Pinasalamatan mo ang sarili nang sabihin kong itinanghal ang bago kong tula sa website ng mga bagong Pilipinong makata. Natawa ako sa hirit mong iyon. Sabi mo, kay husay mong inspirasyon. Hindi na ako nag tangka pang kumontra dahil inaasahan ko rin naman na hindi mo pa rin ako hahangaan. Igigiit mo pa rin na ikaw ang lumilikha ng mga imahe ng aking tula at hindi ako mismo.
Marahil tama ka. May kulang dalawang buwan pa lamang nang sinubukan kong gumawa ng mga tula. Ang isang buwan pa doon, hindi ako seryoso. Nitong huli ko na lang natutunang mahalin ang pagsusulat ng tula. Pero ikaw, matagal na. Matagal na kitang pinaghuhugutan ng inspirasyon. Mag-iisang taon na rin pala mula sa araw na iyon nang naramdaman kong may sariling buhay ang paghanga ko sa iyo; tuluy-tuloy na siyang lumikha ng kung anu-anong bagay, ng mga imahe hanggang sa makabuo ng mga tula. Hindi ko na nga ito napigilan hanggang napansin mong kawangis mo ang bawat nilikha ko. Tila mga pilas ng iyong pagkatao na pilit kong ginagawan ng isang disenyo sa puso ko. Hindi ko malaman ang mga reaksyon ng iyong mukha sa tuwing babasahin mo ang sarili mo sa aking mga katha. Siguro ay nasasabi mo, hindi ako ito o kaya hinuhusgahan kita ayon sa lente ko. Pwede ring tama, naisip ko. Baka tama rin ang mga hinala ko. Hindi ko lang talaga mahuli ang pagguhit ng ngiti sa iyong labi at ang ningas sa iyong mga mata na maaring magpakahulugan ng iyong galit o saya. Marahil ayaw mong makita ko ito. O di kaya ayaw mong makita ang mga isinusulat ko para sa iyo. Dahil hindi ka interesado at hindi mo nagugustuhan ang mga imaheng nabubuo ko. Gayunpaman, lahat ng ito ay haka-haka ko lamang at hindi ako sigurado kung tama.
Magaling ka kasi. Kung ikukumpara sa akin, may sampung taon ka nang nagsusulat. Hindi na rin ako magtataka kung kahanay na ng iyong pangalan si Maningning Miclat at Benilda Santos sa bata mong edad. Kahit hindi ka pa nakakapaglabas ng koleksyon ng tula mo, alam kong diyan sa utak mo, may nakasilid na pumpon ng tula na hango sa iba’t-ibang inspirasyon. Ang hindi ko lang matiyak ay kung kahit minsan ba sa mga nilikha mo ay tiningnan mo ang mukha ko at saka sinimulang sumulat. May sarili kang istilo at sabi mo nga, formalist ako at ikaw ang post-modernist. Kung ano man ang kaibahan nila, hindi ko pa rin masyadong alam. Dalawang buwan pa lang ako nagsusulat at imposibleng maintindihan ko ang mga ganitong teknikal na bagay lalo na kung magmumula sa isang beteranong manunulat na tulad mo. Pero sa totoo lang, kung maniniwala ka, sa loob ng maikling panahon na iyon, lalong lumalim ang mga imaheng nabubuo ko mula sa iyo. Ewan ko lang kung napapansin mo lalong lumalim ang pag-ibig ko.