dati-rati’y manu-mano
at taimtim kong isinusulat sa balota
ang mga pangalan ng aking kandidato
habang umuusal ng dalangin
na sana ang bayan ko ay makaahon
sa kumunoy ng karukhaan.
maraming beses na akong umasa
na sagrado ang aking boto,
na santo ang napiling kandidato.
maraming beses na akong tumaya
sa mga pulitiko, antigo at bagito,
nadaya o nandaya.
ngayon ay mas mahaba na ang balota,
napakaraming pagpipilian, may party list pa.
isusubo ko ang balota sa makina
(hindi na sa ballot box)
dahil ang eleksyon ay automated na.
sana ako ay tumabla na
kahit minsan lang
sa muli kong pagsusugal.
—-
Vangie Dimla-Algabre teaches high school students.