Nakilala ko si Cobi noong anim na taong gulang pa lang ako. Kaklase ko siya sa kindergarten at siya ang pinakamalapit sa akin. Bata pa lang ako noon, pero may nararamdaman na akong pagtingin sa kanya. Iyon bang pag di siya nakatingin sa akin ay sa kanya ko pinapako ang mga mata ko. Tapos pag nahuli nya ako ay dinidilaan ko siya sabay sabing “pangeeettt!” Tapos tatawa lang siya. Ganoon kami dati at namimiss ko ang mga pagkakataong iyon kapag walang pasok. Kaya naman parang parusa sa akin noon ang bawat araw ng Sabado at Linggo.
Keychain na sapatos. Oo. Isang keychain na sapatos ang iniabot ko sa kanya sa araw ng paglisan niya. Ibabalot ko sana iyon ng papel pero baka di ko na siya maabutan sa paaralan. Matulin ang takbo ko para lang maihabol ko ang regalong ito na bigay pa sa akin ng nanay ko noong umiyak ako sa palengke para mabili lang ang nakabiting keychain na iyon. Ngumiti siya. Dahan-dahan. At isa pang sandali ay niyakap niya ako at bumulong na ang pangeeett daw ng bigay ko at halatang luma na at may kagat pa ng daga. Iyon lang at bumitaw na siya sa pagkakayakap sa akin.
* * *
Napanganga ako sa nakita kong hawak ni Irish, pinsan ni Jacob ng binuko siya nito sa ika-dalawampung kaarawan niya. Iyon daw ang paboritong laruan niya noong bata pa siya. Pamilyar sa akin iyon. Isang pughaw na gawa sa gomang sapatos. Tama! Si Cobi si Jacob! Siya iyong hinihintay ko labing tatlong taon na ang nakakaraan. Pero bumalik ang isipan ko sa piging na iyon. Tinitigan ko si Jacob. Si Jacob na sampung buwan nang nanliligaw sa akin at anim na beses ko nang binasted dahil sa pag-aakalang si Cobi ang nakalaan sa akin. Siya pala si Jacob.
“Friend, okay ka lang ba?” tapik ni Thea sa akin na parang naka tandang pananong ang mukha. “Oo naman, kumain na ako,” ang sagot ko.
Isang taon at kalahati na ang relasyon namin ni Jacob. Ngunit di ko pa rin naitatanong sa kanya ang tungkol sa sapatos. Minsan tuloy naitatanong ko sa sarili ko kung saan ba ako in love—kay Jacob o sa nakaraan kong may kinalaman sa sapatos? Ngayon ay nakaipon na ako ng lakas. Lakas na handing sabihin at itanong kay Jacob ang tungkol sa sapatos niya, at lakas upang tanggapin ang kahit ano mang sagot niya. Sa mga oras na iyon gusto kong tanging boses lang niya ang maririnig ko. Napabuntong hininga siya.
“Sa tindahan ng mga Intsik ko nabili ang sapatos.” Napangiwi ako. Hindi ko inasahan iyon. “Talaga? Hindi ka dumaan sa kindergarten?”
“Hindi. Hindi ako dumaan sa kindergarten dahil matalino ako,” patawang sabi niya.
Pero bago ko ginawa ang mga pagtatanong na iyon, sabi ko sa sarili ko na pag di siya si Cobi ay wala ng dahilan pa upang ipagpapatuloy ang relasyon nami. Ngunit ngayon, kahit nalaman ko na di siya si Cobi, parang walang nagbago. Parang mas mahal ko pa siya ngayon. Ngayon ko lang naisip na 21 na siya at 19 pa lang ako, di kami magka edad. At isa pa, sa divisoria ko lang nabili ang sapatos na iyon, kaya maaaring may kapareho pa yon.
—
Sheena Lou Alagao is a third year student of Saint Peter’s College of Toril, taking up Bachelor in Elementary Education.