Isang gabi, binabad ko ang ukay-ukay kong mga t-shirts. Iniba-iba ko ang mga puti at de-kolor. Nilagyan ko ng kloroks ang may mantsang t-shirt na puti.
Napatingin ako sa tv. Inaantabayanan ko kasi ang paborito kong programa tuwing linggo ng gabi. Pero advertisements pa pala: lotion na pampaputi, for straight hair shampoo, at kung anu-ano pa. Meron ding piling mga eksena ng isang melodrama na kinaiinisan ko pero sinusubaybayan ng halos lahat sa bahay.
Umupo ako saglit sa harap ng tv. Di pa rin tapos ang mga advertisements. Sa inis at inip ko, binalikan ko ang mga binabad. Kinusot-kusot ko nang bahagya. Napatingin uli ako sa tv. Nagkataong may advertisement ng isang tanyag na politiko tungkol sa kanyang gagawing proyekto. Advertisement pa ba to? tanong ko sa sarili. “Kay aga-aga pa ng political advertisement na to!” bulalas naman ng kapatid ko.
Habang patingin-tingin ako sa nasabing political advertisement, kinusot ko ang t-shirt na puti. Nilagyan ko uli ng kloroks ang mantsa. Hinipan-hipan. At kusot uli. Super kusot. Nang sinipat ko ang t-shirt, natanggal konti ang mantsa.
At binabad ko uli ang t-shirt na puti.
Amihan is a freelance creative fiction and non-fiction writer who was born and raised in General Santos City.