Biyak: Isang Liham na Hindi ko Binigay

Nonfiction by | June 18, 2017

Namataan ko na naman ang banaag ng dalitang nagkukubli sa iyong mga mapupugay na mata. Makapal man ang maskarang araw-araw mong suot, hindi nito nalilinlang ang aking paningi’t nababatid ko ang iyong hilahil. Masigla man ang kilos na iyong pinapamalas, napupuna kong nasasaid nang marahan ang iyong kasiyaha’t kaluluwa.

Ni minsa’y di ako tumigil sa kakaasang mapagtanto mong nahihinuha ko ang iyong nadarama. Pagkatapos ay unti-unti mong huhubarin ang dispras mong yari sa pagpapanggap. Isisiwalat mo ang iyong totoong damdami’t ipapahiwatig gamit ang mga salitang dapat noon mo pa binigkas. Tinikis na yakap ang ihahandog ko sa maaari mong paghumyaw. Kusa kong ilalahad ang aking mga tenga nang sa gayo’y marinig ko lahat ng iyong pagtutungyaw at daing sa buhay. Handa akong maging tambakan ng iyong emosyon. Maaari mo akong gawing sandalan.

Hindi ako magsasawang pakinggan ang iyong mga hikbing dulot ng pighati. Sakali mang di ko maikola kung ano man ang nabakli, hayaan mong damputin ko ang pitak-pitak ng iyong pagkataong nakakalat. Gamit ang mga ito’y lilikha ako ng isang obra maestra; isang mosaik na magkahiwalay man ang mga piraso pero kung iyong pagmamasda’y tila buo.


Erika San Diego is a student in UP Mindanao.