Ang Ikawalong Salot

Fiction by | February 10, 2022

Hile-hilerang pwesto ng mga nagtitinda ng pritong apan ang nadadaanan ko tuwing umuuwi ako ng Tacurong City, Sultan Kudarat. Mula sa labasan ng General Santos City hanggang sa bukana ng Polomolok, South Cotabato, mababanaag sa gilid ng daan ang makukulay na payong ng mga tindera. Nakagawian ko nang bumili sa isa sa mga pwesto bago ako tumutuloy sa byahe. Hind ko matandaan ni isang beses na nawalan ng suplay ng pritong apan ang mga tindera kapag napapadaan ako sa lugar. Nagtataka tuloy ako kung may mga alagang balang kaya ang mga nagbebenta na pinaparami nila at inaani na lang kung malaki na para lutuin, gaya ng ginagawa sa tilapia at hito? Kung hindi man, nakakalungkot isipin kung ilang taniman ng mga magsasaka kaya ang naubos bago napunta sa mga balde ng mga tindera ang mga pritong apan?

Sa napanood kong palabas sa National Geographic Channel, ipinaliwanag ng Entomolodyist na si Dr. Amy McKeever na likas umano na mapag-isa ang mga balang. Subalit sa tuwing sasapit ang panahon ng tagtuyo, hindi sinasadyang nagsasama ang mga ito upang manginain sa lupain na may natitirang pananim. Ang biglaang pagsasama ng mga balang sa isang lugar ay nagbubunsod ng pagbabago sa ugali ng mga ito na makisalamuha at tumindi ang gana sa pagkain. Pagdating ng tag-ulan, nagiging hudyat ito ng mabilisang pagpaparami ng mga balang na sumasabay din sa pag-usbong ng mga luntiang pananim. Gamit ang mga pakpak at walang kapagurang katawan, naglalakbay ang mga ito ng milya-milyang layo patungo sa mga lupaing sagana sa makakainan.

Nakikinita ko tuloy ang ugaling ito ng mga apan sa karakter ng mga tao sa kasulukuyan lalo na sa social media. Madalas na ang simple at parehong karanasan ay nag-uugnay sa bawat indibidwal na magsama-sama. Maliban sa mukha at pangalan na nagsisilbing pagkakakilanlan, malaki ang papel na ginagampanan ng danas upang basagin ang likas na pagiging mapag-isa, at di kalauna’y manginain sa mga paksang papausbong na masagana sa emosyon at ideolohiya. Ang kapanahunan ng isyu ay nagiging hudyat ng pagpaparami, pagkalimot sa kung anong nakagisnan kapalit ng bulag na daloy at udyok na bugso ng nakararami. Saan man ang ihip, ang bawat isa sa atin ay nagiging bahagi sa daluyong ng isang malaking kawan.
Noong nabubuhay pa ang ama ni nanay na si Lolo Anoy, palagi niyang naibabahagi ang mga naging karanasan niya tungkol sa mga balang. Hindi man nakatapak ng kolehiyo, halatang gamay na ni lolo ang galaw at sistema ng mga balang na para bang bihasa siya sa pag-aaral ng mga ito. Marahil dala na rin iyon ng maraming taon ng pakikipagbuno niya sa mga mapaminsalang salot tuwing sasalakay ang mga ito sa kanilang lugar noon.

Madalang akong nakakapunta ng Tacurong simula noong nakapag-asawa ako at nagtrabaho sa pampublikong paaralan bilang isang guro. Sa GenSan na lubusang umikot ang mundo ko. Ilang taon na rin ang nagdaan mula noong huli akong nakadalaw sa bayang tinubuan ni nanay. Magdadalawang oras ang byahe mula General Santos papuntang Tacurong. Tuwing bakasyon lamang ako may pagkakataon na bumisita sa mga kamag-anak at kaibigan ko sa bukid ng Griño.

Ramdam ng buo kong katawan ang bugso ng hanging aking nakakasalubong na tila ba itinutulak akong pabalik kung saan ako nanggaling. Sumulyap ako sa supot na aking inipit sa bandang harapan ng aking motorsiklo, sa pag-aalalang baka nilipad ito ng malakas na ihip. Hindi kabilisan ang aking takbo kung kaya naamoy ko ang samyo ng nag-aagaw na ginisang bawang at sili na nakahalo sa pritong balang.

  1. Samu’t saring sakuna ang tumama sa bansa sa simula ng taon. Maliban sa baha, naging laganap din ang pagtama ng dengue sa iba’t ibang mga lalawigan na nagbunsod sa pangulo na magdeklara ng state of calamity. Nakapagtataka kung gaano nakakapaminsala kung nagsasama ang mga maliliit na bagay. Wala ngang malaking nakapupuwing. Ngayon naman, ang pananalanta na ginagawa ng mga libu-libong apan sa mga pananim ng mga magsasaka.

“Tong, itaboy mo na!”, isang malakas na hiyaw mula sa malayo.

Hawak ang mahabang sanga ng ipil-ipil na binali ko mula sa likod ng bahay nina lola, hinampas ko nang hinampas ang damuhan na tila ba isang lasing na nag-aamok. Kaalinsabay ng aking walang direksiyong hagupit ay ang pagsiliparan ng mga balang na nanginginain mula sa talahiban. Nakakabingi ang pagaspas ng mga mumunti ngunit libo-libong mga pakpak. Halos magdilim ang buong paligid. Hawak ang magkabilang dulo ng nakabukang kulambo, nakaabang na ang mga kaibigan kong sina Norman at Taruk sa pagpasok ng mga nais nilang hulihin. Sa isang kisapmata’y halos napuno ang ginamit na panlambat ng dalawa! Mabilis nilang inilapat sa lupa ang bunganga ng kulambo at binuhol ang dalawang dulo nito upang siguruhing wala nang makakatakas.

“May ara na dun ta sud-an”, wika ni Taruk habang ikinukubli ang ngiting sa mga pisngi niyang halatang madalas bilad sa init ng sikat ng araw. Sa tatlo kong matalik na kaibigan, madalas na siya ang hindi ko nakakasundo. Lagi niyang iniisip na parang laro at biro lang ang lahat. Ako naman itong pikon at halos siniseryoso ang lahat ng bagay.

“Manimaho na ka apan ang mga baba ta sini”, sagot ko sa kanya na nakakunot ang noo. Magdadalawang-araw na din na halos panay balang ang inuulam namin sa hapag. Isang araw pa, at baka iisipin na ng mga balang na isa ako sa kanila dahil sa amoy ng aking hininga.

“Ipagisa na naton kay Manang Gamay kay para mabahin ta para panyaga”, nasasabik na sabat ni Norman, na ang tinutukoy ay ang aming tiyahin. Pinsan ko si Norman at siya din ang kinikilalang lider ng aming grupo. Marahil sa kadahilanang siyang ang pinakamatanda sa aming magkakaibigan. Ang tatlo sa amin ay nasa ikaanim na baitang, samantalang siya naman ay nasa unang taon na sa hayskul.

“Diin gali si Natoy haw?”, dugtong pa niya habang ibinabaling ang paningin kaliwa’t kanan na para bang may hinahanap. Magdadalawang araw na rin mula noong huli naming makita si Natoy. Bagama’t siya ang pinakabata, si Natoy ang may pinakamaraming nalalaman sa aming apat pagdating sa mga pasikot-sikot sa bukid. Ito ay sa kadahilanang lumaki siyang katuwang na sa mga gawaing-bukid ang kanyang amang magsasaka.

“Basi nanggarab ka humay. Puli na ta ah kay lapit na panyaga”, yaya ni Taruk. Halatang nabibigatan ito sa pagbitbit ng halos kalahating sako ng balang na nahuli kanina. Inalalayan siya ni Norman sa pagbubuhat sa lalagyan.

Taong 1998 noon. Tuwing bakasyon sa Mayo, bumibisita ang pamilya namin sa Barangay Gansing sa Tacurong upang dalawin ang aming mga kamag-anak at upang doon na din antayin ang muling pagbubukas ng klase. Sa ganitong panahon ko din nakakasama ang aking mga kaibigan.

Apat kami na magkakaibigan. Si Norman ay anak ng nakatatandang kapatid ni nanay na si Manong Eddie. Si Taruk at Natoy naman ay mga anak ng aming karatig-bahay sa parehong pook. Pangingisda sa sapa, pagsakay sa kalabaw, paliligo sa irigasyon, at kung anu-ano pang p’wedeng gawin sa buong maghapon ang madalas na pampalipas namin ng oras. Nagkataon na sa buwan na iyon ay ‘di inasahang sumalakay ang mga kawan ng balang, kung kaya’t naidagdag ang panghuhuli nito sa aming mga pinagkaabalahan.

Papanhik na kami sa balkonahe ng bahay nina Lolo Anoy at Lola Meding nang makasalubong namin si Manang Gamay, ang kanilang bunsong anak. Mababasa sa kanyang mukha na batid niyang siya na naman ang pakikiusapan naming magluluto. Bagama’t mahilig at magaling magluto, halatang nauumay na si manang sa kakaprito ng mga dinadala naming balang sa kanya sa halos sunod-sunod na araw.

Parang may mahika ang sandok na ginagamit ni Manang Gamay sa pagluluto. Naaalala ko pa noon na kahit anong putahe ay kayang-kaya niyang pasarapin. Pabiro naman itong kinontra dati ni Taruk no’ng minsan namin itong mapag-usapan. Kaya nga madalas kaming hindi nagkakasundo. Naglalagay raw ng maraming betsin si Manang Gamay kaya sumasarap ang kanyang mga lutuin. Hindi ako naniwala sapagkat si Taruk mismo ang pinakamalakas kumain at madalas nakakaubos sa mga luto ni manang. Para sa akin, ganoon lang talaga siguro ang lasa kapag nagluluto ka na may halong pagmamahal.

Isa-isang nilinis ni Manang Gamay ang mga balang na kan’yang lulutuin. Tinanggal niya ang mga pakpak at inalis ang laman-loob. Hinugasan niya ang mga ito sa tubig ng dalawang beses. Sunod niyang inihanda ang mga gagamiting rekado. Hiniwa niya ang bawang, sibuyas, sili, dahon ng sibuyas at inilabas ang kung anu-ano pang mga pampalasang nakasilid sa mga maliliit na garapon na nakahilera sa kanyang lalagyang kahon sa batalan. Masugid naming pinagmasdan ang bawat galaw ni manang sa entabladong kanyang pinagtatanghalan. Nakikita ko si nanay sa kanya.

Dahan-dahang inilapag ni manang ang malaking kawali sa nag-aapoy na kalan. Winisikan niya ng tubig ang mantika sa loob ng kawali, at nang kumulo ito ay maingat niyang inihulog ang mga pampalasang sahog. Sunod niyang inihalo ang mga nalinisang balang kasabay ng pagtilamsik ng kumukulong mantika. Binalot ng nakagugutom na amoy ang buong kusina. Nang maging mamula-mula na ang pinipritong balang ay sinandok ni manang ang mga ito at nilagay sa isang malaking mangkok.Tandang-tanda ko pa ang mga mukha nina Norman at Taruk habang nakatitig sa inihain- Nakanganga. Naglalaway.

Matapos ang tanghalian, napagpasyahan naming tatlo na dalawin si Natoy. Sa niyugang bahagi malapit sa tirahan nina Natoy ay nadaanan namin ang malawak na damuhan kung saan madalas kaming naglalaro. Ang lupang noo’y nababalutan ng luntiang mga damo, ay gutay-gutay na mga halaman na lamang ang makikita. Sa aming bawat hakbang ay siya namang lipad ng mga libu-libong balang na lumilipat ng madadapuan. Naabutan namin si Natoy sa bakuran ng bahay nila, namumulot ng mga tuyong sanga. Bagama’t nasa murang edad, ay bakas sa pangangatawan nito ang pagkahubog sa labis na mga gawaing-bukid.

“Toy, kumusta ka dun?”, halos sabay naming tatlong bati kay Natoy. Mula sa pagkakaupo nito ay bigla itong tumayo at inginuso ang malawak na taniman ng palay sa harap ng mga kabahayan. Sinundan ito ng aming mga tingin. Ang dating taniman na namumutiktik sa gintong butil ay nagmistulang dinaanan ng sigwa. Halos wala nang maiwan sa ekta-ektaryang palayan maliban sa gulagulanit nitong anyo at ang milyon-milyong salot na walang tigil na nilalantakan ang kung ano pang kaunti na lang na natitira sa mga pananim. Napagtanto naming kaya pala hindi nagpapakita si Natoy nang mga nagdaang araw ay dahil naging abala ito sa pagtulong sa kanyang mga magulang at kasamahan nitong mga magsasaka na isalba ang kung ano pang pwedeng makuha. Sinamahan namin siyang mamulot ng mga panggatong. Tahimik lang ang lahat.

Parehong sentimyento ang hatid ng mga nakakatanda sa bahay no’ng hapunang iyon. Lubos na umaasa sa biyaya ng lupa ang lungsod ng Tacurong. Dito nakasalalay ang ikinabubuhay ng marami sa mga naninirahan sa lugar.

“Ginapeste na taton di kay waay gasirimba ang mga tawo”, sambit ni lola habang inaabot kay lolo ang lalagyan ng kanin. Malamang nasabi ito ni lola sapagkat wala ni kahit kapilya o maliit na simbahan man lamang ang nakatayo sa aming lugar. Nasa karatig-barangay pa ang pinakamalapit na simbahan kung sakaling gustong magsimba ng mga tagaroon.

“Ti indi lang man banwa ta ang ginpeste sang apan,”sagot ni Lolo na nakakunot ang noo. Halos lahat ng taniman sa Tacurong ay dinapuan ng peste. Bagama’t walang lupang sinasaka ay nag-aalaga ng kalabaw si lolo na pinapa-rentahan niya kapag panahon ng pag-aararo sa taniman. Maliban dito, nag-aalaga din ng bibe ang aming pamilya na pinapaitlog at ginagawang balut upang ibenta. Madalas na sa taniman na katatapos lang pinag-anihan pinapakain ang mga bibe. Kung walang pag-aning magaganap, walang makakain ang mga bibe. Walang ring itlog.

“I-ampo tan a lang ni ah. May ara mensahe nga gusto ipaabot ang Ginoo. Grasya man ini agud sa iban”, malumanay na sagot ni nanay. Labis akong humahanga kung paano tinitingnan ni nanay ang mga bagay at kung paano niya iyon iniuugnay sa kanyang paniniwala. Madalas niyang paliwanag na may rason ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat. Kung ano man, tanging Diyos lang din ang nakakaalam.

“Namit man gid ang apan, nay”, natutuwa kong dugtong habang iniisip ang tanghalian kanina. Sa likod ng isip ko, marahil paraan lang din iyon ni nanay upang pagaanin ang pakiramdam ng bawat isa.

Malakas ang paniniwala ko na malapit sa puso ng Diyos ang mga ina. Naaalala ko noon ang kwento ni nanay mula sa Bibliya na ginamit ng Diyos ang pagsalakay ng mga balang bilang ikawalong salot upang ibigay ng Paraon ng Ehipto ang kalayaang nararapat para sa mga Israelita. Nabanggit din niya na ang pagsalakay ng mga balang ay isa sa mga senyales ng mga Huling Araw at ng muling pagbabalik ni Panginoong Hesus. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang pagdating ng mga balang ay iniuugnay ng karamihan sa pagkapoot ng Diyos o kaya’y tinitingnang isang signos na malapit na ang katapusan ng mundo.

Ang nakapagtataka, nabanggit ni nanay na hindi lubusang masama ang presensiya ng mga balang ayon mismo sa Bibliya. Sa katunayan, nagsisilbi itong pagkain ng mga taga-sunod ni Hesu-Kristo noong unang panahon kapag wala silang makain sa disyerto, gaya nalang ni Juan Bautista. Maging ang Diyos mismo ay nag-utos sa bahagi ng Leviticus na ang lahat na uri ng mga balang ay ibinigay Niya at pinahihintulutang kainin ng sangkatauhan. Sa aking mga nakakikita mula sa mga dokumentaryo, hanggang sa ngayon ay ginagawa ngang pagkain ang mga balang bilang bahagi ng iba’t ibang kultura ng mga tao sa daigdig. Nagsisilbing negosyo o hanapbuhay din ito ng iilan. Naisip ko tuloy, ano ba ang gustong iparating ng Diyos sa nangyaring pagsalakay ng mga salot sa aming lugar? May nais ba Siyang hingiin na kailangan naming palayain? Isa ba itong parusa? Isang malagim na paalala? O isang nakakubling biyaya?

Magdadapithapon na nang ako ay dumating sa bahay nina lola. Hindi ko na napansin ang takbo ng oras sa byahe. Gising akong dinalaw ng mga pangyayari sa nakalipas. Matapos ang maikling kwentuhan at pagbati, nabatid kong marami na ang nagbago sa mga nakalipas na taon. May sari-sariling pamilya na sina Taruk at Norman at parehong naninirahan sa bayan ng Isulan. Si Manang Gamay, na piniling hindi mag-asawa, ang natitirang kasama ni lola sa bahay matapos pumanaw si lolo taon na din ang binilang.

Nang magtakip-silim, may bumati sa akin mula sa labas ng bakuran habang nakaupo ako sa balkonahe. “Tong! Long time no see ah,” tawag ng lalaki. Hindi ko maaninag nang maayos ang kanyang mukha. Tinitigan ko siyang mabuti. Dahan-dahan kong napagtanto na si Natoy pala ang ang tumatawag sa akin.

“Toy! Ikaw gali na?” abot-langit ang aking ngiting tugon sa kanya. Mula sa aking kinauupuan ay napansin ko ang plastik na lalagyang hawak niya, “ano ’yang dala mo?”.

“Tuba, Tong. Ginbaligya ko da sa may tiangge”, nakangisi niyang sagot. “Mapuli anay ko. Mabaliki lang ko dayon. Akon a bahala sa irimnon.” Sa dating bahay pa din nila nakatira si Natoy. Hindi pa ito nakakapag-asawa sapagkat abala itong tinutulungan ang kanyang matandang ama sa pagsasaka.

“Sige, Toy. Tam lang kay may ginbakal ko pampulutan da”, sambit ko na may halong pananabik.

Magdamagan kaming nagkakuwentuhan ni Natoy sa balkonahe. Masaya niyang ibinahagi ang mga bagay tungkol kay Norman, si Taruk, ang masarap na luto ni Manang Gamay, at ang nalalapit na anihan ng palay. Sariwa pa din sa kanya ang masakit na alaalang dala ng pananalanta ng balang noong aming kabataan. Hindi ko matandaang napag-usapan namin ito noon matapos ang mga nangyari. Tahimik lang akong nakinig.

Kwento niya, tunay na nakakapanghina ang dulot ng pangyayari sa kanila na umaasa lamang sa biyayang bigay ng lupa. Higit pa dito, mas lalong nakakapanghina ang hirap na kailangang gawin upang makabangon matapos ang pinsalang dulot ng pagsalakay ng mga salot. Napatitig ako sa mga natirang piraso ng pritong balang sa ibabaw ng pinggan. Unang beses kong naulinigan si Natoy na ganito. Nasanay ako na naririnig lamang siyang nagkukuwento kung paano manghuli ng palaka sa may palayan. Kunsabagay, hindi sapat ang isang buwan lamang bawat taon na pagbisita ko noon sa Tacurong; maikli ang isang buwan upang lubusang maintindihan ang kanilang mga dinanas pagkatapos ng delubyo.

Naikwento niya din ang ginagawa nilang pagtitipon ng mga tuyong dayami sa apat na sulok ng taniman. Nakagawian na itong gawin ng mga magsasaka bilang paghahanda kung sakaling sumalakay ang mga balang. Ang usok na lilikhain nito kapag sinindihan ay magsisilbing panangga upang itaboy ang nagbabadyang pagdapo ng mga salot. Kung sakali mang hindi na maagapan ang pagsalakay, kinakailangan namang sunugin ang buong taniman upang siguruhing hindi makapangitlog ang mga balang na posible pang dumami at makapanira ng marami pang pananim. Hindi man niya direktang sabihin, bakas sa boses niya ang nakatagong dalangin; panalangin na sa kabila ng paghahanda, sana’y hindi kailanman kailangang sindihan ang mga tuyong dayaming pinumpon nila sa taniman.

Tiningnan ko si Natoy habang inaabot ang baso ng tuba alinsabay ng pagbanggit niya sa gagawing pag-aani sa mga susunod na araw. Sa ganitong mga panahon lamang sila nakakabawi sa pagod na iginugugol nila sa bukid. Nagliliwanag ang kanyang mukha tuwing nababanggit niya ito, sa kabila ng pamumula ng kanyang mga pisnging halatang nalalasing na sa inumin.

Magmamadaling-araw na kaming natapos sa dami ng mga kwentong kailangan naming habulin at mga alaalang masarap balik-balikan. Halos tanghali na akong nagising kinabukasan. Kung hindi lang dahil sa mga bulungang narinig ko sa labas ng bahay ay hindi pa ako bumangon. Lumabas ako ng silid. Naabutan ko si Manang Gamay at lola sa balkonahe na parehong nakatingala. Lumapit ako sa kanila na wala pa sa tamang ulirat. Ang mga tao sa kalapit na mga bahay ay nasa labas din at nagkukumpulan. Kinuskos ko ang aking mga mata at tumingala sa direksiyon na kanilang tinitingnan.

“Bakit madilim pa ang langit gayung magtatanghaling tapat na?” tanong ko sa aking sarili na may halong pagtataka. Mula sa malayo ay natatanaw ko ang makapal na ulap. Pinagmasdan ko itong mabuti. Mabilis ang pagbabago ng hugis nito kasabay ng malakas na hanging umiihip mula sa likuran. Sa aking pagtitig, dahan-dahang nabubuo sa aking hinuha na hindi ulap ang aking nakikita—ang tunog ng pagaspas ng maliliit na pakpak at ang galaw ng kulay-kalawang na hugis na tila sumasabay sa saliw ng orkestrang tinutugtog ng hangin.

Ibinaling ko ang aking paningin sa mga nagkukumpulang kapitbahay. Bakas ang pagkabahala sa kanilang mga galaw. Lumingon ako kina lola at Manang Gamay. Nakasulat sa kanilang mga mukha ang labis na pag-aalala. Muli kong tiningnan ang madilim na langit. Umalingawngaw sa aking gising na diwa ang mga turan ni nanay tungkol sa pagsalakay ng mga salot- ang nalalapit na pagbabalik ng Diyos at ang parusang dala ng Kanyang pagkapoot. Sa hindi mawaring dahilan, ay saglit ring nanumbalik sa aking isip ang amoy at lasa ng luto ni Manang Gamay, ang tunog ng kumukulong mantika, ang tilamsik ng ginigisang bawang, ang tawanan naming magkakaibigan habang naglalaro sa malawak na damuhan. Bumigat ang aking pakiramdam.

Pumasok ako ng bahay patungo sa kusina. Hinalungkay ko ang mga gamit sa batalan at agad ding lumabas ng pinto. Sa bugso ng mga sandaling lumipas, tinakbo ko ang hilera ng mga punong niyog na ikinukubli ang malawak na bukirin. Bumungad sa aking balintataw si Natoy at ang mga kasamahan nitong mga magsasaka; nakatayo sa pilapil at tinitingala ang buhay na alapaap. Saglit siyang napalingon sa akin. Hawak-hawak ang kalawanging karit ni lolo sa aking kanang kamay, ang lumang gasera sa kaliwa, sinulyapan ko ang nagdidilim na langit. Sinundan ng aking mga mata ang sayaw sa sigwa ng lumilipad na kawan, sa ibabaw ng ngayo’y nagliliyab at umuusok na mga pananim.

Naalala ko ang liwanag sa mukha ni Natoy; ang kaniyang tuwa at saya habang ikinukuwento ang nalalapit na anihan.

At sa hindi namalayang sandali, dagling gumuhit ang malamlam na ngiti sa aking mukha.


Arville Setanos is a public school teacher for ten years in General Santos City National High School and is studying Law at Mindanao State University-General Santos.