Kapag Nangungulila Ako Sa’yo

Poetry by | October 6, 2025

Kapag nangungulila ako sa’yo
Kinakalkal kita sa loob
Ng aking sling bag
Sa pinakailalim at sa mga gilid-gilid
Sa dalawang mini pocket sa harap
Mapapanatag lamang ako
Kapag nakapa ko na ang bote
Ng pabango.

Kapag nangungulila ako sa’yo
Kinakapa kita sa aking bulsa
Sa kaliwang bulsa, sa kanang bulsa
Sa likod at magsisimulang mamawis
Ang aking noo kapag di ko matagpuan
Ang itim kong pitaka.

Kapag nangungulila ako sa’yo
Hinuhugot kita sa loob ng aking cabinet
Minsan natatabunan ka ng mga damit
O di kaya’y gumigilid at bumabaon ka
Sa pagitan ng mga tela
At laging parang nabunutan ako ng tinik
Kapag natagpuan ko
Ang naka-frame na mga talulot.

Kinakapa kita sa mga sulok-sulok
Buong loob kitang hinahagilap
Kahit madalas, nakadaliri lamang kita
Di gaanong maluwag
Di gaanong masikip—tama lang
Walang binibigat at di nakasasakit

Kapag nangungulila ako sa’yo
At di kita matagpuan
Sa mga bagay na kaya kong kapain
Pinipikit ko ang aking mga mata
Dinadama ko ang pintig
Ng buo kong sistema.


Jevin Astillero is a writer from Bonifacio Misamis Occidental. He graduated in MSU – Iligan Institute of Technology and has been a writing fellow of NAGMAC-YWS, Dapit-Suwat sa Lamdag, tranSCRIPT 2:National Playwriting and Dramaturgy Workshop, Anunaw, INWW, IYAS, and SUNWW.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.