Ang Pangarap Kong Langit

Fiction by | April 19, 2009

Malakas ang simoy ng hangin kasama ng amoy ng usok galing sa mga kotse sa ilalim ng overpass. Sobrang ingay dahil sa dami ng kotseng bumubusina at sa mas maraming taong nakapaligid. May narinig akong sumisigaw. Nararamdaman ko silang lahat na nakatingin sa akin. Parang ngayon lang sila nakakita ng lalaking naglalakad sa kable sa itaas ng magulong kalye.

“Kalma lang kayo diyan… di naman titigil ang mundo ninyo kung mamamatay ako.”

Labimpitong taon na akong nabubuhay, tila iisang tao lang ang may pakialam sa akin. Hindi si Itay na binubugbog kami dahil lagi siyang lasing. Hindi si Inay na laging pinatatawad si Itay kahit laging lasing. Wala namang nag-aalala sa akin kundi si Kuya.

Tatlong taon lang ang pumapagitan sa aming dalawa, pero iyon na ang nagbigay sa kanya ng awtoridad na mamahala ng bahay. Siya ang depensa laban kay Itay. Siya ang tumutulong kay Inay at siya ang nag-alaga sa akin.

“Hoy, mahuhulog ka riyan!” sigaw ni Kuya sa akin nung bata pa kami habang naglalakad ako sa manipis na gilid ng tulay. “Gusto mo bang mahulog?” tanong niya sa akin, sabay hawak ng braso ko para pilitin akong bumaba.

“Gusto kong sumali sa perya!” sigaw ko habang tumatalon sa kanyang tabi. Ngumiti siya habang masaya kong kinuwento ang aking pangarap. “Gusto kong maging isa sa mga taong naglalakad sa napakataas na kable,” sabi ko habang tinuturo ang langit.

“Di puwede! Sabi ko kay Inay, ako ang bahala sa iyo. Kung may mangyari sa iyo, ako ang papagalitan,” paliwanag niya.

“Eh di sumama ka. Maglayas tayo, kasama si Inay. Oo, puwede kang maging madyikero, yung bumubunot ng baraha sa kung saan-saan. At si nanay, puwedeng magbenta ng barbikyu.” Natawa lang siya sa mga pangarap ko ng buhay na wala si Itay.

Lumipas ang ilang taon. Yumao si Inay noong labintatlong taong gulang pa lamang ako at labing-anim naman si Kuya. Wala na kaming dahilan para manatili sa bahay kasama si Itay. Naglayas kami. Mga apat na taon na kaming nabubuhay nang kaming dalawa lang. Nagtatrabaho si Kuya bilang isang istak-boy sa tindahan sa downtown habang ako ay magiging iskolar, planong pumasok sa kolehiyo ngayong Hunyo. Gusto ko sanang maging inhinyero. Masaya na sana kami.

Pero natagpuan kami ni Itay. Nakita niya si Kuya, habang naglalakad pauwi.

“Hoy, alam kong may pera ka!” Nang ayaw siyang bigyan ni Kuya, nilabas ni Itay ang kanyang patalim. Magbibigay na sana si Kuya, pero dahil sa sobrang kalasingan ni Itay ay nasaksak niya ang kanyang panganay.

Kaninang umaga ko lang nalaman kung ano ang nangyari. May natagpuan na bangkay malapit sa amin at namukhaan siya ng aming mga kapitbahay.. Hindi ako naniwala hanggang nakita ko mismo.

Kaya ako narito. Bumabalik sa aking sariling mundo na nakabalanse sa mataas na kable sa perya ng pangarap ko. Malayo sa lahat, at lalo na kay Itay.

Malakas ang simoy ng hangin pero di ko na napapansin ang usok. Wala nang ingay. Wala nang sumisigaw. Wala nang bumubusina. Tahimik na ang lahat.

“Hoy! Mahuhulog ka dyan. Gusto mo bang madisgrasya?” sigaw ni Kuya nung bata pa kami.

“Gusto kong sumali sa perya,” ang sagot ko noon.

Pero ngayon ang pinapangarap ko na lamang ay makasama silang muli ni Inay.

—-
Angeli Mari Altizo is a BA Communication Arts student of UP Mindanao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.