad
ang nag-iwan ng matingkad na palatandaan
sa lupalop ng aking gunita.
Kundi tanging mabibilog na mukha
ng matalik kong mga kaibigang
may ilang taon na ring di ko nayakap
ng mahigpit sa kanilang mga kaarawan.
O di kaya’y naiabot man lamang ang kamay
sa mga sandaling diwa’y nag-aapuhap
ng katiyakan sa pangingibang-bayan.
Kaya nitong muling pagtatagpo
lubos kong kinagiliwan ang gabi-gabi
naming paglatag ng mga nakasalansang
karanasan sa lihim na kilusan at tanghalan.
Minsa’y napabuntong-hininga kami
sa mga kakilala’t kasamang pinaslang.
Minsan nama’y biglang napahagikhik
sa mga pag-ibig na di naipahiwatig
sa mga kapwa mandudula sa teatro.
Binagtas na ng aming mga talampakan
ang liku-liko’t mabatong disyerto.
Ngunit bumabalik at bumabalik kaming tatlo
sa pagtunton sa mga kalyehon ng nakaraang
kaytitingkad ng mga palatandaang iminuhon
ng aming mga di malimot-limot na kahapon.
—
Edgar Bacong studied AB Sociology at the Ateneo de Davao University, and now lives in Zurich, Switzerland.