Mga Bala sa Sulu

Poetry by | November 2, 2008

Nagsalita ang mga bala
Nangaral
Natutong tumula
Namulat sa apoy
At alingawngaw na katahimikan
Sa kweba
Ng magazine kung saan
Marami silang nagsisiksikan
Kung saan ang teritoryo ay
Ginuguhit ang hangganan
Ng mga daliri’t
Gatilyo

Ang segundo’y
Segu-segundong
Pangamba
Kung saan
Kaninong katawan
Sila tatama
Saang balat sila susuot
Kung saan
Iguguhit naman
Nila ang hangganan ng hininga
Kung saan isang tulak lamang ng hapdi at kirot
Ang paliparan ng mga kaluluwa

Nangangamba na sila ngayon
Pagkat nasa bingit na sila
Ng hangganan
Kung saan naghahalikan
Ang mga daliri’t gatilyo
Sa kagubatan
Sa puso
Ng Sulu.

21 hunyo 2008
Davao

—-
(Si Yul AV Olaya ay tagaambag para sa kapayapaan at nagtatrabaho para sa edukasyon ng kabataan.)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.