Kung Paano Maging Kaaya-aya Ang Pangingibangbayan

Nonfiction by | November 29, 2009

Magdadalawang dekada na ang inilagi ko sa labas ng bansa. Madalas kapag narinig ito ng mga di pa lubusang nakakakilala sa akin ay kaagad silang maghihinuha na mayaman na ako. Kumbaga, sinusukat nila ang naipon kong Swissfrancs sa tagal ng paninirahan ko sa Switzerland.

Sa simula, naaasiwa ako sa pahayag na ito. Subalit sa pagtakbo ng panahon ay sinasakyan ko na lamang ito’t inaamin na totoong mayaman ako. Iyon nga lang di sa pera kundi sa mga naipon kong karanasan bilang isang migrante. At ito ang nais kong ibahagi sa aking mga kababayan. Di lamang sa mga naglalayon na mangibangbayan kundi gayundin sa mga nananatili sa bansa sa kabila ng karalitaan. Bukod pa, ilang beses na rin akong tinanong at tiyak patuloy na tatanungin ng mga bagong saltang Pilipino sa Switzerland, tungkol sa kung paano maging magaa’t kaaya-aya ang pangingibangbayan. Kaya minabuti kong isatitik na rin ito.

Pag-aaral ng Lengguwahe ng mga Katutubo
Pinakamahalaga para sa akin, saang dako man ng daigdig tayo mapunta ay ang pagpupunyaging pag-aralan ang lengguwahe ng mga katutubo. Akala ko noon mabubuhay na ako sa baon kong Ingles — nagkamali ako.

Napipi ako’t nag-iisa sa mga pagtitipong aking dinaluhan. Kaya halos isang taon akong pumasok sa pribadong eskwelahan upang pag-aralan ang lengguwaheng Aleman. At napansin kong bukod sa gumaan ang pakiramdam kong kumilos sa bagong paligid ay naramdaman ko rin ang mainit napagtanggap ng mga Suwiso sa isang Auslaender na tulad ko.

Paghahanapbuhay
Nangibangbayan ako dahil sa pag-ibig. Noong una, lahat ng gastos ko magmula sa pag-aaral ng lengguwahe hanggang sa personal na pangangailangan ay tinustusan ng aking katuwang. Maging ang lingguhan kong panggastos ay maluwag niyang inako. Sa halip na makontento ay naasiwa ako sa di-pantay na kalagayan. Di ako sanay na ako ang sinusuportahan lalo na kung tungkol sa pinansiya. Kaya upang mapatunayan na kaya kong buhayin ang aking sarili ay nagpursige akong magtrabaho.

Susi sa paghahanap ng desenteng ikabubuhay ay ang edukasyong natapos at ang kakayahan sa lengguwahe. Sa Switzerland na kung saan may tatlong pangunahing lengguwahe (Aleman, Pranses at Italyano), mas nakalalamang kung nakakapagsalita kundi man lahat ay kahit man lang ang lengguwahe ng rehiyong tinitirhan.

Pagbuo ng mga Kaibigan
Napakatindi ng pagkagiliw ko sa tahanan (homesickness) sa mga unang taon ko sa Switzerland. Maliban sa aking katuwang ay wala na akong iba pang nakausap tungkol sa mga agam-agam ko sa pangingibangbayan. Sa karanasang ito mas lalo kong naunawaan ang kahalagahan ng pagbuo at pag-alaga ng sarili kong mga kaibigan, na makakasama di lamang kung tag-araw kundi gayundin sa pagsapit ng taglamig. Kung kaya’t naging aktibo ako sa pagpapatakbo ng mga programa ng Tuluyang Pinoy (TP), ang sentrong tumutulong sa mga migranteng Pilipino sa aspektong pangkultura, pangsosyal at pang-ispiritwal. Ang mga kasama kong Pilipino sa TP ang itinuturing kong mga kaibigan at bagong pamilya.

Pag-aliw sa Sarili
Isa sa mga bagay na malimit ko noong ipinagkait sa sarili ay ang pag-aliw mismo sa aking sarili. Lalo pa’t kung ito’y makakabawas lamang sa halagang pinapadala ko buwan-buwan sa aking pamilya. Nang maglaon ay napagtanto kong isang malaking kahunghangan ang ugali kong ito. Sa hirap na naranasan ko sa pangingibangbayan, karapat-dapat lamang na pahalagahan ko ang aking sarili at ganyakin sa mga aktibidad na makapagpapanatag sa puso’t isip.

Minsan kinagigiliwan ko ang paglalakad sa gubat. Minsan naman ang pamamasyal sa syudad kasama ang isang matalik na kaibigan. O di kaya’y ang paglalangoy sa Lawa ng Zurich kapag tag-araw. Kahit na ang panonood at pakikinig sa mga street performers sa mga kalye ng Zurich ay nakapagdudulot ng aliw sa sarili na di nangangailangan ng kahit na limang Rappen.

Pagiging Tapat sa Sarili, sa mga Kaibigan at sa Pamilya
Bawat kawagian at kabiguan na nakamit ko sa pangingibangbayan ay ibinahagi ko nang kusa sa matatalik kong kaibiga’t pamilyang iniwan sa Dabaw, na walang labis at walang kulang. Ayoko silang gambalain sa mga hatid kong balita, bagkus ay handugan lamang ng mga malilinaw na imaheng magiging bukal ng pag-unawa tungkol sa tunay kong katayuan. Dahil sa ayaw ko ma’t sa gusto bahagi sila ng aking patuloy na paglalakbay.

Pagkilala sa Kultura’t Tradisyon ng Bayang Tinutuluyan
Likas sa tao na sumalungat sa mga bagay-bagay na di niya kilala o di pa gaanong nakikilala. Noon, pinagluluksa ko ang pagsapit ng kapaskuhan sa Switzerland. Dahil sa sobrang tahimik nito’t pagkamasarili ng bawat pamilyang nagdiriwang sa kani-kanilang tahanan.

Sa aking pananaw, ang Pasko dito sa isang pribadong selebrasyon at taliwas sa kinagisnan ko na kung saan ito ay pagdiriwang na nilalahukan di lamang ng pamilya kundi ng buong komunidad. Ngunit nang naunawaan ko ang kahalagahan ng kolektibong pagbubulay-bulay sa buhay ng bawat miyembro ng pamilya, na di ko kailanman naranasan, ay nasipat ko ngayon ang kagandahan ng ganitong uri ng kapaskuhan. Kaya sa halip na na magluksa ay ipinagbubunyi kong muli ang Piyesta ng Pag-ibig.

Kung susuriin, ang mga puntong pinagtuunan ko ng pansin bagama’t hiwa-hiwalay ang pagkakalahad ay di maitatuwang magkakaugnay ang mga ito. Inisa-isa ko lamang silang pinalawig sa pamamagitan ng mga konkretong karanasan upang maging kawili-wili itong basahin at ganap na maintindihan.

Nakatitiyak akong marami pang gabay na kailangang isaalang-alang at karapat-dapat na saklawin ang paksang ito. Lalo na ang tungkol sa pagsasamang bi-nasyonal, Pilipino-Suwiso sa kaso ko. Ngunit napagpasyahan kong ibukod ito at tatalakayin sa mas malawakang pag-unawa sa darating na panahon.

Panimula lang naman ito sa pagtatangka kong likumin ang sariling karanasan, na para sa akin ay kayamanang di matutumbasan ng limpak-limpak na salaping naipon mula sa pangingibangbayan.

—-
Edgar Bacong finished AB Sociology at the Ateneo de Davao University and now lives in Zurich, Switzerland.

3 thoughts on “Kung Paano Maging Kaaya-aya Ang Pangingibangbayan”

  1. Edgar kumusta? I was surfing the net when I saw your name. Naalala ko na tila pamilyar ang pangalan mo. Hindi ako nagkamali. Ikaw ang Edgar na nakilala ko sa Zuerich sa Alpha Sprachschule.
    Sana naalala mo pa ako.All the best….sayo dyan!

  2. Kung di ako nagkakamali ikaw si Francis na violinist. Salamat naman at naalala mo pa ako. Mahigit isang dekada na rin ang nakaraan magmula nang pinag-aralan natin ang lengguwaheng Aleman sa Alpha Sprachschule. Saan ka na nakabase ngayon? Pinagpapatuloy mo pa ba ang paglalaro ng violin? Maraming salamat sa iyong mensahe. Ingat lagi.

  3. Ega, salamat naman at nabasa ko ito.Parang nabuhayan akong magpatuloy sa pag-aaral ng French!!!Hanap muna ako ng panahon na sa ngayon parang punong-puno na ng iskedyul:-)!!Ingat!!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.