Katulad ng aking paa ang mga ugat
Ngunit ayaw kong kumakapit sa lupa kapag nakatindig
Walang kaparis ang aking tamis
Subalit hindi mo ako matitikman katulad ng mansanas
Lumililim ka sa aking may hapis
Gayong ako’y naambunan rin ng sariling luha.
Akala mo siguro’y matingkad itong ating mundo
Samantalang dilim at liwanang lang ang mga kulay nito.
Heto at kinakabog na nga ng takot itong aking puso (paano na pagdating mo?)
Parang bungang tahimik lang na mag-papayugyog, mahuhulog.
Kahit walang lupang sumalo,
Sisibul itong binhi sukat mang nag-iisa ako.
Avelth Castro Belicena. Pagkatapos sumali sa palihan ng IYAS, naligaw siya sa Mindanaw at nag-iwan ng marka sa Surigao, Misamis, Lanao, Butuan, Tagum at Davao bilang isang milagrosang mandirigma. Ngayon ay nahanap niya ang daan pauwi bilang reyna kasama ng kanyang dalawang prinsesa sa puso ng QC.