Alinsunod sa Pagbitaw

Poetry by | December 15, 2019

Natagpuan ko na lang ang sarili
na tinatanggal ang alikabok na nanikit
sa librong ilang taon
din hindi nabubuksan.

Ilang paglaglag pa ng mga dahon
bago tuluyang magpalit ang panahon.
Naroon tayo, nakatitig sa paglubog ng araw,
sinusuko ang mga sarili sa dahilan.
Para tayong mga batang naghahagilap
ng mga salita.

Kung ang pagbitaw ay paglaya
sa sarili na tila nakulong ka
ng mahabang panahon sa akin,
napamalas ng aking malambot
na rehas ang hindi pagkakakulong sa iyo
bagkus pagkanlong.

Sa pagitan ng paghawak at pagbitaw,
nanatili akong hati sa gitna, pilit inaalala
kung sino sa ating dalawa ang huling umayaw
hanggang sa ang pagtitig na lang ang natira.


Raymond Ybañez is a resident of Tagoloan, Misamis Oriental. He was a fellow of the 10th Palihang Rogelio Sicat and 7th Angono National Summer Writers Workshop.

Bitag

Poetry by | July 30, 2017

Nadaanan ko ang dati nating
Tinatambayang kainan.
Napatigil ako.
Hinanap ko ng tingin kung saan
Tayo madalas pumuwesto;
Sa gilid ng pintuang
Dinadaluyan ng ating pinagsaluhan,
Nariyan pa rin.

Sa lugar na ito kita unang Nakitang ngumiti.
Mga ngiting para sa akin lang
At inangkin ko ito na para bang
Ang lahat ng mga bagay sa mundo
Ay umiikot lamang
Sa maliit nating binuong espasyo.
Palagian nating kasama sa pagdiriwang
Ang dalawang mainit na tasa ng kape
Isang platito ng pancake at
At mga daliri nating magkakapit.

Nasa harap kita
Kaharap mo rin ako.
Marami tayong natuklasan
Habang nakaupo
At ninamnam ang katihimikan
Ng bawat isa.
Para bang ang pag-iral ng oras ay kay bilis

Pero tiyak alam nating pareho
Na sa pagitan nitong
Mabilis na takbo
Ay siya namang kaybagal
Nating pagtanggap
Na maghihiwalay rin tayo
Matapos ang lahat-lahat.
Umaasang babalik muli
Dito sa ating dineklarang puwesto:
Ang ikaw at ako.
Ubos na ang pancake
Malamig na ang tasa ng kape
At ako nandito pa rin
Nakakulong sa espaysong
Binuo natin

Na ngayo’y pilit kong
Malimutan sa tuwing ako’y mapapadaan.


Raymond Ybanez was a fellow for fiction at the 1st CDO Writing Clinic and the 10th Palihang Rogelio Sicat. He is also a candidate member of the Kataga – Online, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas. He’s currently a member of NAGMAC ( Nagkahiusang Magsusulat sa Cagayan de Oro).