Totoo ba na ang mga tala
Sa ating kapalaran ito ang nagtatakda?
Ito rin ba ang tadhanang nagsasaad
Ng buhay sa ating mga palad?
Nais kong malaman kung ito ang nagdidikta
Sa ating mga ngiti at tawa,
Kung ito ang nagsisindi
Sa isang pag-ibig na mali.
Kung tayo ay nagdurusa at nahihirapan,
Kung tayo ay bigo at luhaan,
Ito rin ba ang dahilan
Kung bakit tayo nasasaktan?
Minsan ako’y nagtataka
Bakit hindi pantay-pantay?
Bakit kokonti silang masasaya
Habang marami ang nalulumbay?
Nais kong malaman dahil ito’y mahalaga.
Banggitin ko man isa-isa
Ang lahat ng damdaming nadarama,
Hindi ko mawari pagkat magkahalo sila.
Ito ba’y nagkataon o sadyang ginawa?
Ito ba’y dinikta o talagang nakatakda?
Ito ba’y tadhana na gawa nila,
O ng aking sarili, o ng mga tala?