“Isa…dalawa…tatlo. Tatlong tilapya na ang nabingwit ni Liloy sa ilog. Yohooo, may makakain na kami!” bulalas niya.
Samantala, wala pang nahuhuli si Danoy, ang kaibigan ni Liloy. Tahimik lamang siya. Nakasandal siya sa isang malaking bato. Tinitingnan niya ang isang tilapya sa ilog. Lalapit-lapit ito sa pain ng kaniyang pamingwit na kawayan.
“Pag nakalimang isda na ako, baka mauna na ako ‘yo, Noy, ha. Baka nagugutom na sila sa bahay,” sabi ni Liloy.
Tumango lamang si Danoy. Nakaramdam siya ng inggit. Sa isip niya, “Buti pa sina Liloy, may makakain na, kami, wala pa.”
Ilang sandali pa, gumalaw-galaw ang pamingwit niya.
“Salamat, salamat, may makakain na kami!” sigaw niya.
Nang biglang hinatak ng tinitingnang tilapya ang pamingwit niya. Lumundag ito mula sa ilog. Nag-iba ng hugis at kulay. Naging dambuhalang isda!
“Ngok, ngok, ngok, di mo ako mabibingwit, lalong di mo pwedeng kainin!” pang-iinis ng isda.
“Pagkain ka namin dapat!” sigaw ni Danoy.
“Di kami para sa inyo!” singhal ng isda.
Susugurin na sana ni Danoy ang isda, pero sabi nito, “Sumakay ka na lang sa akin, bata. Dadalhin kita sa kalangitan. Makapamimingwit ka roon ng mga isdang kumikislap.”
Sumakay naman si Danoy. Gustong-gusto niya kasing makapunta sa kalangitan.
Nilipad-lipad si Danoy ng dambuhalang isda. Tumagos-tagos sila sa mga ulap. Sa bawat pagpatong ng dambuhalang isda sa mga ulap, pinamimingwit ni Didoy ang mga isdang kumikislap.
Pero biglang bumulusok ang isda sa karagatan.
“Wag mo akong ilunod! Waaag!” sigaw ni Danoy.
“Hoy, Noy, gising!” yugyog ni Liloy kay Danoy.
Nakatulog pala si Danoy. Wala pa siyang nahuhuling isda.
“Sa ‘yo na ‘tong dalawang tilapya ko, Noy,” alok ni Liloy. Apat na tilapya ang nabingwit niya.
“Salamat, Loy,” sabi ni Danoy. Napangiti siya. May makakain pa rin pala sila.
Pero tiyak ni Danoy, makahuhuli rin sila ni Liloy ng marami at malalaking isda balang araw.
Ferdinand Balino, a development worker, researcher, and former teacher, has won Palanca Awards for Literature four times in two language categories, Cebuano and Hiligaynon. Recently, he also won at the Gawad Bienvenido Lumbera National Literary Contest in 2023. He also writes and speaks Ilokano since he is a son of migrants from Pangasinan and Zambales.