Pulang Ani

Fiction by | November 2, 2020

Papadilat pa lang ang araw ngunit siya’y gising na gising na. Agad na papasok sa banyo, maliligo para linisin ang duming nakabalot sa katauhang hindi madaling tanggalin kahit pa ng kapangyarihan ng konsensya. Lalabas ng banyo na mabango, mistulang dala-dala pa rin ang dangal ng pagiging isang masunuring magsasaka sa kanyang diyos. Marahil ay mapagpala nga siya. Sa lahat ng mga magsasaka, siya lang ang may piging sa lamesa. Sa lahat ng mga magsasaka, siya lang ang may asukal ang kape. Sa lahat ng mga magsasaka, siya lang ang may pulang ani.

Iniwanan niya ang magarang bahay para magsaka sa kanilang bayan; hindi sa sakahan kundi sa lansangan. Papunta na siya sa kanyang opisina kung saan madadatnan niya ang iba pang katulad niyang mga magsasaka at kanilang mga pananim. Naroon din ang sandamakmak na biktima ng nangangalawang na’ng sistema ng hustisya gaya ng pagkakalawang sa nagkakatandaan na’ng mga rehas. Doon ay maghihintay siyang sumapit ang dilim; para magtanim, para mag-ani.

Natulog ang araw at napalitan ng hindi gaanong maliwanag na nakangising buwan. Dahan-dahang pumalibot ang mga ulap dito, kaya tila rosas sa alapaap ang imaheng maiguguhit sa langit, kasabay ang pagtatago ng mga bituin sa likod ng mga ulap. Dito lumabas ang mga magsasaka, dala-dala ang mga semilyang itatanim sa mismong pinagsasakahan.

Nagsisipag-alulong ang mga aso habang sila’y umaali-aligid sa mga eskinitang masasangsang ang amoy. Dikit-dikit ang mga bahay, kaya ang lahat ay pinagpapawisan sa kanilang nag-aasulang mga uniporme, na puno ng kung ano-anong mga tsapang pangsalsalan lamang ng pagkakapitagan ang gamit. Tahimik na rin ang paligid dahil tulog na ang bayan, at sila na lang ang gising. Madilim din ang buong lugar dahil sa mga power interruption.

Maya-maya pa’y may kumaluskos na kung ano sa bandang kanto ng eskinita. Marahang sila’y dumako roon habang dinig ang mga sariling kabog ng dibdib. Takbuhan sa balat ang pawis mula ulo hanggang leeg. Pagdating sa dulo, tanaw nila ang isang lalaking papaalis, dala ang kanyang pagkaing Jollibee na tila galing pa sa supot na nakatambak sa basurahan. Pagkakita ng lalaki sa kanila, nanlaki ang mga mata nito at agad na kumaripas ng takbo.

Isang putok. Dalawang putok. At balik sa tahimik ang lahat. Kinuha ng magsasaka ang dala-dalang semilya at itinanim sa katawang kasing tahimik at lamig ng eskinitang kinalagyan. Aani siya ngayo’t nagbunga na ng dugo ang kanyang ipinunla.

Bakas pa sa uniporme ang kanyang pulang ani. Uuwi sa tahanan, lalabhan ang uniporme, at matutulog nang mahimbing. Kinabukasan, magigising na para bang walang nangyari. Maliligo para linisin ang duming nakabalot sa katauhang hindi madaling tanggalin kahit pa ng kapangyarihan ng konsensya. Lalabas ng banyo na mabango, mistulang dala-dala pa rin ang dangal ng pagiging isang masunuring magsasaka. At ito’y magpapatuloy pang matagal, sa utos ng panginoon nilang diyos.

 

 

 

***

John Llyod is a third-year student from the University of Southeastern Philippines. He is currently taking up Bachelor of Arts in Literature and Cultural Studies.

Gunting

Fiction by | October 7, 2019

Pinagmamalaki ko ang itay ko! Bakit? Kasi marami siyang kwentong barbero. Malamang, barbero siya e. Sa dinami-rami pa naman ng kanyang ginugupitan araw-araw, marami na siyang istoryang nakalap. Bawat kostumer, may tsismis. Ngunit ang nakapagpapasaya na usap-usapan sa kanya nang lubusan? Ang tungkol sa kanyang galing sa paggupit.

Nakakahamangha si itay sa bawat seryosong tingin niya sa tamang anggulo ng gupit ng kanyang ginugupitan. Nakakaaliw tingnan ang kanyang malilikot na kamay at daliri sa kakagupit at kakasuklay ng mga hibla ng buhok. Nakakatuwa ang bawat ngiti niya kapag nakukuha niya nang sakto ang gusto niyang kahihinatnan sa kanyang obra. Oo, ito ay kanyang obra. Obrang gawa sa kamay. Obrang gawa sa pawis. Obrang gawa sa bahing. Obrang gawa sa kati. Obrang gawa ni itay.

Subalit iyon lahat ay naging isang kwentong barbero na lamang.

Hindi na marunong gumupit si itay. Dalawampu’t-limang taon na ako ngayon. Sampung taon na rin nung huli ko siyang nakitang humawak ng gunting na panggupit. Ang kanyang mga gamit pambarbero ay nakatago na lahat sa kanyang silid. Hindi na siya nagtatrabaho… ngayon. Hindi na siya barbero… ngayon. Nawala na ang kanyang angking galing sa paggugupit. Nakalimutan na niya lahat.

Nakalimutan na niya.

Araw ng Linggo, wala akong trabaho sa ospital. Kaya sinama ko si itay mamasyal. Pumunta kami sa isang peryahan. Doon ay nagliwaliw kami nang sobra. Sinakyan namin halos lahat ng rides doon nang magkasabay. Naglaro pa si itay ng baril-barilan kung saan kung may matamaan kang target ay iyon ang iyong premyo. Napatawa pa nga ako dahil ang natamaan niya ay isang wig. Magkasabay din kaming kumain ng hapunan doon pa rin sa peryahan. Maraming natutuwa sa amin kasi magkamukha kami ni itay, siguro ay dahil sa parehas kami ng damit, nga lang may suot akong bonnet. Lapitin din kami ng mga babae nang mga panahon na iyon. Napapatawa nalang kami ni itay.

Kalat na ang dilim nang pagpasyahan naming umuwi na, pero umangal ako. May pupuntahan pa kami. Saan? Sa barber shop ni itay.

Continue reading Gunting