Dalawang kaluluwang naglalayag sa batong karagatan
Dahan-dahang sinusuyod ang bagyo sa ilalim ng kahel na ilaw
De makinang mga nilalang, isa-isang iniilagan
Binabatong mga titig, paunti-unting iniiwasan
Pawis na tumatagaktak, kamay na handang pumunas
Mga butil ng maalat na likidong nahawi ng maitim na hangin
Mahapdi sa mata, malamig sa balat
Hinto!
Berdeng bwa’y nagpakita at nagmamadaling tumakbo ang mga de makinang tao
Naghahabulan na parang mga batang yagit
Nag-aagawan sa kakaunting espasyo ng dagat na bato
Lakad!
Pulang buwa’y lumabas at hinay-hinay na nagpaanod ang mga kaluluwa
Nilalasap ang bawat yapak, ninanamnam ang panandaliang kapayapaan
Tumitingin sa kalangiting butas—maitim at walang laman.
Katulad ng mga sikmura ng dalawang dakilang kaluluwa—nangangasim dahil wala pang nakain.
Dalawa
Poetry by Alfredo Agreda | June 1, 2008