Sa Pet Shop

Poetry by | March 9, 2009

Anak,
Hindi tayo laging may pagkakataong ganito
Kaya kailangang pagbutihin natin
Ang pagpiling ito.

Di tayo dapat kukuha ng matakaw
Sapagkat baka sa kanyang kahayukan
Pagkain natin mismo’y kanyang lantakan.

Sa kawag ng buntot, di dapat padala
Pagkat baka sa husay nyang makisama
Magnanakaw, sa ‘ting bahay makitira.

Hindi rin tamang pilii’y puro porma
Pagkat baka pati mismong suot nati’y
Kuning pampakintab ng balahibo nya.

Di rin uubra ang napakatalino
Pagkat dahil sa di magkaintindihan
Pamumuhay nati’y lalong magkagulo.

Anak,
Mahirap talaga ang gawaing ito
Kaya kailangang pagsanibin natin
Karanasan ko’t silakbo mo.

Continue reading Sa Pet Shop