Kahirap namang kadiskurso ang mga kasama. Sinabi nang hindi pesante at hindi ptb ang uring kinabibilangan ko. Aba, nagsitawa lang sila. Ang lolo ko lang ang uring magsasaka, gentle peasant stock iyon, mind you, pero ang nanay ko, pagkatapos iwanan ang lasenggerong tatay ko at umuwi sa nilakihang baryo na pinagsanglaan ng bahay, lote, at sakahan ng lolo at lola ko, magsasakang manggagawa po, talaga. Ako at ang mga kapatid at pinsan ko, lumpen na magsasaka. Nagnanakaw kami ng tubo, bayabas, singkamas, nangka, pakwan, tinaliang manok, at ligaw na pato; nag-iihaw ng dalag, hito, palaka, aso, at nakikipagbakbakan sa mga anak ng sanggano sa baryo. (Nung nagsilakihan, meron naging sundalo, pulis, CHDF; merong naging titser, madre, weytres, prosti, maid sa HK; merong naging holdaper, inte, at traysikel drayber. Pero di ko na iyon ipinaalam sa mga kasama.) Kahit anong paliwanag ko, ayaw maniwala ng mga kasama. Sa urban poor communities raw matatagpuan ang mga lumpen, hindi sa farming villages. Maiiling sila na matatawa. Iba na raw talaga ang nakapag-aral ng Literatura, nakakaimbento ng sariling mga kategorya.
Sabagay, anila, mas mainam na iyong burgis na nagpapakamasa, kesa sa masa na nagpapakaburgis. “Pero walang lumpen na magsasaka. Petiburgis ka, aminin mo man o hindi, dahil nakapag-aral ka ng kolehiyo.”
“Tingnan mo’t namumulaklak ng pulang libro iyang payat mong braso. Pustahan pa tayo, galugarin mo man ang buong baryo ninyo, wala kang makikitang nagbabasa ng Marxismo dun.”
“Hindi ako nagbabasa, no, kundi naglilinis ng mga bookshelves at pasilyo. Kundi nyo kasi ako ginagawang katulong rito.”
“Hamo at mamaya maglalampaso kami. Basta iyon. Ang nanay mo ay pesante. Dispossessed class, migranteng magsasaka. Galing Visayas ang lolo mo, di ba?”
“Pero ikaw, ‘Day, ay uring ptb. Lower ptb.”
Ganun ang takbo ng aming argumento sa panahong ang mga burgis ay nagpapakaproletaryo.
Pero masama ang loob ko. Ba’t ipagkait sa akin ang katangitanging class credentials ko: Nagtatanim ako ng palay (hah), nagsasabog ng binhi, nagdadamo ng maisan at palayan (hah at hah uli). Nagkabutasbutas mga daliri ko kadudukot-sabog ng pataba. Hanggang Greyd Six ako. Dahil pagkagradweyt ko ng elementarya, napagpasyahan ng Nanay at ng mga kapitbahay na brayt raw ako. Kaya may bukas raw ako. Pinagpumilitan na sa bayan ako ienrol, sa Notre Dame. Sa public high school kasi sa aming baryo, puro anak-magsasaka ang makakaklase ko. Mga nanay nila, mga kaklase rin ng nanay at Auntie sa palayan at maisan. Iyong mga Sabado’t Linggo na napapasama ako magdamo, magpapang-abot kami ng mga kaklase ko sa Greyd Three (di na sila umabot ng Greyd Four) at pagtatawanan nila ako dahil lagi akong naiiwanan. May paligsahan syempre sa taniman at gapasan, at kahit pa sa pagdudoboltaym ng Nanay at Auntie na nakawan, damuhan ang mga linya ko ay maiiwan at maiiwan pa rin ako. Nung dumugo ang ilong ko, tuluyan na akong pinaretiro. Nakakahiya raw sa me-ari ng sakahan.
Nagkasya ako sa pag-aabang sa kanya, sa panghihingi ng pamasahe para sa kinabukasan. Malalaman kong dumarating na siya dahil mag-aamoy DDT na ang hanging namamasyal sa loob-bahay.
Ang amoy ng DDT, kahit yata ako nagba-backpack at naghi-hitchhike sa Amerika o nagtitimpla ng kape pampainit-loob ng taga-Politburo, makikilala at makikilala ko. Greyd Two ako nang maglason ang Uncle ko. Nilagok ang kalahating bote ng DDT. Nag-iiyak na nagmumura ang Auntie habang buhat-buhat namin paakyat ng traysikel ang nangingisay, bumubula-sa-baba na katawan ng Uncle.
“Ang sabi ko sa kanya, huwag isangla, huwag isangla ang lupa!”
Hanggang sa hukay nagmumura pa rin siya. Di ko tuloy malaman kung ano ang iniiyakan niya, ang pagkawala ng Uncle o ng kahuli-hulihang piraso ng kanilang lupa. Pag ako’y naglalakad papunta sa eskuwela, nasasalubong ko sa daan, mga kasama sa sakahan. Punit-punit ang kanilang mga dyaket, luray-luray ang pantalon. “Ay, mabuti Ine, at sa Notre Dame ka nag-aaral.” Gusto ko silang pagyayakapin, sa gitna ng matalim na amoy ng lasong nakadikit sa kanilang mga damit at katawan, bumabalot sa hangin. Alam kong nabubutas na ang kanilang mga talampakan, namamaga ang mga buto, lumalaki ang utang sa tindahan, may mga nawawalang kalabaw, kahahanap ng damo sa dakong Kamusliman.
Pero ayon sa Lola ko, sasamaing-palad raw ako dahil mata-pobre raw ako.
Ibinubugaw ako sa anak ng kaibigan niya na may limang ektarya raw na lupain. E, ikako, ano naman ang gagawin ko sa lupain ng kanyang tatay, dadamuhin? Hurt ang Lola ko. Nakapaghayskul lang daw ako sa Notre Dame, kalulublob ng Nanay ko sa putikan, nagmayabang na raw ako. Para raw akong hindi magsasaka kapag magsalita. Alam ko raw ba kung ilang kaban ng palay ang nakuha nila nung nakaraang anihan? Balak raw bumili ang tatay niya ng bagong traktora. Sabi naman ng Nanay ko, pakiharapan ko raw iyong tao kahit saglit lang. “At nang makauwi na.” Sabi ng kapatid kong mas patpatin kesa sa akin, sagutin ko na raw at wala nang iba pang magkakagusto sa akin dahil ang mukha ko, malayo pa, nagbabadya na ng masamang panahon.
Sabi ko sa kanya, mas lalong walang magkagusto sa kanya. Muntik na kaming nagbuntalan. Buti na lang pinauwi na ng lola ang kanyang manliligaw. Pagkaalis niya, nangingiting papasok ng pintuan ang Auntie, may bitbit na isang tabo ng tuba. At binisita raw pala kami ng me-ari ng limang ektaryang palayan at kaisaisang traktora ng bayan? Bakit raw mukhang langaw na napisa ang hitsura nung bata?
“Tingin ko, di pa nakakalapit ng bahay iyon, dati nang mukhang pisa na langaw ang mukha nun,” sasabihin ng nanay.
At hanggang gabi kaming parang mga aswang na maghahagikhikan.