Kahirapan ay di hadlang sa ating buhay dahil lahat ng panahon ay nasa ilalim tayo. May pagkakataon namang nasa ibabaw.
Sa Cebu, naaalala ko pa nang ako’y nasa haiskul. Nang dahil sa mahirap lang kami, hindi ako nakapag-aral ng tuloy-tuloy. Kusa akong huminto dahil naawa ako sa aking mga magulang. Pito kaming magkakapatid at isang manggagawa lamang ang aking ama. Naghanap ako ng trabaho. Nag-aplay at napasok sa isang Printing Press bilang cutter ng
mga cellophane. Ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa gabi. Maghapong tumayo ako sa limang taon sa pagtatrabaho para lang matustusan ang aking pag-aaral. Sa awa ng Diyos, nakatapos ako ng haiskul sa University of the Visayas noong 1979.
Ibig kong ipatuloy ang aking pag-aaral sa kolehiyo ngunit parang madilim at mailap pa rin sa akin ang pagkakataon. Ngunit para sa akin hindi natutulog ang Diyos.
Isang malamig na umaga, tag-ulan noon, may telegramang aming natanggap. Galing sa aking tiyahin sa Digos, Davao del Sur. Binuksan namin at binasa. Ito ang nilalaman; (Bisaya version) “Padala ko kwarta plete Beka para trabaho siya diri.” Puno ng saya ang aking mukha. Sa pagkakataong ito, hindi tumutol ang aking mga magulang. Ipinahanda nila ang aking mga gamit para kinabukasan na ang pag-aboard.
Sa Digos, nagtrabaho ako sa pabrika ng pansit ng aking tiyahin. Inisip kong ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Humingi ako ng pabor sa aking tiyahin na mag-aral ako sa gabi. Pumayag naman siya basta magtrabaho ako sa araw. Papasok ako sa alas 5:00 ng hapon
hanggang alas 9:30 ng gabi at mag-aral ng aking leksyon hanggang hatinggabi.
Bumili ako ng sandal upang may magamit sa aking pagpasok. Kulay abo ito at may strap. Simple lang ngunit matibay. Inalagaan kong mabuti ang aking sandal. Nilinis ko itong mabuti at inilagay palagi sa karton.
Dalawang taon na ang lumipas, kupasin na ang kulay ng aking sandal. Matagal ko nang inisip na palitan ito ngunit walang akong pera na pambili ng bago. Tatlong beses ko nang pinatahi ang strap nito. Umulan man uminit, suot-suot ko pa rin ang matibay kong sandal. Singtibay ng paghahangad kong makatapos sa pag-aaral.
Bago ang araw ng aking pagtatapos, humingi ako ng sapatos na bago sa tiyahin ko upang may maisuot sa darating na gradwesyon. Ngunit hindi niya ako binilhin. Masakit mang isipin, ang lahat ng ito ay binura ko sapagkat para sa akin ang mahalaga ay makatapos ako ng pag-aaral.
Sa araw ng aking pagtatapos, suot ko pa rin ang sandal. Pagkatapos ng araw na iyon, gamit ko pa rin ang sandal hanggang sa isang taon.
Napalitan ko ito ng bago ngunit inilagay ko pa rin ito sa maayos na lalagyan. Hindi ko ito itinapon hanggang sa naagnas.
Hanggang ngayon, dala-dala ko pa sa aking balintataw ang kaisa-isa kong sandal. At ito ang nagtulak sa akin na magsikhay upang maabot ko ang tugatog ng aking tagumpay.
—-
Rebecca D. Franco teaches Filipino at the Hagonoy National High School in Guihing, Hagonoy, Davao del Sur.