Timyas ng Dapithapon

Interview, Nonfiction by | October 19, 2020

May kakaibang hatak ang dapithapon sa aking kalooban. Para itong pagbabadya ng katapusan ng isang buong araw ng pakikibaka at pakikisalamuha. Panahon na para ipahinga ang pagal na isipan at katawan at harapin ang panibagong bukang-liwayway na may buo at bagong sigla.

Ang pagsabog ng samu’t saring kulay sa alapaap – pula, dilaw, lila, abo, luntian, asul, kahel, atbp. ay tila paghahabi ng Dakilang Lumikha ng kanyang obra maestra sa buong kapaligiran. Habang minamasid ang pag-iiba ng kulay ay magkahalong pagkamangha at pagpapatiwasay ng kalooban ang nadarama habang unti-unting binabalot ang araw ng gabi. Mamaya lamang at magsisilabasan na ang mga kumukutikutitap na mga tala at ang maliwanag na buwan.

Ang marahang hampas ng hanging-amihan habang nakatuon sa dapithapon ay dampi sa puso. Dahan-dahang lumalamig ang panahon. Oras na para magmuni-muni. Mag-iisip ng kung anu-anong bagay – ang mga nagawa, ang mga gagawin, mga tagumpay at kabiguan sa buhay, mga mahal sa buhay, at isang libu’t isang isipan ang namumutawi habang minamasdan ang paglubog ng araw. Kakaiba ito sa pagsalubong sa bukang-liwayway na tila nagsisilakbo sa init at may nakaatang na mabigat na gawain sa mga susunod na oras.

Ang hampas ng alon sa dalampasigan habang nakatingala sa langit ay tila oyayi na musika sa pandinig. Magkahalong lumbay, kapanatagan sa kalooban at pagpapasalamat sa Diyos sa kagandahan ng kalikasang nakaharap sa iyong paningin. Ang alon ay parang isang mapanghalina na gayumang humahatak sa iyo na samahan siya sa pag-indayog at paglutang sa karagatan bago tuluyang balutan ng kadiliman ang buong kapaligiran.

Habang tinitingnan ang dapithapon, patuloy akong namamangha sa kalawakan ng sansinukob at katiwasayan sa kalooban na dulot nito. Higit sa lahat, sa kadakilaan at kakayahan ng Diyos na makalikha ng kagandahan na tanging sa Kanyang makapangyarihang mga Kamay lamang maisasakatuparan.

 


Melchor is School Director of Davao Chong Hua High School.  He finished his Master of Education from UP Diliman and is working towards his PhD in Education (Major in Educational Administration) at the same university.  He has visited the whole Philippines from Batanes to Tawi-Tawi, and only recently moved to Davao.