dahil ang pag-ibig natin ay hindi isang bulaklak na tumubo lamang sa isang paso, kundi sa isang banayad sanang lupa ng nabunturan, handog ng buwan at kamatayang mga banal. ngunit hindi natin kayang yumabong nang husto dahil sa mga damong hindi naman dito sa atin galing ang pagtubo. sa pagkakaalam ko, bago pa man dumating ang diyos ama, anak, at espiritu santo, may basbas na ng buwan at kamatayan ang ganitong uri ng pag-ibig. kinuha na lamang ang sustansya ng regalong lupain ng mga dayuhang halamanin na siyang nagpunla ng napakalubhang sakit na halos di na kayang agapan pa. kaya hanggang ngayon, naghihikahos pa rin tayong mamunga, nahihirapan pa ring magpalago, pinipitas na kahit hindi pa dapat.
ngunit hindi rito natatapos ang pagdami ng mga ugat, ang pagtubo ng ating tangkay, ang pagiging luntian ng mga dahon, ang pagpapahalimuyak ng mga talulot, ang pagpapadapo ng mga bubuyog. lalaki pa tayo. malalanta pa tayo. lalaban pa tayo.
pero sa ngayon, ang ibigin ka, amiel, ay mananatiling isang pakikibaka hangga’t may sakit ang lupain nating ito.
John Lloyd Sabagala holds a bachelor’s degree in Literature and Cultural Studies from the University of Southeastern Philippines.