Elém

Poetry by | June 13, 2022

Sugat sa kalingkingan
Iniinda sa tanang panahon.
Sa titig ng Araw
Ang hapdi’y tumatangis
At sa pagluha ng Langit
Dumadaluyong sa mga ugat
Ang dugong kayumanggi.

Sugat sa kalingkingan
Paglaon ay sumisidhi.
Pinalalim pa ang hiwa
Ng mga salitang patalim
Nangangako ng lunas
Pinupurol lamang ng hangin
Hanggang sa tuluyang mamanhid.

Sugat sa kalingkingan
Tagos buong katawan.
Pinutol ang lumang ulo
Kapalit ng bagong pag-iisip.
Ang kapasyahan ay paghilom
Daliri sa kamay ang gamitin.
Inutos ng pusong naninimdim.

Sugat sa kalingkingan
Bakas na lamang ng kahapon.
Paggaling ay nasa pag-ingat
Ng puting telang pinangtabon.
Sinlalim noong sugat
Ang buntong hininga ngayon
At ang pag-asang sa kinabukasan
Sasabay na sa pag-ahon.

 


Juno Marteen S. Vegas hails from the Municipality of Lebak, Sultan Kudarat. He serves his hometown as youngest member of the Sangguniang Bayan and head of the Lebak Historical Commission. He took up BS Accountancy in Ateneo De Davao University and graduated Cum Laude in 2015. Currently, Juno is a father of two and a CPA by profession.