Ang Mahiwagang Lagusan

Fiction by | July 15, 2018

Ang Sitio Tinago ay dating tirahan ng mga katutubong Mawe. Dito nagpapakita ang isang mahiwagang lagusan papunta sa kuweba ng paraiso na iilan lang ang nakakapunta. Nagbubukas ito tuwing nagiging kulay dugo ang araw. Subalit sa paglipas ng panahon ay kaunti na lang ang natirang Mawe at naging kuwentong bayan na lamang ang paraiso.



Madalas na ngayong binabagyo ang lugar dahil pinutol na ang mga puno at tanging nag-uumpukang mga bahay na lamang ang matatanaw mula sa mga burol. Sa dulo ng Sitio Tinago nakatira si Ligkaya at Apo Maye. Sila na lamang ang natitirang mga Mawe sa lugar at ang lupang kinalalagyan nila ang natatanging kakahuyan na naiwan sa buong sitio. Takot ang mga tao na pumunta roon dahil isa itong libingan ng mga yumaong katutubo at sino mang lumapastangan ay makakatikim sa galit ng mga pumanaw.



Malapit si Ligkaya sa kalikasan dahil alam niya na kung wala ang kalikasan, wala rin ang tao. Si Apo Maye ang nagturo sa kanyang magtanim at makiramdam sa kinikilos ng kalikasan. Naging palaruan na ni Ligkaya ang gubat at araw-araw siyang pumupunta ditong mag-isa. 


Isang araw, habang naglalakad siya papasok sa kakahuyan ay napansin niyang tila nagkulay dugo ang langit at nag-iingay ang mga ibon. Biglang nagdilim ang paligid at napatingala siya sa kalangitan. Nakita niya ang isang napakalaking ibon na lumilipad sa himpapawid. Namangha si Ligkaya at sinundan niya nang sinundan ito. Nagpapakitang gilas ang ibon at ipinagaspas nito ang napakalapad na pakpak na may matingkad na kulay at ito ay nagpalutang-lutang sa hangin.

Continue reading Ang Mahiwagang Lagusan