Ilaw

Poetry by | January 26, 2026

Hindi na gumagana ang bumbilya sa bahay
Ponde at nangingitim na ang mga kamay
Pakurap-kurap pag sinindihan ang ilaw
Sa kanyang unti-unting pagkamatay
Lumalago ang mga lumot sa kama
Malulusog ang mga namamahay na anay
Namumuo sa sulok ang mga alikabok
Umaalingasaw ang panghe ng kubeta
Bulubundukin ang mga labahang inaamag
Namumulaklak ang mga pinggan sa lababo
Lumalaki ang mga anino sa mga aparador
Kinakain ng dilim ang haliging matayog
Nanlalamig ang masiglahing tirahan
Dahil sa gumagapang na kanser
sa mga kable ng ilaw ng tahanan


Si Ben ay isang law student sa Notre Dame of Marbel University na nagsusulat ng mga tula kapag napagod na siyang magbasa ng mga batas. Mahilig siya sa mga bagay na kulay dilaw. Nangongolekta siya ng mga Pokemon at Magic: The Gathering Cards, Sonny Angel, Dimoo, at libro. Isa siya sa mga kasalukuyang advisers ng Timog Literary Circle sa South Cotabato. Mahal niya ang kanyang mga nanay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.