Sa Pilipinas May Batas, Batas Ng Mga Payaso

Poetry by | June 22, 2020

Sa gitna ng pandemya, gobyerno’y may batas
Bawal lumabas! O, bawal lumabas!
Baka’y ikaw mahawa o makahawa ng sakit na korona
Kung ika’y mahirap at nasa labas pa
Tiyak iilang oras lamang ang hantong mo ay sa pulisya,
At ayon, may mug shot ka na
Ang nakalagay, lumabag sa batas
“Wag pamarisan!” aba’y idinagdag pa
Kasong laybel at pagmumura sa mga awtoridad ang isasampa
Kung di kaawaan, tadyak, bugbog. at hindi korona ang ‘yong makukuha
Hay! Kawawang maralita, naghihikahos na nga,
Pinasanan pa ng kaso na hindi n’ya naman gawa

Oo nga’t batas ang bawal lumabas, o bawal lumabas,
Pero kapag apilyedo mo ay Pimentel
Ay nako ‘wag kang mag-alala kahit may dala ka pang korona
Ayos lang na nasa labas, kahit magliwaliw at gusto mong gumala,
Aba’y hindi iyan problema
Hindi ka huhulihin ng pulisya at hindi ilalagay sa selda,
Bagkus KoKosentihin at malayang-malaya ka
Okay lang lumabas, may “compassion” naman ang batas
Lalo’t kung isa ka naman sa lumikha ng mismong batas.

Oo, sa Pilipinas may batas, bawal magkalat ng maling impormasyon
O, bawal magkalat ng maling impormasyon,
Kung ikaw ay ordinaryong Pilipino,
Nagsulat ka sa Facebook nang birong premyong singkwenta milyon,
Pabuyang matatanggap ang makakapatay sa tuta’t buwayang
Patuloy pa rin sa pagkatay ng mga inosenteng buhay ng maralita,
Naku-nako! Sinasabi ko sayo, iilang oras lang at may subpoena ka na
Lumabag ka di umano sa batas laban sa pambabanta,
Nagkakalat ka din raw nang mga maling balita,
Kahit walang warrant of arrest,
‘Wag ka ng pumalag ‘pagkat sa mga mata ng mga taga-implementa ng batas,
Ika’y nararapat sa loob ng rehas
Pero kung pangalan mo ay kasintunog ng sorbetes na may flavor na Mocha,
Wag kang mag-alala kahit araw-araw ka pa magkalat ng mga maling balita,
Hindi ka makukulong sa loob ng selda,
Pagkat ang nagawa mo ay “honest mistakes” lang,
Ipapatawag ka lang sa opisina at papaliwanagin,
Makalipas ang ilang saglit, aba’y abswelto ka na,
Iba talaga kung kasing lasa mo ang Mocha.

O ha bawal ang pagbabanta, O bawal ang pagbabanta
Pero kapag ika’y pangulo ng bansa ay ayos lang pala ang magbanta,
“Hala sige baralin mo yan! Kumonista yan, buang!”
Huwag daw sa panahon niya,
O, makinig at sumunod ka nalang,
Wag mo ng kwestiyunin,
Baka bukas makalawa’y nakakahon ka na
Susunod sa mga mahal mong namayapa,
O, seseryosohin mo ba ang banta? Naku-nako, ‘wag na,
Pagkat ito’y pawang biro lamang
Tingnan mo ang mga mambabatas-militar panay ang palakpak at halakhak
Napakakomedyante talaga nitong Pangulo,
Sa mga birong hindi ko rin lubos maunawaan.

O, bawal ang pagtitipon-tipon ha,
O, bawal ang pagtitipon-tipon
Kaarawan mo? Naku! Kayu-kayo muna
At wag ng mag-imbita pa,
Baka mahawa at magkahawaan pa kayo ng korona
Liban na lang kung ang apilyedo mo ay kasintunog ng Sinas,
Wag kang mag-alala, ayos lang mag-imbenta
Kahit may rosas pang dala ang mga bisita sa iyong mañanita,
Wag kalimutan, ikaw rin ang taga-hawak ng susi ng mga selda.
Sige lang magpakasaya ka, magaling ka naman sa trabaho mo,
Bilib na bilib ang pangulo, mahirap ka nga raw’ng palitan
Para kang ginataang mongo na paborito n’yang ulam.
Kaya ang bilis mong makapagsabi sa amin ng move on,
Kahit ikaw naman ang may ginawang pamimintas at kasalanan.

O, makinig! Hindi batas ang mass testing,
O, hindi batas ang mass testing.
Pagkat mga opisyales, hindi alam anong ibig ipahiwatig ng gayong salita,
Sakit sa kanilang mga tenga, ika nga,
Sa kanilang mga KoKote, hindi natin kaya magsuri,
Isang daang milyong populasyon ay ‘di nila mawari,
Sabi nila’y, hindi nga nakaya ni SoKor, ni Pinas pa kaya?
Kawawang mga Pilipino, kailangan pang turuan ang mga polpolitiko nito.

O, sinasabi ko sayo, bawal lumabag sa batas,
O, bawal lumabag sa batas
Pero, pag kaibigan at kaalyado mo ang nasa gobyerno,
Ay pwede na pala ika’y lumabag sa batas
Walang subpoena at wala ka rin sa selda
Nasa labas, malaya, at nagpapakasaya ka sa pera,
O, kay gandang isipin hawak mo ang pulitika
Kahit taong-baya’y kumakalampag na,
Hayaan mo na yang mga aktibista lalo’t may kapangyarihan ka.

O, diumano ang batas ay batas,
Walang sinuman ang nakakaangat at nakakatakas sa batas,
Liban na lang kung ikaw ay payaso at pangulo,
Batas ay nasa bunganga at mga kamay mo.
Ang batas ay batas ngunit ito rin ay nababali,
Parang pangako niya sa atin noon at tayo’y nadali,

Kawawang Pilipinas. O, kawawang Pilipinas!

*Ang mga salitang bawal lumabas ay hango mula sa mga pahayag ni Kim Chiu, isang aktres


Jeo Olar (Ariana Maureen) is a graduate of BA Communication Arts major in Speech and Corporate Communication in the University of the Philippines Mindanao. She was the former Research Conference Coordinator of the UP Mindanao College of Humanities and Social Sciences 1st Mindanao Studies Interdisciplinary Research Conference. Currently, she is a writer of the Nonoy Librado Foundation, Inc. She writes news, organizational statements, and research. She is a trans woman activist. Sa Pilipinas May Batas, Batas Ng Mga Payaso was first published in Hentulon Nawa: Reflections in the Time of COVID-19.