Panacan, Madaling-araw

Poetry by | March 7, 2022

Sintahimik ng kapilya ang katayan
At walang katao-tao sa talipapa,
Ni sa mga bahay-iskwater sa di kalayuan.
Ngunit waring may nagbubukas na ng ilaw
Sa loob ng maliit na panaderya.
Sa kalsada, nakatimbuwang
Ang mga kaing ng kangkong,
Kumakaway ang yayat na mga talbos
Sa dyipning hindi dumarating,
Habang natutulog ang kargador
Sa nakatalaksang mga tabla ng lagarian.

Maya-maya, naalimpungatan ang kargador,
Nagmamadaling kinapa ang bulsa,
Astang magbabayad sa di-nakikitang tsuper –
At nagkalansingan ang mga sentimo
Sa aspaltong matinis pang naghihilik.

Samantala, bukas na ang panaderya,
At ang hininga ng umaalsang tinapay
Ay anghel na dumadalaw
Sa pinto ng mga barong-barong.

***
Si Ronald Araña Atilano ay isinilang sa Metro Manila at lumaki sa Dasmariñas, Cavite. Nanirahan siya sa Davao City noong mga taong 1997-2001. Naging kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) at dumalo sa UP National Writers’ Workshop sa Baguio noong 2004 at sa Ateneo Writers’ Workshop sa Quezon City noong 2006. Kasalukuyan siyang naninirahan sa Newcastle, Australia.

Claveria

Poetry by | March 7, 2022

Abenida ng batchoy, beerhouse at balbakwa,
Ng alpombra, pasaporteng retrato, at platong Intsik.
Malaon nang pinangalanang C. M. Recto
(Bilang pagkilala sa ating dakilang senador)
Ngunit apelyido pa rin nitong Kastilang gobernador-heneral
Ang nasa signboard ng mga sasakyang
Pumapasada tungong San Pedro at Bankerohan,
Siyang araw-araw na isinisigaw
Ng pumaparang pasahero
At ng baritonong barker sa estasyon.

Claveria. Nakikita ko si Don Claro
Doon sa Olimpo ng mga namayapang bayani,
Nabibilaukan kapag naririnig na inuusal
Ang di-niya-pangalan, habang kumakamada
Ng banggit ang mga rakstar na sina Pepe’t Ka Andres.
Natitigilan sa gitna ng debate sa mga ulap
Kapag doon sa Kamaynilaan,
May mga nostalhikong sinasambit pa rin
Ang nilumang Calle Azcarraga.
Mag-isang umiinom sa ubasan sa dulo ng kabilang-buhay
Habang sa kabilang mesa,
Nalalasing sa mga kuwento ng lumipas
Sina Claveria, Corcuera, Polavieja.