Cafe

Poetry by | August 28, 2016

Alas-tres ng hapon.
Makulimlim ang langit.
Nagsilbing musika ang
Bawat ihip ng hangin
Sa mga nagsasayawang
Dahon at alikabok
Sa entabladong kalsada.
Unti-unti silang
Pinapalakpakan
Ng mga patak ng ulan,
Sabay yakap sa mga
Nanlalamig na semento.
Earphones.
Bumubulong ang lamig ng aircon
Habang sumisigaw ang init ng kape.
Ang naninilim na dingding
Ay nginingitian
Ng kislap ng ilaw sa kisame
At dumudungaw ng halik sa
Mga bakanteng
Mesa at upuan.
Humuhuni ang mahinang tugtog
Na pumupuno sa bawat espasyo
At sinasabayan ang
Patay kong titig.
Unti-unting lumalakas ang stereo.
Nagsilabasan ang nagtatagong
Koro ng mananayaw –
Sanga, papel, mga sasakyan,
At mga puno.
Binubuo ang isang produksyon
Na wari’y nakikipag-kompetensiya
Sa nagdudumugang butil ng ulan
At namuo ng agos
Sa paanan ng mga
Nagsisitakbuhang nababasa at
Naghahanap ng masisilungan.
Paisa-isa ay nagpapa-pansin ang mga artista.
Dinadaanan at binubuhay
Ang pagkakatingala ng aking mga mata.
Nakabukas ang kanilang palad
At nag-iimbita na
Salihan ang magulong takilya.
Nagpaligsahan ang puso’t isipan.
Isa-isang naglaro ang tabing ng alaala
At nakikikanta sa tunog ang madla –
Tawanan, iyakan
Mga gabi na nagtatamisan,
At ang pait ng pagpapaalam.
Nagsabayan ang malakas na iyak ng kalangitan
At pagbuhos ng maraming larawan
Nang nagdidilubyo kong kalooban.
Ginusto kong paunlakan
Ang kanilang pagtatanghal
Pero mas pinili ng katawan kong
Lasapin sa kamay ng inumin
Ang nakahubad na katahimikan.
Mas malamig na ang kape.


Bonn Kleiford D. Seranilla is a Certified Industrial Engineer and an Associate ASEAN Engineer. He is currently a Fulltime Faculty Member of the College of Engineering, Xavier University, Cagayan de Oro City.