Sa Mata ng Manlalakbay

Poetry by | June 28, 2021

Kinukumutan ng mga ulap ang kabundukan
Gumagalaw na sa parang ang magsasaka
Matatayog ang mga punong sumasaludo sa pagsikat ng araw
Dahan-dahang minumulat ng kalikasan ang pusong dayuhan sa ganda ng lupang tinubuan

Sa isang poso, masayang naliligo ang mga mama
Tanging saplot ay mga korto,
mga ulo’y nababalot sa bula

Sa mga kabundukan, matagal ng nakatago
ang mga gintong aral
Pilit inuungkat ng diwa ang maririkit na alaala

Hayaan na munang ang damdamin ay maglakbay
Hayaan na munang sukatin ng mga mata ang haba ng bughaw na langit
Hayaan na munang sukatin ng musika ang layo ng iyong destinasyon

Minsan lang dalawin ng tula ang iyong diwa
Huwag ibulong sa hangin ang mga salita
Iukit sa pahina ang mga dasal
Habang ikaw ay patungo
sa may dakong walang kasiguraduhan.


Rhealyn Callao Pojas is a writer based in Davao City.