Ako si Trapo Ko. Gwapito III.
Kumakanditado bilang gobernador ng Probinsya Gwapito del Sur, anak ng dating Congressman. Dating Mayor rin ng aming munisipyo, matapos mapalitan ng aking nakakatandang kapatid. Tumigil lang ako saglit sa politika dahil nagkastroke ako, pero sa awa ng Diyos pinagaling niya ako. Alam niyang kailangan ko pang maglingkod sa masa, at ngayon nagkalakas ng loob akong kumandidato dahil sa tiwala na binigay sa akin ng mga tao.
Noong nakaraang taon, nagpaparamdam na ako (wag kang maiingay ha?) sa gilid ng mga kalye. Naglalagay ng mga tarpaulin na bumabati ng “Happy Graduation” sa mga nagtatapos, “Maligayang Pasko” naman noong Disyembre. Katabi nga ng mga tarpaulin ko ang mukha din ng asawa ni Senador Villar. Napapakinggan din ako sa lahat ng estasyon ng radyo sa probinsya. Sabi nila premature campaign ang ginagawa ko pero wala namang masama sa bumabati at sa nagpaparamdam. Bakit, may nakakaalam ba? Wala naman akong nilalabag na batas ng COMELEC. Masaya na ako na kahit sa ganyang mga paraan lamang ay mapasaya ko ang mga tao sa pamamagitan ng pagbati sa kanila.